Home>Editorial>Opinion>Pagpapalawak, pagpapalakas ng National Press Club

Pagpapalawak, pagpapalakas ng National Press Club

IKINATUTUWA natin na patuloy na dumarami ang ating mga kasamahan sa midya na nagpapahayag ng kanilang pagnanais na maging kasapi ng National Press Club.

Sadyang nakatataba ng puso ang ganitong balita sapagkat alam ng marami kung paano nagtrabaho at naglingkod ang kasalukuyang liderato nito para linisin ang ating organisasyon na matagal nang winalanghiya ng mga naunang mga opisyal nito.

Nitong mga nakaraang mga taon, bago ang lockdown, marami tayong mga napuntahang lugar sa Pilipinas mula sa Luzon hanggang sa Mindanao upang mabisita ang mga kasamahan natin sa midya at kanila agad ninanais na maging miyembro ng ating organisasyon.

Itong pagpasok ng 2021, magandang simula po na naimbitahan tayo sa Central Luzon upang maging bahagi ng oath taking ng mga kasamahan nating midya doon, sa ilalim ng Central Luzon Media Association (CLMA) at marami agad ang nagpapaabot ng kanilang pagnanais na maging miyembro natin.

Sa ngayon, “indibiduwal” na pagmimiyembro pa lamang ang mayroon sa Konstitusyon ng NPC.

Kaya naman masusing pinag-aaralan ngayon kung paano ang posibilidad na magkaroon tayo ng mga chapter sa mga rehiyon o probinsya upang mapalawak ang ating kasapian at kasabay nito, ang ating serbisyo.

Kasama sa ating pinag-aaralan ay kung paano gawing miyembro ang mga lokal na organisasyon ng midya na hindi naman maisasakripisyo ang propesyunalismo ng bawat kasapi habang tinitiyak na susunod sila sa pamantayan at mga polisiya ng NPC.

Masasabi natin na ang “pagkasabik” ng mga mamamahayag, partikular na sa mga lalawigan, na maging kasapi ng NPC ay isa sa mga naging “bunga” ng ating mga pagpupunyagi sa mga nakaraang taon—pagsasaayos ng pisikal nating gusali na nasa Intramuros, Manila, sa mga proyektong pinakikinabangan hindi lamang ng ating mga miyembro, bagkus, kahit ng kanilang pamilya, hanggang sa pagtatanggal ng mga di karapat-dapat na miyembro o mga hao-shiao sa listahan ng ating mga miyembro— heto, unti-unti na nating naibabalik ang prestihiyo ng ating organisasyon.

Kaya naman ibayong paghihigpit din ang ginagawa ng ating membership committee sa pamumuno ni NPC lifetime member, Fort Yerro, upang matiyak na mga lehitimong miyembro ng midya lamang ang magiging kasapi ng ating organisasyon.

Hindi natin muli hahayaan na kung sinu-sino na lamang ang mga magiging miyembro ng NPC at gagamitin ang pangalan ng ating organisasyon para sa pansariling interes.

May mga nasa midya kasi na kapag nakakuha ng kaunting pribelihiyo ay malakas ang loob na mang-abuso.

Kaya naman hindi maiaalis na magkaroon ng mga hindi pabor sa ating paghihigpit pagdating sa pagiging miyembro ng NPC.

Pero, mas marami ang natutuwa dahil nakikita nila na dapat lang na huwag papasukin sa NPC ang mga hindi karapat-dapat.

Makati City Pabakuna

Ang NPC ay para lamang sa mga lehitimong kasapi ng midya at nagpapahalaga sa papel ng midya.

Para sa kabatiran ng lahat, may apat na kategorya po tayo ng mga miyembro:

Una, ang mga lifetime members o mga matagal nang miyembro ng ating organisasyon at iyong mga naging pangulo ng NPC.

Pangalawa, ang regular members.

Pangatlo ang mga associate member o mga wala sa propesyon ng midya subalit may pagpapahalaga at kontribusyon sa midya. Ang pinagkaiba nila sa mga regular at lifetime members ay hindi sila maaaring makaboto at tumakbo bilang kandidato. Wala silang voting power sa mga desisyon ng ating organisasyon.

At siyempre nariyan din ang ating mga honorary members. At meron pa pala, ang mga inactive members o yung mga hindi pa updated ng kanilang mga membership dues o yung mga hindi pa nagbabayad.

(Kaya sana ay magbayad na po tayo bilang ating responsibilidad sa ating organisasyon at ma-update na rin ang ‘status’ ng inyong membership).

Gayunpaman, sa mga nais na maging kasapi nito, nasa ‘NPC website’ na po ang membership form na maaari ninyong i-download sa nationalpressclubphilippines.com upang mapadali at hindi na ninyo kakailanganin pang magpunta sa tanggapan ng NPC sa Maynila.

Siguraduhin lamang na mayroon tayong lehitimong media outfit at inindorso kayo ng regular na miyembro bago mag-apply dahil kung wala po, automatic ligwak po kayo para maging miyembro.

Sa mga nagnanais na maging miyembro, maraming maraming salamat po. At nakikita natin na tiyak na ang paglawak ng NPC sa buong bansa.

Makakaasa po kayo na kami ay tutugon sa inyong hangarin na maging bahagi ng organisasyon.

And coming from your president, yours truly, asahan ninyo ‘yan. Ayos!

Publication Source :    People's Tonight