Home>Editorial>Opinion>Responsable sa palpak na modules ng DepEd, parusahan! – SPARK

Responsable sa palpak na modules ng DepEd, parusahan! – SPARK

Iginiit ng aktibistang grupong Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) na kailangan managot ang mga may kinalaman sa palpak na modules na ginagamit ng mga mag-aaral matapos kumalat ang larawan ukol sa bulgar na pagsasalarawan sa aswang sa isang printed learning material.

Ayon sa grupo, kailangan repasuhin at higit na higpitan ang bidding process ng DepEd at distrungkahin sa pwesto ang mga opisyal ng DepEd na nagpabaya at nagpalampas ng mga mali sa module na gamit ng Grade 10 students sa Mabalacat, Pampanga at lahat ng mga pribadong indibidwal at kumpanya na may kinalaman sa anomalya.

“Hindi lamang ito ang unang beses na may pagkakamali sa modules ng DepEd. Bagkus, isa lamang ito sa daan-daang na reklamo ukol sa modular learning,” ika ni Justin Dizon, tagapagsalita ng SPARK para sa senior and junior high school students.

Ilan sa mga naunang reklamo na bumabaha sa social media ay diskriminasyon, mga pangungusap na animo’y may pulitikong kinikilingan, at mga mala-aninong litrato na halos wala nang makita.

“Itong mga kamalian sa printed modyul ay maliit na bahagi lamang ng isang mas malaking problema – ang kapalpakan at kakulangan ng paghahanda ng sistema sa modular learning.” dagdag ni Dizon.

Makati City Pabakuna

“Kung ano pa ang inaasahang makapagbibigay kaalaman sa aming mga estudyante ay siya pang kulang sa pagsusuri at pinal na rebyu.”

“Ang mga maling modules ay bahagi lamang ng kapalpakan ng iskemang distance learning; na minadali at lalong nagpahirap sa mga magaaral at kani-kanilang mga magulang. Manipestasyon din ito ng kawalan ng kalidad ng edukasyon sa panahon ng pandemya. Tanging interes lamang ng mga kapitalista-edukador at ng mga pribadong book printing companies ang kinikilingan ng DepEd,” giit ng SPARK.

“Kaya’t aming pinapanawagan ang agarang prosekusyon ng manunulat at mga tagapaglathala ng mga nasabing learning materials. Dagdag pa rito, higit na dapat managot si Sec. Leonor Briones sa kaniyang pagpapabaya sa inaasahang de-kalidad na edukasyon sa gitna ng pandemya,” dagdag ni Dizon.

Source: Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK)