Unang kaso COVID-19 sa Zambales, kinumpirma

SUBIC, Zambales- Kinumpirma kamakalawa ng Zambales Provincial Health Office (PHO) ang unang kaso ng positive COVID-19 sa lalawigan.

Ang kompirmasyon ay ginawa ni Dr. Noel Bueno, Provincial Health Officer noong Huwebes.

Ayon kay Bueno, ang pasyente ay isang lalaki na may edad na 73, isang US citizen na may tirahan sa Barangay San Gregorio, San Antonio, Zambales.

Sa kabila ng pagtatangka ng Department of Health na itago ang pagkakakilanlan sa mga nagpositibo sa COVID-19 o Person under Monitoring (PUM) at Person Under Investigation (PUI), ang larawan ng Zambales positvie COVID-19 ay kumakalat naman sa social media.

Dagdag pa ni Bueno, ang pasyente ay nagbiyahe sa Cavite at Maynila bago umuwi sa Zambales noong Marso 15. Kinabukasan, nakaranas ng lagnat at pagdudumi ang pasyente kung kaya nagpakonsulta ito sa pagamutan.

Sa isinagawang pagsusuri sa pasyente sa Pres. Ramon Magsaysay Memorial Hospital sa Iba, Zambales, nakumpirma na positibo ang pasyente sa nakahahawang virus.

Gayunman, iniulat na nasa maayos na kalagayan ang pasyente at pinayuhang “continue strict observation and monitoring at home.”

Patuloy naman ang contact tracing sa mga nakahalubilo ng pasyente upang masuri ang mga ito.