Home>Editorial>Opinion>Pagtuturo ng OBLICON sa ikalawang semestre

Pagtuturo ng OBLICON sa ikalawang semestre

SA Enero 21, 2021 mag-uumpisa ang ikalawang semestre ng taong panpaaralan 2020-21 sa Tarlac State University School of Law. Ako ay naatasan magturo ng limang units ng Obligations and Contracts na batay sa Civil Code. Ang mga estudyanten kukuha nito ay dapat tapos na ng Persons and Family Relations na aking itinuro noon unang semestre.

Ang Civil Code ng Pilipinas ay nagkabisa noon Agosto 30,1950. Ang DNA ng Civil Code ng Pilipinas ay nagmumula sa Institutes of Justinian, Code of Alaric, at 1889 Spanish Civil Code. May mga seksyon din ang Civil Code ng Pilipinas na hango sa Code Napoleon (French Civil Code), German Civil Code at Anglo-American Common Law.

Sa aking paghahanda sa pagtuturo ng OBLICON, pinili kong ipagamit sa aking magiging estudyante ngayong semestre ang aklat na Obligations and Contracts na sinulat ni Atty Elmer T. Rabuya (2019). Maayos at komprehensibo ang mga paliwanag ni Rabuya sa mga konsepto at dahilan ng mga alituntunin ng batas at natatahi niya ang magkakalayong seksyon ng batas upang madaling maintindihan ang pangunahing patakaran at ang mga eksepyon dito. Ang aklat na ito ay maaaring itambal ng mga estudyante ng abogasya sa Civil Law Reviewer na sinulat din ni Atty Rabuya kapag tumuntong na sila sa 4th year sa law school, sa pre-Bar at pre-week review.

Maliban pa sa aklat ni Rabuya, gagamitin ko rin ang aklat ni Prof. Ruben F. Balane (2020) na ang pormat ay akmang gamitin ng isang nagtuturo ng batas sapagkat nakalimbag sa bawat seksyon ng Civil Code ang pinagmulan na mga seksyon ng 1889 Spanish Civil Code upang madaling maintindihan at mapaliwanag ang pagkakaiba nito. Dagdag pa rito, gagamitin ko rin ang klasikong Civil Code Commentaries ni Senador Arturo M. Tolentino Volume 4[1991], Comments and Cases on Obligations and Contracts ni Atty. Hector de Leon (2003) at Civil Law Reviewer ni Atty. Timoteo Aquino ( 2018). Mahigit P10 libo ang aking nagastos sa pagbili ng mga aklat na ito. Ang Compendium of Civil Law ni Justice Jose Vitug (1993) at Civil Code Reader ng UP Law Center (2005), na bahagi na ng aking library, ay akin din bubuklatin.

Makati City Pabakuna

Ang pag-aaral ng batas ay “cumulative” at “integrative”. Hindi ito “granular”. Ibig sabihin, ang mga seksyon ng Civil Code ay may kaugnayan sa iba pang sekyon sa ibang yugto at aklat ng Civil Code at kailangan maituro sa mag-aaral ng batas ang kasanayan paano ito idurugtong sa isa’t isa. Kanya mahalaga na pumasok sa bawat takdang araw ng klase sapagkat mahirap maunawaan paano iuugnay ang leksyon na hindi pinasukan noon Lunes sa aralin na tinalakay ng Biyernes.

Bilang guro ng batas, dalawa ang aking layunin: una,matutuhan ng aking mga estudyante paano pagdugtong-dugtungin ang mga probisyon at seksyon ng Civil Code, Family Code at iba pang espesyal na batas upang makatahi ng isang sapot; at pangalawa, paano ito ilalapat sa tunay na buhay. Para makamit ko ito, tinatalakay ko ang mga opinyon ng mga komentarista sa Civil Code, hindi lang ng mga ekspertong Pilipino, bagkus pati ang mga Kastilang komentarista na pinapaliwanag ang ibig sabihin ng mga salita at terminong ginamit ng Civil Code. Nais kong masiguro na may sapat na kakayanan para pumasa sa Bar examination ang aking estudyante na kanyang kukunin apat na taon mula ngayon. Sayang ang pagsusumikap ko at ng aking estudyante kung hindi sila magiging abogado balang araw.

Mabait ako sa klase. Sa “recitation”, ang mga tanong ko ay palaging “leading” para makuha agad ng aking eatudyante ang sagot na gusto kong marinig sa kanya. Iniintindi ko ang estudyante kapag ito ay nakakaranas ng mahinang “internet connection”. Pero sa midterm exams, nakatikim ang aking mga estudyante ng mga tanong na piniga ang kanilang mga utak. Kaya naman, limang estudyante ang nalagas sa klase ko pagkaraan nito. Laking tuwa ng mga nakapasa sa midterms ng pinag group performance task ko na lang sila imbes na mamilipit sa final exams ni Gunigundo. Dalawa sa aking mga estudyante ang nasa top 10 ng mga freshmen na may full load. May isa pa akong estudyante na nagtamo ng pinakamataas na marka sa lahat ng freshmen subalit hindi siya full load.

Tukso ng aking mga kaibigan na mukhang nasisiyahan ako sa pagtuturo ng batas kahit kapiranggot ang suweldo. Oo naman. Nanariwa ang aking kaalaman sa batas, lalong lumalalim at lumawak ang aking karunungan, at patuloy ko itong nagagamit sa aking law office sa paggawa ng mga kontrata at paghawak ng mga kaso ng kliyente, at sa pagbibigay ng serbisyo bilang isang accredited OADR Arbitrator. Kung ako man ay 15 taon na hindi nakababad sa pag aabogado dahil sa aking tungkulin bilang mambabatas ng bansa, naihabol ko na ang aking kakayahan bilang abogado at nawala na ang aking kaba na baka ang mga itinuro sa akin sa Ateneo ay marami ng nabago. Kung baga sa iphone, nakapag- update na ako ng aking skills set.

Publication Source :    People's Tonight