Home>Editorial>Opinion>Pagpupulis sa mga nagsasarbey
Opinion

Pagpupulis sa mga nagsasarbey

SA panahon ng digital technology, puro mga algorithm data ang binibenta sa mga kumpanya at iba pang organisasyon at tao na naglalako ng kanilang mga produkto,, programa at kandidato para matiyak ang benta sa merkado at tumaas ang popularidad at panalo sa halalan. Sabi ng “ The Social Dilemma”, isang bagong 2020 dokumentaryo ng Netflix, hindi ito makatwiran sapagkat 30 tao lamang ang nagmamanipula ng mga pagpapasyang gagawin ng 2 bilyon tao na “user” ng social media na adik sa Online Social Networks (OSN).

Lingid sa kaalaman ng mga users ng OSN, ang lahat ng demograpiya natin ay kinakalap, inaanalisa at ginagamit upang ang kulay, sukat , pangalan ng isang produkto at kung sino ang mag eendorso nito sa komersiyal ay tiyak na makatawag ng pansin at mahulog ang loob ng mga users para bumili nito. Ganyan din sa mga pulitiko. Lahat ng sinusuot, kilos at sasabihin, pinipili at binabalangkas na tugma sa mga gusto ng madla na hayok sa Facebook, Instagram, Twitter, LinkedIn, Yelp, Tiktok, Youtube at marami pang iba. Hindi ba ‘t may nananalong pulitiko dahil sumayaw ng budot? Natabunan na ang Kristiyanong prinsipyo ng populismong makamundo. Popular sa mata ng tao pero mali sapagkat ang landas na nilalatag ng populismo ay patungo sa bangin. Iyan ang karanasan sa Venezuela na pinamunuan ni Hugo Chavez.

Sinabi ni Anouar El Haj na matibay ang ebidensya ng mga dalubhasa na hindi mapagkakatiwalaan ang mga sarbey na pilit tinutuklas ang paniniwala at hilig ng mga tao. Ito ay sapagkat wala pang teknolohiya na makakabasa ng iniisip ng tao at tunay na laman ng puso nito.

Ang bisa ng sarbey ay nakabatay sa akala na makatotohanan ang mga sagot ng tinatanong. Subalit alam nating lahat na ang tao , bilang tao, ay may abilidad na magsinungaling at ikubli ang tunay na iniisip at pinaniniwalaan nito. Halimbawa na ang pagkiling sa pagbili ng mamahaling reloj. Kung ang nagtatanong ay mga kaibigan, malamang mas mataas pa ang sasabihing presyo ng reloj na bibilhin niya upang makapagyabang sa mga kaibigan. Ngunit kung ang kausap ay iyon nagbebenta ng reloj, magpapakipot at sasabihing napakamahal ng reloj upang makatawad ng malaki. Ang tawag dito ay “hypothetical bias”.

Bukod pa rito, walang parusang hinaharap ang taong hindi nagsasabi ng totoo sa sarbey. Puede niyang sabihin ang mga pangungusap na talagang inaasahan ng nagtatanong, ito ang “Hawthorne effect”. At maaari rin siyang may kaba sa dibdib at kinukutuban na kung magsasabi ng totoo, baka mapasama pa siya sapagkat baka iulat sa kinauukulan ang tunay na paniniwala niya.

Ang pagbuo ng tanong ay maaari rin magpakita ng bayas ng nagtatanong sa sarbey. Imbes na “open-ended” na tanong, pilit na pinasasagot ang mga “ close ended” na tanong at limitado lamang ang puedeng pagpiliang sagot ng tinatanong.

Isa pang elemento ng pagkiling ang pagpili ng tatanungin. Dapat “random”, lahat ay may pantay-pantay na tiyansang mapili. Kapag pinili ng nagsasarbey ang isang lugar na kamakailan lamang ay nabiyayaan ng ayuda mula sa nagpasarbey o siyang pangunahing gagamit ng resulta nito , tumataas ang tiyansa na positibo ang magiging reaksiyon sa mga tanong. Lokohan na ito.

Kapag panahon ng halalan , mayroon mga pamantayan ang RA 9006 , ang Fair Election Act of 2001, kung ano ang dapat sundin proseso ng mga nagpapalathala ng resulta ng isang election survey upang maiwasan o di kaya ay mabawasan ang pagkakaroon ng panloloko ng mga kandidatong nagbayad ng malaki sa mga poll survey researchers para dayain ang sarbey at ng lumabas na sila ang mananalo sa halalan. Ang motibo ay para panghinaan ng loob ang katunggali at magkaroon ng bandwagon effect para sa kanila. Ang COMELEC ay may kapangyarihan suriin ang mga tanong , sino ang mga tinanong at resulta ng sarbey. Hindi naman naipapatupad ng tama ang batas na ito.

Dahil sa paniniwala na mahalaga ang makatotohanang pagsasarbey at mapanatili ang kredibilidad ng pagsasarbey, may mga asosasyon sa Amerika na nagpupulis sa hanay ng mga organisasyon na nagsasarbey. Nandiyan ang American Association for Public Opinion Research at Insights Association na may mga Code of Professional Ethics and Practices, Standards and Best Practices for Survey Research , at Standards for Preventing and Addressing Interviewer Falsification at Standards of Disclosure. Kapag miyembro ng asosasyon, nagbibigay ito ng pahintulot na buksan ang ginawang sarbey sa pagsusuri upang matiyak na sumunod sa mga code at standards ng asosasyon. Sa ganitong paraan napapanatili ang kredibilidad ng resulta dahil tama ang metodolohiya, ang mga tanong ay makatwiran at ang mga tinanong ay hindi sinadyang pinili.

Panahon na para magkaroon ng ganitong pagpupulis sa mga nagsasarbey sa Pilipinas. Sa ngayon, wala silang pananagutan sa batas sa pagpapalabas ng mga resulta ng sarbey na hindi tugma sa katotohanan kaya wala silang takot gumawa ng mali. Sabi ng mga naniniwala sa sarbey, huwag pagdudahan ang mga nagsasarbey dahil may iniingatang reputasyon ang mga ito. Sana maunawaan ninyo na hindi serbisyo publiko ang negosyo ng nagsasarbey. Kumikita sila dahil napaligaya ang nagpasarbey sa ipinakitang magandang resulta ng sarbey kahit kabaligtaran ito ng katotohanan.