World-class basketball arena itatayo sa Palayan

February 23, 2020

Isang moderno at state-of-the-art na basketball arena na kasya ang mahigit sa tatlong libong manonood at nagkakahalaga ng P200 million ang nakatakdang ipatayo sa Palayan City, Nueva Ecija, ayon kay Palayan Mayor Rianne Cuevas.

Sinabi ni Mayor Cuevas, ang world-class basketball arena ay siya ring magiging “home arena” ng Nueva Ecija Rice Vanguards basketball team ng Palayan City, isa sa mga koponan na naglalaro sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).

“Bukod sa magiging home arena ito Rice Vanguards, magiging venue rin ito ng iba pang sporting events tulad ng national volleyball tournaments, badminton games, boxing,” ani Mayor Cuevas.

Iginiit ng alkalde na hindi lamang taga-Palayan ang maaring gumamit ng arena kundi lahat ng mga Novo Ecijanos.

Ayon pa kay Mayor Cuevas, ang ultra-modern sports facility ay poponduhan ng private investors. Ngayong Marso 2020, isasagawa ang ground breaking ceremony para sa arena habang inaasahan namang matatapos sa last quarter ng 2020.

“Magkakaroon ang Novo Ecijano ng facility kung saan maari silang mag-ensayo, magpa-liga ng mga sporting events at maging host na rin ng mga national tournaments. Maari rin magsagawa ng mga concert at iba pang events dito,” pahayag pa ni Cuevas.

Naisip ni Mayor Cuevas ang proyekto at agad na humanap ng mga investor matapos mai-award ang MPBL franchise sa Nueva Ecija nitong December 2019.