Home>News>Provincial>SMC Bulacan Airport bill inaprubahan ng Kamara

SMC Bulacan Airport bill inaprubahan ng Kamara

INAPRUBAHAN ng Kamara kamakailan ang House Bill 7507, (HB 7507) na magbibigay ng prangkisa sa San Miguel Aerocity, Inc. (SMAI), na magtatag ng ‘international airport’ sa Bulakan, Bulacan at isang ‘airport city’ sa karatig nitong lugar. Ang SMAI ay ‘subsidiary’ ng San Miguel Corporation (SMC).

Kasama sa inaprubahang bill ang “financial re-engineering” probisyon na binalangkas ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, na titiyak na ang 50-taong prangkisa at kontrata sa panukalang ‘New Manila International Airport’ (NMIA) ay “magiging patas at kapaki-pakinabang para sa SMAI at mga Pilipino.”

“Natatanging proyekto at pamumuhunan ang proyektong ito. Gusto ko itong matuloy at magkatotoo. Ipinanukala ko lang sa pamunuan ng Kamara ang pagbabago sa ilang probisyon ng dating bill, HB 7241 na titiyak na magiging lalong mahusay at kapaki-pakinabang ang proyekto,” ani Salceda na pinasalamatan din ang pamunuan ng Kamara sa pagtanggap nito sa kanyang mga panukalang pagbabago.

Inaasahang paluluwagin ng NMIA ang karaniwang kasikipan sa Ninoy Aquino International Airport at isusulong nito ang makabuluhang pag-unlad sa Gitnang Luzon.

Layunin ng dating bill (HB 7241) na likhain ang ‘airport city and economic zone’ at magkakaloob ng prangkisa para sa ‘airport’ na bibigyan din ng maraming ‘tax exemptions.’ “Gusto ko itong matuloy at magkatotoo, ngunit nais ko ring matiyak na patas ang pakinabang dito ng mamumuhunan at mga Pilipino,” giit niya.

Tinalakay ng kumite ni Salceda ang ‘substitute bill (HB 7507) para sa prangkisa ng NMIA matapos itong ipasa ng House Committee on Legislative Franchises. Ang mga report ng mga kumite ng Kamara na may mga implikasyon sa buwis ay pinaaaprubahan House Ways and Means Committee.

Tampok sa ‘financial re-engineering’ ni Salceda sa dating bill ang mga sumusunod: 1) dapat hiwalay ang bill para sa ‘ecozone’ at prangkisa ng NMIA; 2) dapat walang ‘gross income earned regime’ ang ecozone; 3) ang prangkisa para sa airport ay para sa SMAI lamang na mangangasiwa nito; 4) ang mga ‘tax provisions’ ng bill ay dapat katugma ng sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na iaasahang magiging batas agad; at 5) dapat malinaw ang mga hangganan ng ecozone. Lahat ng mga ito ay inaprubahan ng kamara.

“Sadyang higit na patas ang HB 7507 kaysa HB 7241. Tiyak na kapaki-pakinabang ang P740 bilyong pryektong ito na katumbas ng 4% ng ating ‘gross domestic product’ (GDP). Bilang konsiderasyon naman, humihingi sila ng mga ‘tax concessions’ na dapat namang ibigay. Kaya tiyak na magiging kapaki-pakinabang at makabuluhan ang patas na mga ‘tax provisions’ sa inaprubahang panukalang batas,” puna ni Salceda.

Ayon sa mambabatas, limpak-limpak ang kikitain ng Bulacan airport. Paghahatian ng SMAI at pamahalaan ang anumang kitang lampas sa 12% ng “rate of return’ nito. Binigyang diin ni Salceda na lahat ng kitang hiwalay sa operasyon ng airport ay dapat buwisan. “Maraming mga hotel, restoran at iba pang negosyo ang uusbong sa ‘Airport City’ kaya ang prebilihiyo sa buwis ay dapat para sa airport lamang,” dagdag niyang paliwanag.

“Tila pianakamalaking isahang pamumuhunan ang Bulacan airport sa kasaysayan ng Pilipinas. Korporasyong Pilipino ang San Miguel at sa bansa pinaiikot ang salapi nito para lalong mapaunlad ang pambansang ekonomiya. Natutuwa akong maging bahagi sa pagbalangkas ng patas at makabuluhang prangkisa nito,” dagdag ni Salceda.

Inaprubahan na rin ng House Tax Committee ang isa pang ‘substitute bill’ na akda ni Salceda na lilikha sa ‘Bulacan Airport City Special Economic and Freeport Zone.’