Home>Editorial>Opinion>Online sabong vs online classes

Online sabong vs online classes

HINDI natin alam kung anong klaseng pag-iisip mayroon ang mga mambabatas na nagsusulong ng online sabong.

Isinasangkalan nila ang pandemic para itulak ang legalisasyon ng e-sabong dahil makakalikom daw ng mahigit isang bilyong buwis mula rito.

Sa halip na palakasin ang online classes, lalo na sa mga remote areas na mahina or wala pa ngang internet connection, mas pinagtutuunan nila ng pansin ang mga manok na panabong.

Tiyak na may mga kapitalista ang nasa likod ng mga pagsusulong ng e-sabong na dapat munang ilantad ng mga mambabatas kung sinu-sino ang mga ito.

Ang hinahanap ng ating mga kababayan ay ang mga inspirasyon at mga bagong kaalaman na magbibigay sa kanila ng pag-asa sa panahon ng pandemya at hindi ang sigawan ng low-diyes sa wala mula sa online derby.

Unang-una, hinihikayat na magsugal ang mga tao kahit nasa bahay lang sa pamamagitan ng e-sabong na gustong aprubahan ng House of Representatives. Ganito ba ng klase ng liderato ang umiiral ngayon sa kongreso?

Kung ikukumpara sa liderato noong nakaraan, ang isinulong nila ay ang pagsasabatas ng Anti-terror bill, ang pagpapatibay ng Bayanihan 1 and 2. Sa pamamamagitan ng mga batas na ito, sinagip ang mga kababayan natin sa karahasan at kagutuman dahil nga hindi man lang makalabas ng bahay.

Makati City Pabakuna

Nabigyan ng P5,000 to 8,000 ang mga hindi makapagtrabaho sa kalagitnaan ng lockdown sa tulong ng Bayanihan 1 and 2 tapos ngayon, gustong pagsabungin online ng ating mga mambabatas ang mga hindi makalabas ng bahay!

Ano ang susunod na batas dito, bibigyan na rin ng free internet connection ang mga sabungero para makataya at mapanood ang patayan ng mga manok sa online?

Ano ba naman ang kikitaing P1 bilyon sa buwis mula sa e-sabong kung ikukumpara sa social cost o masamang idudulot nito sa ating lipunan?

Hindi na ata nasisiyahan ang mga mambabatas sa “pagsasabong” nila sa kongreso kaya gusto nila may ibang sabong silang napapanood.

Mas mahal nyo pa ang mga sabungero kaysa sa ating mga estudyante!

Mahiya naman kayo sa naghihikahos nating mga kababayan. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV