Home>News>Provincial>Peace Rally Kontra Terorismo Isinagawa sa Gitnang Luzon
Provincial

Peace Rally Kontra Terorismo Isinagawa sa Gitnang Luzon

Central Luzon Peace Rally

Umabot sa dalawang daan na mga indibidwal mula sa ibat-ibang sektor ng lipunan na kinabibilangan ng mga Katutubo, Magsasaka, Kabataan, Kababaihan, Manggagawa at mga magulang mula sa Gitnang Luzon ang naghawak kamay sa isang kilos pangkapayapaan na isinagawa sa Covered Court ng Barangay Sta Rita, Capas, Tarlac noong Miyerkules, Setyembre 21, 2022.

Sa nasabing pagtitipon ay nanawagan ng kapayapaan at pagkakaisa ang mga ibat-ibang sektor kasabay ng pagkondena sa Komunistang Teroristang Grupo. Nagpapakita na mulat na at pursigidong labanan at tapusin ang insurhensiya. Anila ang komunistang Teroristang grupo ay isang malaking balakid sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran sa bansa.

“Huwag nating Payagan na mamayani ang makakaliwang Grupo sa ating Bayan. Kaya suportahan natin ang Pamahalaan, dahil buo ang programa nito patungo sa Kapayapaan at Kaunlaran. ” pahayag ni Angel Reyes, isang dating rebelde at representante mula sa sektor ng Kababaihan.

Nanumpa at pumirma din ng isang kasulatan ang mga representante ng ibat ibang sektor at mga ahensya ng pamahalaan na buong pusong tutulong at makibahagi sa mga proyekto ng pamahalaan para sa kapayapaan.

Central Luzon Peace Rally

Sa Mensahe naman ni Governor Susan Yap na binasa ni Board Member Henry P Cruz ng ikatlong distrito ng Tarlac, mahalaga aniya ang layunin ng pagtitipon para magkaisa sa adhikain na makamit ang pang-matagalang yugto ng kaunlaran sa lalawigan, kasabay ng pagkakaroon ng maayos, organizado, mapayapa, at masaganang pamumuhay ng lahat ng mamamayan saklaw ang iba’t-ibang sector ng lipunan.

“Ito po ang kahalagahan ng ating pagtitipon upang sa ating maliliit na pamamaraan ay mabigyang kaliwanagan ang lahat patungkol sa tunay na saysay ng pagkakaisa, pagtutulungan at pakikipag-ugnayan. Batid natin ang katotohanan na tayo ay may pagkakaiba subalit ikintal natin sa ating puso’t isipan na tayo ay nararapat na magkaroon ng solidong balangkas para sa kapakanan at kabutihan ng lahat.” Mensahe ng gobernadora.

Iginiit pa niya na hindi kalaban ang gobyerno, bagkus ito ay kakampi sa pagharap sa bawat hamon at laban.

“Kaagapay po ninyo ang pamahalaan, at sa ating pagkakaisa at bayanihan ay paniguradong malalampasan natin ang anumang laban na higit na magpapatibay sa pundasyon ng ating lipunan.”

Central Luzon Peace Rally

Panawagan naman ni Ltc Jezser M Bautista, Commanding Officer ng 3rd Mechanized Batallion, Philippine Army na huwag ng tangkilikin ang panloloko ng mga komunistang terorista sa kanilang mga komunidad at sa mga natitira pang miyembro ng CTG na magbalik-loob at makipagkaisa na sa pamahalaan para makamit na ang kapayapaan.

“Sana po ay maliwanagan ang ating kaisipan at patuloy tayong humikayat ng mga kamag-anak natin, mga mahal sa buhay na kabilang pa sa mga makakaliwang grupo. Narinig po natin ang commitment ng Pamahalaan, ng ibat ibang ahensya na handa silang tumulong para mapaunlad ang antas ng ating pamumuhay.” Pahayag ni Ltc Jezser M Bautista.

Central Luzon Peace Rally

Sa pangwakas na bahagi ng aktibidad ay sabay sabay na nagsindi ng mga kandila at nag-alay din ng mataimtim na panalangin sa mga naging biktima ng karahasan ng komunistang Teroristang Grupo at nagpalipad din ng mga kalapati bilang simbolo ng kapayapaan.

Ang aktibidad ay dinaluhan din ng ibat ibang ahensya ng pamahalaan na nakipagkaisa sa panawagan para sa kapayapaan. Dumalo ang mga kinatawan ng Provincial Government ng Tarlac, Local Government Unit ng mga munisipyo ng Capas, Bamban at San Jose Tarlac, National Commission on Indigenous People, Department of Agrarian Reform, Department of Interior and Local Government , Kapulisan at mga Kasundaluhan.

Central Luzon Peace Rally

Journal Online
A collection of noteworthy information on various topics from the Philippines and the rest of the world.
https://journal.com.ph