Salpukan ng 2 bangka: 4 patay

August 25, 2019

APAT katao ang nasawi habang ilan pa ang nawawala makaraang magbanggaan ang dalawang bangka kamakalawa ng gabi sa Rio Grande, Mindanao.

Ang mga nasawi ay nakilalang sina Jomar Akir, Jowaina Saling, Ustadz Elmie Norodin at ang nagsasagwan ng bangka na si Pudi Giadel.

Batay sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Crame ang mga bangkay nina Akir, Saling at Norodin ay natagpuan sa Lugay-lugay, Cotabato City kahapon ng umaga.

Natagpuan naman ang bangkay ni Giadel sa Barangay Bucana sa Cotabato City.

Patuloy naman ang isinasagawang search and rescue operation ng mga awtoridad upang mailigtas pa ang ibang nawawalang pasahero ng dalawang bangka.

Sa kasalukuyan, inaalam pa kung ano ang naging sanhi ng banggaan ng dalawang bangka.