Home>Editorial>Opinion>Problema ng mga OFW, binalewala ng Senado

Problema ng mga OFW, binalewala ng Senado

PARA sa halos 10 milyong Pilipino na nagtatrabaho at nakatira sa ibang bansa, ang agarang pagsuspinde sa pagtalakay ng mga panukalang batas sa pagtatayo ng isang departamento na tutugon sa problema nila ay nangangahulugang binalewala ng ilang mga senador ang mga problemang kinakaharap ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Matagal nang natulog ang mga panukalang ito sa Senado sa kabila ng paulit-ulit na pakiusap ng Pangulo sa Kongreso sa kanyang State of the Nation Address (SONA) at ilang pampublikong pag-titipon.

Noong Marso 11, 2020, naipasa sa Kamara ang Department of Filipinos Overseas and Foreign Employment Bill kung saan isa sa panguhaning may akda ay si dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Kung naging prayoridad ang nasabing bill sa Kamara nung panahon ni Cayetano bilang Speaker, tila kabaligtaran ang sinapit nito sa Senado.

Nagdaos ng unang hearing nitong Disyembre 7, 2020, ang Committee on Labor and Employment, Foreign Relations at Finance ng Senado para pag-usapan ang Department of Filipino Overseas Bill kaya’t “nabuhay” ang pag-asa ng mga OFW hinggil dito.

Subalit, “nagulantang” ang maraming grupo ng OFW nang mag-desisyon ang mga naturang committee pagkatapos ng halos isang oras pa lamang na pagdinig sa bill na isuspinde na ang pagtalakay dahil sa motion na iminungkahi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Ayon kay Drilon, hindi pa “daw” napapanahon para pag-usapan ang mga nasabing panukala dahil sa kawalan ng pondo ng gobyerno at pandemya sa ngayon at dapat daw unahing talakayin ang “Right-sizing bill” bago pag-usapan ang pagbuo ng bagong departamento.

Hindi ba mas matagal talakayin ang “Right-sizing” bill dahil ang nasasakop nito ay higit 180 na ahensya ng gobyerno?

Halos dalawang milyong kawani na ang nagtatrabaho sa gobyerno sa ngayon at layon ng bill na pigilan ang patuloy na paglobo ng bureaucracy dahil nagiging magastos na daw ito taon-taon.

Mukhang kukulangin ang termino ni Pang. Duterte sa pagtalakay ng “Right-sizing” bill dahil masalimuot ito.

Sadyang nakakalungkot ang desisyon nilang ito at parang sampal ito sa mukha ng milyon milyong OFW na nakadanas ng hirap bago pa kumalat ang coronavirus at mas lumala ngayong panahon ng pandemya.

Tila nag bubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang ating mga senador na malaki ang problema na hiwa-hiwalay ang mga ahensiyang nag-aasikaso sa mga problema ng OFW.

Sa totoo lang, ang makipag-transaksyon sa isang opisina ng gobyerno lamang ay napakahirap na pero ang mga OFWs ay kailangang pumunta sa ilang ahensya mula sa kanilang pag-alis at kung magkaroon sila ng problema sa ibang bansa hanggang sa kanilang pag-uwi.

Kung tunay na may respeto at malasakit ang ating mga butihing senador sa mga tinatawag nilang “bagong bayani” sana ay hinimay na muna nila ang mga isyu at problemang kinakaharap ng mga OFWs.

Makati City Pabakuna

Kabilang dito ang mabagal na sistema tulad ng pagbibigay ng ayuda at tulong pinansyal para sa kanilang ‘reintegration’ pagkatapos makauwi sa bansa sa panahon ng anumang krisis o pandemya.

Hindi natatapos ang problema sa pagbibigay ng pondo para sa mga “distressed OFWs.

Sa dami ng problema sa domestic employment sa ating bansa, hindi na kayang asikasuhin pa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang karamihan sa problemang nilalapit ng mga OFW.

Kaya kailangan talaga ng isang hiwalay at full-time na ahensiya na magpaplano ng mas akmang programa at tutugon sa iba’t ibang problema ng mga migrante.

Malinaw na ayaw harapin nila Senador Drilon ang katotohanan na maraming butas ang mga programa at mga institutional mechanisms ng bawat ahensya. Paano natin malalaman ang puno at dulo ng problema kung itinigil na nila ang pagdinig ng naturang panukala?

Sa loob ng unang limang araw ng Disyembre lamang ay 9,981 na OFW ang natulungan ng gobyerno na pauwiin kaya’t sa kabuuan ay umabot na sa 287,301 ang na-repatriate simula pa noong nagsimula ang pandemya.

Padami ng padami ang mga OFW na umuuwi dahil sa epekto ng pandemya ngunit kakarampot lang ang pondo para matulungan silang makapagsimula muli.

Maaring tumaas ang pondo para sa Assistance to Nationals (ATN) noong 2018, mula P400 milyon ay naging P1 bilyon ito at ang Legal Assistance Fund (LAF) mula P100 milyon hanggang P200 milyon noong panahon ni Cayetano bilang Secretary ng Department of Foreign Affairs.

Ngunit hindi pa din ito sapat para tugunan ang mas malaking problema ng mga OFW kung makakabalik sila sa Pilipinas matapos ang anumang trahedya o kung matanggal sila sa trabaho.

Ayon sa Department of Budget and Management, nangangailangan daw ng P1.5 bilyon ang pagtatayo ng isang kagawaran tulad ng Department of Filipinos Overseas.

Kung sadyang walang pondo ang gobyerno bakit nakapag-laan ng pondo ang Senado para sa pagpapatayo ng bagong building nito na nagkakahalaga ng P8.5 bilyon na nagsimula na ang construction noong 2019.

Hindi kaya pulitika ang mas malalalim na dahilan kung bakit ayaw talakayin ang mga panukalang batas tungkol sa Department of Filipinos Overseas?

Mukha kasing ayaw lang ng ilang senador na maging ‘legacy’ ng administrasyong Duterte ang pagbibigay ng solusyon sa ilang dekada nang problema ng mga OFW.

Anong say mo, Boss Joey Venancio?

Publication Source :    People's Tonight