Home>Editorial>Opinion>Papuri at batikos sa PNP

Papuri at batikos sa PNP

BAGO ang lahat, isa munang pagbati ng ‘Manigong Bagong Taon’ sa ating lahat, kasama ang ating paniniwala na ang pumasok na 2021 ay magbibigay sa atin ng bagong pag-asa, katiwasayan at kasaganaan, matapos nating matagumpay na malampasan ang mga pagsubok noong nakaraang taon.

Sinserong pakikiramay din sa pamilya at mga kaibigan ni NAPOLCOM vice chairman, Atty. Rogelio Casurao, sa kanyang pagpanaw noong isang araw.

Isang malaking kawalan si Atty. Casurao sa gobyerno at sa pamilya ng DILG. You will be greatly missed, Atty. Casurao, mabuhay!

***

Purihin ang dapat purihin, punahin ang dapat punahin,” ito ang ating simpleng panuntunan sa pamamahayag, dear readers.

Kaya nga, ‘kudos’ dito sa ‘boss’ nitong ating kaibigan na si Col. Remus Medina, na walang iba kundi si Chief PNP Debold Sinas, sa kanyang desisyon na tuluyan nang sibakin sa serbisyo ang siyam na pulis sa Jolo, Sulu, na pumaslang sa apat na operatiba ng ISG-Phil. Army (Intelligence Service Group) noong Hunyo 2019, sa Jolo, Sulu.

Kung babalikan, ilang linggo matapos ang insidente, binomba ng mga teroristang ISIS (‘Islamic State) ang Jolo na sana ay napigilan ng mga awtoridad kung hindi pinatay ng mga pulis ang mga sundalo na ‘hot on the trail’ ng mga terrorista.

***

Sa nabasa pa nating ulat hinggil sa magandang desisyon ni Chief PNP Sinas, nalaman natin na hanggang ngayon pala, ‘administrative case’ pa lang ang kaso ng mga pulis at ang kasong kriminal (murder) ay hindi pa rin naisasampa ng DOJ, may anim na buwan matapos ang insidente, sanamagan!

Aniya pa, kung pagkaraan ng 10 araw matapos ang ‘dismissal’ sa mga pulis ay wala pang warrant na ilalabas ang korte, eh, “pauuwiiin” na ang mga suspek na pulis dahil hindi na nga sila miyembro ng organisasyon.

Ayaw din naman kasi ng PNP na sila ang “maresbakan” at kasuhan ng mga ito ng ‘arbitrary detention’ kaya, malaki ang tama mo, Gen. Sinas!

Translation?

Kung dahil sa “kabagalan” ng DOJ at AFP na magsampa ng kasong kriminal, walang lumabas na ‘arrest warrant’ at magdesisyon na “magtago” na lang ang mga suspek para makaiwas managot sa kanilang ginawang krimen, eh, ‘don’t me, ehek, don’t look at me,’ ang magiging sagot ni Gen. Sinas, hehehe!

Makati City Pabakuna

Sa isa pang desisyon na pinupuri natin, sinibak din ni Gen. Sinas itong si PNPA police cadet, Joab Mar Nacnas na “ginulpi” ng kanyang kapwa-kadete sa loob mismo ng PNPA sa Silang, Cavite, ilang minuto bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, matapos sitahin itong si Nacnas at ang grupo nito sa pag-iinom!

Eh, mantakin ninyo, dear readers, “kadete” pa lang, “barumbado” na, paano kung ganap nang pulis ito, kaya… “mabuhay” ka ulit,. Gen. Sinas, sir!

***

Hindi pa man “nakakabawi” sa pagkabigla ang mga Pinoy sa ginawang pagpaslang nitong si P/SMSgt. Jonel Nuezca sa isang mag-ina sa Tarlac noong Disyembre 20, 2020, muling nagulantang si ‘Pepe N Pilar’ matapos “pumutok” ang naunang insidente sa Benguet kung saan iligal na inaresto ng mga pulis si Harjan Lagman noong Nobyembre 11, at pagkaraan ay natagpuan ang kanyang bangkay na pinugutan pa ng ulo!

Sa nakita naman nating ‘video’ kahapon sa isang insidente naman sa Olongapo, “umaatungal” ang mga kaanak ng isang lalaki habang pinipigilan na maisakay sa isang kotse ng ilang armadong kalalakihan na bandang huli ay nakilalang mga pulis!

Sa isinagawa naman ng PNP na ‘simultaneous serving of arrest warrants’ sa Capiz, Iloilo noong Disyembre 30, laban sa mga umano’y mga kasapi at lider ng CPP-NPA, siyam ang patay sa mga suspek matapos “manlaban” sa mga pulis.

Kung ‘legitimate encounter’ ang nangyari o hindi, matinong imbestigasyon ang makapagsasabi, tama ba mga kabayan?

At sa matinong imbestigasyon, dapat “silipin” ang sinasabi ng mga miron na ‘yung ibang napatay, napatay sa “harapan” ng kanilang pamilya. Ang tanong: “kung” kasama mo ba ang iyong pamilya, “manlalaban” ka pa ba?

Ang masaklap pa, “pinagnakawan” pa umano ng ‘arresting teams,’ talaga rin naman!

***

Palaging sinasabi ng PNP na ‘isolated incidents’ ang mga kumpirmado at bintang na pang-aabuso sa hanay nito.

Eh, para naman sa mga beteranong ‘police reporters,’ NPC directors Aya Yupangco, Nats Taboy at Joey Venancio, ‘isolated incidents’ nga lang ba o, pamilyar na bagay na lang sa mga policemen ang mga gawaing ganito?

Publication Source :    People's Tonight