Sina Abalos at Lacuna sa press briefing sa Kampo Krame noong Linggo. (JERRY S. TAN)

PINURI ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary “Benhur” Abalos, Jr. ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at ang Manila local government dahil sa matagumpay na anti-illegal drug operations na nagbunga sa pagkakasabat ng ₱6.7 billion na halaga ng shabu nitong weekend.

Ani Abalos, isa itong game-changing accomplishment na sumasalamin sa katatagan ng administrasyong Marcos na sugpuin ang illegal na droga.

May 990 kilo ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad nang walang dumanak na dugo at nagresulta sa pagkakabulgar illegal activities ng nadakip na pulis mula sa PNP Police Drug Enforcement Group PDEG, sa joint anti-illegal drug operation katuwang ang PNP at maging ang city government of Manila sa pamumuno ni Mayor Honey Lacuna.

Sa ginanap na pulong balitaan sa Camp Crame ay pinapurihan din ni Abalos si Lacuna dahil sa naging partisipasyon ng lungsod para maging matagumpay ang ikinasang bigtime buy-bust operation sabay babala sa PNP na di kukunsintihin ang mga miyembro nito na sangkot sa iligal na droga.

Ito ay kasunod ng pagkakasakote kay M/Sgt. Rodolfo Mayo, Jr., na miyembro ng Philippine Drug Enforcement Group sa mga ikinasang operasyon na nahulihan ng dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱13.6 million.

Tiniyak ni Abalos na mahaharap si Mayo sa administrative cases at posible ring masibak sa tungkulin kaugnay ng kanyang diumano ay kinasasangkutan.