Home>Editorial>Opinion>Skyway, epektibo sa EDSA decongestion program

Skyway, epektibo sa EDSA decongestion program

KUNG mayroon ka mang maipupuri sa gobyernong Duterte, iyon ay pagtupad sa marami nilang pangako magmula pa noong July 1, 2016.

Sa usapin ng droga, alam na natin kung gaano karaming drug pusher at drug users na ang nakakulong. Dagang dingding man o bigtime, pareho silang nasa likod na ng selda.

Naubos na ba sila? Totoong hindi ganoon kadali silang maubos dahil hindi naman ganoon kadali ang problema sa droga na inugat na ng maraming kapabayaan mula pa noong 1986 matapos ang People Power revolution.

Kasama ng pagkamatay ng maraming drug traffickers at pushers, nabawasan na rin nang malaki ang krimen, lalo na ang street crimes gaya ng holdapan, snatching, carjacking, bukas -kotse at mga akyat-bahay. Sumalangit nawa ang kanilang mga kaluluwa.

Wala na bang krimen? Mayroon pa rin at hindi naman nauubos ang mga kriminal sa kalsada. Kriminal man, nanganganak din!

Pero marami na ang nabawas. Hindi pa naman tapos ang Duterte administration, may dalawang taon pa sila para walisin sa kalsada ang mga kriminal na sakit ng lipunan. Sasalangit din ang kanilang mga kaluluwa.

Nang sabihin ni Pangulong Duterte na ang termino niya ang magiging “golden age” of infrastructures, malapit na ring magkaroon ito ng katotohanan. Salamat kina Public Works Secretary Mark Villar at Transportation Secretary Art Tugade.

Si Tugade ang nagsaayos at nagtayo ng mga bagong airport sa buong bansa, siya rin ang namamahala sa construction ng ating MRT7, ng ating pinakakaabangang Metro Manila subway, ng matinding rehabilitasyon ng MRT3 at LRT lines na naghihingalo na nang datnan ng Duterte administration.

Pati ang Tutuban train ay nagkaroon na rin ng malaking pagbabago kaya marami tayong nakikitang mga brand new trains.

Makati City Pabakuna

Ang MRT 3 na dating walong trains na lang ang tumatakbo dahil sira na ang karamihan, ngayon nasa 16 to 20 trains ang napapakinabangan ng mga commuters. Si Tugade rin ang kumumbinsi sa Sumitomo of Japan na magbalik sa pagiging maintenance company matapos sibakin ng nakaraang administrasyon para palitan ng pedicab experts nilang kontraktor na kapartido nilang mga dilaw!

Ang LRT Cavite line mula Baclaran ay in full swing na rin ang construction. Iyong dalawang nangakong magpapasagasa kapag hindi nila naipagawa ito, hayun, siyam ata ang buhay!

Si Secretary Villar naman ang namamahala sa construction ng ating mga highway kung saan-saang panig ng bansa. Ang pinakabagong binuksan ni Sec. Mark ay ang Skyway Stage 3 na nagkonekta sa Nlex at Slex. Bagama’t partial pa lang ang nabubuksan, nakita na natin ang malaking ginhawa ng Skyway na ito dahil kaya mo na talagang kunin ang Alabang to Balintawak ng 20 to 30 mins mula sa dating tatlo hanggang apat na oras kung sa EDSA ka lang dadaan.

Ako mismo, sinubukan kong dumaan sa Skyway nang manggaling ako ng Tagaytay City noong nakaraang linggo. Inorasan ko mula Buendia Makati hanggang sa bahay namin sa Mindanao Ave via Nlex. In 20 mins, sa takbong 60 to 80kph, nasa harapan na ako ng bahay namin.

San Miguel Corporation na isang pribadong kompanya ang nagtayo ng Skyway pero hindi nila kayang gawin ito mag-isa kung walang tulong ang gobyerno. Maraming administrasyon na ang dumaan pero sa ilalim lang ng Duterte admin nagawa ang lahat dahil sa matinding political will.

Maraming right of way na pag-aari ng mga pribado ang ayaw pumayag at hindi makumbinsing padaanin ang Skyway sa mga nakaraan pero sa pagsisikap nila Pangulong Duterte, Sec. Tugade at Sec. Villar, naayos ang lahat kaya pinakikinabangan na natin ang Skyway.

Nitong Lunes, 930 a.m., peak hour ito, sinubukan ko namang dumaan sa EDSA going to airport area. Nagulat din ako sa laki ng iniluwag ng EDSA dahil siguro marami na rin ang gumamit ng Skyway. Ibig sabihin, effective ang Skyway para sa Edsa decongestion program ng gobyerno.

Huwag tayong masyadong magpokus sa mga negatibong balita dahil maraming magagandang bagay ang nangyayari sa ating bayan.

Ang taong puro negatibo ang nakikita, madaling lumabo ang mga mata! allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV