Tulog na mag-asawang pulubi inararo ng SUV

Kalunos-lunos ang sinapit nang mag-asawang pulubi nang araruhin nang rumagasang Nissan Pick–up habang natutulog sa bangketa  sa Barangay  Old Balara, Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang dalawang biktima ni PLt. Oliver S. Dela Cruz, hepe ng Traffic Sector 5 ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU) sa mga pangalang  Mark at  Elena,  kapwa  walang tiyak na tirahan.

Sina alyas Mark at Elena ay binawian ng buhay  sa lugar ng pinangyarihan dahil  sa matinding pagkasalanta ng katawan.

Agad naman na naaresto ang akusadong si Elyboy Maraño Nodalo, 47–anyos, driver ng Nissan NP300 Pick–up na mayroon lamang conduction sticker.

Lumitaw  sa imbestigasyon ng Traffic Sector 5, dakong alas–12:30 ng madaling araw, nagpapahinga umano sa may Tandang Sora extension. ang dalawang hinihinalang scavenger sa may tapat ng Vic Valley Street, Bgy. Old Balara.

Ilang saglit may rumagasang Nissan Pick–up na minamaneho Nodalo galing ng Philcoa, rumampa sa center island at nasalpok sina alyas Mark at Elena na ikinamatay ng mga ito.
Nabatid na halos nawasak ang pick–up. Ayon sa akusadong driver ay hindi niya napuna ang 2 biktima dahil madilim sa lugar.

Nakapiit ngayon  sa nasabing himpilan ng trapiko ang akusadong driver makaraang kasuhan sa QC Prosecutor Office ng reckless imprudence resulting to double homicide.