Home>Editorial>Miscellaneous>Simulation Exercise, isinagawa ng PNP-Avsegroup sa NAIA 4
Miscellaneous

Simulation Exercise, isinagawa ng PNP-Avsegroup sa NAIA 4

NAIA 4 PNP-Avsegroup Simulation Exercise
Iniinspeksyon ng isang pulis ang abandonadong bag sa isinagawang simulation exercise sa NAIA Terminal 4. (JERRY S. TAN)

Nagsagawa ng simulation exercise ang PNP-Aviation security group sa NAIA Terminal 4 kahapon ng umaga, kung saan isang bag ang kunwaring naiwan ng isang pasahero sa harap ng terminal.

Mabilis na rumesponde ang ga security guard at PNP upang alamin kung ano ang laman ng nasabing bag.

Bago niyan ay ipinarating ng guwardiya na unang nakakita sa bag, ang impormasyon sa Airport Police na agad namang nakipag-ugnayan sa Airport Police at PNP- Aviation Security group.

Agad na ipinanawagan sa paging system ang ukol sa bag na naiwan at kung sinuman ang may-ari nito upang agad niya itong makuha.

Matapos ang tatlong ulit na panawagan at walang lumutang na may-ari ay pinaikutan na ng police line ang lugar upang ang mga tao ay hindi na makalapit pa sa nasabing bag, na batay sa senaryo ay kunwaring iniwan ng pasahero na nakasakay sa taxi.

Dalawang beses itong nilapitan ng K9 unit at maya-maya ay lumapit na ang police bomb squad personnel at tinalian ang bag upang hilahin bago ito binuksan. Halos kalahating oras na pinigil ang daloy ng mga pasahero at sasakyan ng NAIA terminal 4.

Ayon kay PNP-Aviation Security group Police Maj. Napoleon Dionido, Hepe ng NAIA Terminal 4, ginagawa nila ito upang makita kung papaano kabilis magresponde ang kanilang mga pulis sa naturang sitwasyon.

Sinabi din ni Dionido na ginagawa nila ang ganitong senaryo upang bigyang- daan ang kahandaan ng PNP sa pagtugon sa mga parehong sitwasyon na posibleng samantalahin at gawin ng mga masasamang elemento.

Layon din umano nito na bigyan ng kahandaan at kaunting kaalaman ang mga pasahero sakaling magkaroon ng parehong tagpo na maaaring gawin ng mga miyembro ng teroristang grupo sa mga paliparan sa bansa.

Itchie G. Cabayan
DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.