Home>News>Provincial>Suspek, sibilyan patay sa barilan sa Pangasinan

Suspek, sibilyan patay sa barilan sa Pangasinan

PATAY ang isang suspek at isang babaeng sibilyan sa naganap na barilan na nangyari bandang 10:50 a.m araw ng Linggo sa Bgy. Papallasen, Umingan, Pangasinan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga tauhan ng Umingan Police Station, ang biktimang si Rolando Caspillan, dating Bgy. Kagawad at residente ng Bgy. Tanggal Sawang, Umingan, ay kasama ang kanyang asawa sakay ng motorsiklo nang tambangan at paputukan ng dalawang lalaking hindi pa nakikilalang suspek.

Nakaganti ng putok ang biktima at tinamaan ang isang suspek na namatay agad habang nakatakas ang kasama nito na sakay ng motorsiklo at isa pang suspek.

Ayon sa report, dalawang sibilyan ang naipit sa gitna ng putukan na ikinasawi ni Rosemarie Castro at sugatan ang isang Sheryl Sepanton.

Mabilis na isinugod ang biktimang si Caspillan sa Family Clinic, Tayug habang si Sepanton ay isinugod sa Eastern Pangasinan District Hospital, Tayug, para gamutin.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Umingan PS para sa posibleng pag-aresto sa mga tumakas na mga suspek.

Publication Source :    People's Tonight