Home>Editorial>Opinion>P140B koleksyon ng BoC mula sa ‘fuel marking program’

P140B koleksyon ng BoC mula sa ‘fuel marking program’

PABABA na ang ismagling sa gitna ng tumataas na tax revenues mula sa importasyon ng produktong petrolyo.

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez lll, mula Sept. 4, 2019 hanggang Dec. 8 sa taong ito ay nakakolekta na ang gobyerno ng P162.8 bilyon mula sa fuel-marking program.

Ang tax koleksyon ng Bureau of Customs (BoC) ay umabot ng P140.7 bilyon.

Ang excise tax collection naman ng BIR mula sa locally refined petroleum products ay umabot ng P22.1 bilyon.

Mula Sept. 4, 2019 hanggang Dec. 8 ngayong taon ay 16.4 bilyong litro ng oil products ang nalagyan ng chemical marker.

Kapag may marker na ang produkto ay nangangahulugang nagbayad ito ng buwis.

Sa namarkahang produkto, 10.1 bilyong litro ay diesel, 6.2 bilyong litro ay gasolina at 87.9 bilyong litro ay kerosene.

Ang fuel marking program ay naglalayong mahinto ang oil smuggling at misdeclaration sa bansa.

Ayon sa ating miron sa aduana, epektibo ang programang ito para mabawasan ang oil smuggling sa bansa.

Pero alam natin na nag-iisip na ng paraan ang ismagler para makapandaya muli.

Malaki kasi ang nawala sa kanila dahil sa highly successful na fuel marking program ng gobyerno.

Sa tingin ng marami ay mahihirapan ang mga ismagler na makahanap ng pangontra sa programa.

Isa pa, hindi papayag ang mga taga-BoC na maloko sila ng mga ismagler.

Ayaw nilang masangkot sa mga kalokohan habang papalapit ang pagtatapos ng administrasyong Duterte.

Baka mapasama sila sa pagwawalis ni Mayor Digong.

Makati City Pabakuna

***

Patuloy ang ginagawang pagbabantay ng mga taga-BoC-NAIA para hindi makapasok sa bansa ang mga kontrabando, lalo na ang mga iligal na droga at hazardous/dangerous na produkto.

Ang mga nakukumpiskang mapanganib na kargamento ay mabilis na sinira bilang pagtalima sa utos ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero.

Noon Disyembre 7 ay sinira sa Trece Martires, Cavite ang mga nakumpiskang unregistered cosmetics at food products, ayon kay Port of NAIA District Collector Mimel Manahan-Talusan.

Mahigit na apat na toneladang hazardous goods ang sinira noong isang linggo.

Sa taong ito ay halos 371 toneladang hazardous goods na ang sinira ng Port of NAIA.

***

Sa Port of Davao naman ay nakakumpiska ang mga otoridad ng 432 na kahon ng mga puslit na sigarilyo.

Ang mga sigarilyo ay nakumpiska ng mga taga-CIIS at ESS sa sub-port ng Parang.

Tumulong sa operasyon ang Philippine Marines, Philippine National Police at Coast Guard.

Sinabi ni Port of Davao DC Erastus Sandino Austria na nagkakahalaga ng P13.1 milyon ang mga puslit na sigarilyo.

Ang mga sigarilyo ay lulan ng isang motorized banca na bumibiyahe sa Rio Grande River at patungong Cotabato City.

Ang Port of Davao, kasama ang mga subports, ay aktibo sa kampanya laban sa ismagling.

Isa sa mga pangunahing programa ni Commissioner Rey Guerrero ang paglaban sa ismagling.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-tex sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong panagalan at tirahan. )

Publication Source :    People's Tonight