Van nahulog sa bangin; 2 pisak, 12 sugatan

December 19, 2018
Vehicle accident
Tinitingnan ng mga rescuer ang Isuzu van na nahulog sa bangin sa Nasugbu, Batangas.

PATAY ang dalawang sound system operator nang madaganan at mapisak habang l2 ang sugatan nang ang kanilang sinasakyang isang Isuzu closed van ay aksidenteng nahulog sa bangin habang nasa  isang biglang liko na kurbada kahapon ng umaga sa Nasugbu, Batangas.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina  Steven Mendoza at Earl Bonan Obispo na kapwa sound system operator ng  J.S. Mina Sound system.

Ang 12 sugatan kabilang ang driver na si Rodrigo Gonzales Cuevas, 58, may asawa, ay isinugod sa pinakamalapit na ospital para gamutin.

Ayon sa ulat na nakarating sa  Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 5:53 a.m. sa national road sa Bgy. Natipuan, Nasugbu, Batangas.

Ang insidente ay kaagad na ini-report sa pulisya ng mga residente sa lugar na nagsagawa ng rescue operation.

Ang driver at ang kanyang 11 pasahero ay isinugod sa iba’t ibang ospital habang ang dalawang nasawi na nadaganan ng van ay nakuha pagkalipas ng ilang oras.

With Jojo C. Magsombol