Home>News>Provincial>Taal Lake Bantay Lawa tumanggap ng patrol boat mula sa kapitolyo

Taal Lake Bantay Lawa tumanggap ng patrol boat mula sa kapitolyo

TAAL, Batangas — Isang patrol boat ang ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas kamakailan sa samahan ng mga mangingisda sa Lawa ng Taal, na kabalikat ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan dito.

Isinagawa sa Bgy. Banyaga, Agoncillo ang turnover ng fiber glass-made motor banca sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa mga kinatawan ng Taal Lake Bantay Lawa, ang organisasyong binubuo ng mga volunteers at deputado ng Protected Area Management Board ng Taal Lake Protected Landscape upang pangalagaan ang nasabing lawa.

Nagpasalamat si Ibarra Panganiban, chairperson ng Bantay Lawa, kay Gov. Dodo Mandanas at sa pamahalaang panlalawigan dahil magagamit ng kanilang grupo ang banca sapagpapatrolya, pag-aalis ng mga iligal na istraktura at iba pang mga aktibidad sa Taal Lake.

Ayon kay Provincial Agriculturist, Engr. Pablito Balantac, ang patrol boat ay bahagi ng kanilang distribution ng mga bankang de motor na isa sa mga prayoridad ng Mandanas administration, katuwang ang Sangguniang Panlalawigan ng Batangas.

Noong buwan ng Enero, dalawang patrol boat ang natanggap ng samahan ng Bantay Dagat sa Bayan ng Calaca, samantalang kasalukuyang tinatapos na rin ang isa pang patrol boat na nakatakda namang ipagkaloob sa Kilusan ng mga Maliliit na Mangingisda sa Lawa ng Taal o KMMLT.

Kasama rin ng OPA sa aktibidad ang mga kawani mula sa Provincial General Services Office at Tanggapan ng Agrikultura ng Pamahalaang Bayan ng Agoncillo.

Publication Source :    People's Tonight