Home>News>Provincial>Salceda: Super DDR sadyang kailangan na

Salceda: Super DDR sadyang kailangan na

LEGAZPI CITY – Panibagong panggising sa mga Pilipino ang katatapos na Super Typhoon Rolly na binugbog ang ilang lugar sa bansa lalo na ang Bikol kung saan mga 16 tao ang napatay, bukod sa ilan pang nawawala. Sadyang kailangan na nga ang panukalang Department of Disaster Resilience, ayon kay House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda.

Sinalasa ng napakalakas na 295 hanggang 319 kilometro bawat oras na hingin ni Rolly ang Kabikulan, lalo na ang mga lalawigan ng Catanduanes, Albay at Camarines Sur sa araw mismo ng Todos Los Santos. Matindi ang mga kasiraang iniwan nito na aabot diumano ng 10 taon bago maibalik sa dati. Naputol ang lahat ng komunikasyon sa Catanduanes, isang islang lalawigan.

Nagtamo ng piakamaraming namatay ang Albay, na dati ay ipinagkakapuri ang “Zero Casualty” o walang namamatay na rekord sa siyam na taong panunungkulan ni Salceda bilang gubernador nito hanggang 2017. Nagawa ito sa pamamagitan ng estratehiya niyang “Preemptive Evacuation.” Dahil dito idineklara ng United Nations ang Albay bilang modelo nito sa ‘disaster risk reduction and climate change adaptation.” Ngayon, ito ang nagkaroon ng pinakamaraming namatay.

Bangon tulos, magtarabangan kita (Bangon agad, magtulungan tayo),” sabi ni Salceda sa salitang Bikol sa kanyang ‘social media account’ pagkatapos ng pananalasa ni Rolly. Kaagad nin niyang itinatag ang isang ‘response team’ na pinangalanan niyang ‘Rescue Recon 1 Philippines,’ na binubuo ng mga NAVY reservists, duktor, nars at EMT para sa pagligtas at pagtulong sa mga nasalanta.

Naniniwala ang mga awtoridad na maaaring mga patay pang hindi agad natukoy dahil mga 300 bahay ang diumano’y nabaon sa lahar at putik malapit sa mga ilog sa paanan ng bulking Mayon. Iisa ang dinaanan ni Rolly at ng isa pang bagyo, si Quinta noong nakaraang lingo na maaaring nagpaluwag sa kapit ng lahar sa gilid ng Maton.

Ininspeksiyon ni Pangulong Duterte, kasama si Senador Bong Go at ilang mga opisyal ng gabinete ang mga sinalantang mga bayan sa Albay, nitong Lunes.

Gaanong paghihirap pa ang kailangan nating danasin bago ipasa ang panukalang DDR Act?,” tanong ni Salceda na siyang bumalangkas ng HB 5989, ang DDR bill. Ayon sa mga paunang ulat, ang halaga ng mga sinalanta ni Rolly sa agrikultura, impraestraktura at iba pang mga industriya ay aabot sa bilyun-bilyong piso.

Nitong nakaraang lingo, nanawagan si House Speaker Lord Alan Velasco sa Senado na ipasa agad ang DDR bill. “Masugid naming inaamuki ang mga katapat namin sa Senado isa ipasa agad ang sarili nilang bersiyon ng DDR bill para magkaroon na ito ng kaganapan at maging handa tayo lagi kapag may kalamidad, at matuunan ng iba pang mga kagawaran ang pagbangon natin mula sa pagkakadapa dulot ng COVID-19 pandemic,” panawagan niya.

Ayon kay Salceda, sinasalamin ng panawagan ni Velasco ang buong saloobin ng Kamara at ng mga Pilipino kaugnay sa paglikha sa DDR, na siyang magiging pangunahing ahenya ng pamahalaan na mangunguna, mangangasiwa at maguugnay-ugnay sa lahat ng hakbang at programa ng gubiyerno para maiwasan, mapaghandaan at mapagaan ang dagok ng pananalanta mga kalamidad, makabangon sa mga ito at patuloy na isulong ang progreso ng bayan at lipunan.

Ipinasa ng Kamara ang DDR Act noong ika-21 ng Setyembre. Itinuturing itong isang kumprehensibong tugon ng bansa laban sa mga kalamidad, kasama na ang pandemya. Maraming beses na itong inendorso ni Pangulong Duterte. Binalangkas ni Salceda at sinuportahan ng maraming mambabatas, umani ito ng 241 boto sa Kamara. Nauna na itong ipinasa ng Kamara noong 2017 ngunit inabutan ng halalan sa naturang taon habang nakabinbin sa Senado. Ngayon naghihintay ito ng aksiyon ng mga senador.

Kasama ang mga lumagda sa panukalang DDR bill, nauna na ring nanawagan si Salceda sa Senado na ipasa ito agad. Naniniwala siyang magaganap ito lalo na at si Sen. ‘Bong’ Go ang umakda ng bersiyon nito sa Senado. Madiin ding sinabi ni Go na “sadyang kailangan nang baguhin ang pananaw at pamamaraan kaugnay sa mga kalamidad na lalong lumilimit at ibayong pahirap ang ibinibigay sa mga Pilipino lalo na ngayong may pandemya.

Binigyang diin ni Salceda na hind basta kamalasan ang kalamidad. “Mga kaganapan itong mabisa matutugunan upang mapagaan ang kanilang pananalasa. Hindi na natin maitatatwa na totoo ang ‘climate change;’ ang malalakas na mga bagyong bumabayo sa atin taon-taon; ang mga lindol at mga bulkan nating tuwinang sumasabog. Katotohanan na sa buhay natin ang mga kalamidad. Magiging mabisa ang tugon natin sa mga ito sa pamamagitan ng DDR,” dagdag niya.