Home>News>Metro>PPM inaalam layunin ng mga 2022 poll bets

PPM inaalam layunin ng mga 2022 poll bets

INILATAG kahapon ng malaking grupo ng Philippine Patriotic Movement (PPM) ang layuning alamin kung ano ang plano ng mga nagnanais na kumandidato sa pambansang halalan sa taong 2022 na naglalaman ng makatotohanang pagmamalasakit sa mamamayan.

Nais ng grupo ng PPM na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa iba’t-ibang grupo ng manggagawa, overseas Filipino workers (OFWs) magsasaka, tsuper maralitang taga-lungsod at iba pang marginalized sector na hilingin sa mga nagnanais kumandidato na gawing prayoridad sa kanilang kandidatura kung ano ang landasin sa pagbangon ng ekonomiya.

Nanawagan din sila sa mga pumupustura sa eleksiyon na makipagkaisa sa mga mamamayan at yakapin ang alternation programa upang sama-samang makaahon sa krisis, maibangong muli ang lugmok na ekonomiya at maisulong ang pangmatagalang progreso, kasaganaan at katiwasayan sa buong bansa.

Aminado ang ilang kasapi sa grupo na kabilang sila sa grupong naghikayat noon kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo sa halalan at kabilang sa kanilang hinihiling na tulungan ang Pangulo na makatapos sa kanyang termino at maitaguyod ang halalang 2022 upang higit itong magamit sa pagluklok ng bagong pangulo na magsusulong ng naayon sa national recovery program.

Hindi aniya sila sang-ayon sa mga nagbabalak at nagsisikap na pigilan ang halalan na isang sagradong karapatan ng mga Pilipino.

Makati City Pabakuna

Anila, sang-ayon sila na maisulong ang hybrid election na may actual na bilangan sa mga presinto bago pa ito mai-transmit sa national canvassing center.

Nanawagan din ang grupo sa mga Pilipino na iwaksi ang pagpili ng kung “sino” at sa halip ay pumili ng “ano” at “paano” ang kanilang gagawin kung sakali at magtagumpay sa nalalapit na halalan.

Magsasagawa rin ng konsultasyon ang grupo sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila at sa mga lalawigan bukod sa pagtatayo rin sila ng social media platform upang magkaroon ng pagkakataon ang bawa’t isa ng kanilang naiisip na maganda at komprehensibong solusyon at makapagsagawa rin ng online survey.

Ilan sa mga bumubuo ng koalisyon ang Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement (FPJPM) People’s Movement Against Poverty (PMAP) Federaton of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) National Labor Union (NLU) AT Philippine Association of Free Labor Union (PAFLU).

Publication Source :    People's Tonight