Home>Editorial>Opinion>Solusyon pa rin ang bakuna

Solusyon pa rin ang bakuna

SA wakas, dumating na rin ang ‘first batch’ ng bakuna sa ating bansa mula sa donasyon ng China sa atin.

Kaya naman lubos ang pasasalamat ng mga Pilipino, sa pangunguna ni Pangulong Duterte, kay China President Xi Jinping.

Nais pa nga ni Pangulong Duterte na personal na magpasalamat dito at ayon sa Malakanyang maaaring magtungo si Pangulong Duterte sa China bago matapos ang taon.

Dahil sa tulong ng China, ‘“nakatutok” na ang buong bansa ngayon sa pagbabakuna na tanging “solusyon” sa pandemyang ito at makabalik na ang lahat sa normal na buhay.

Siyempre unang binakunahan ang ating mga health care workers na talaga namang isang taon nang nasabak sa ganitong sitwasyon ng pandemya.

Marahil ito na ang pinakamahirap na kanilang dinanas – ang humarap sa kalaban na hindi nila nakikita. At alam naman nating lahat na marami din sa ating mga health care workers ang nasawi dulot ng COVID-19.

Bagamat dumating na ang bakuna sa atin, alam natin na hindi naging madali ang pagtanggap dito ng ating mga kababayan sa iba’t ibang mga kadahilanan.

Subalit, ang unang dahilan dito ay ang ‘anti-China bias’ ng mga “tuta” ng Imperyalismong US sa ating ‘maintream media,’ sa akademya at kahit sa loob ng gobyerno, sa pangunguna ng FDA, sampu ng mga tuta nila sa Senado.

Bagamat sa buong mundo ay kani-kaniyang pagbabakuna na ang isinasagawa mula sa iba’t ibang producer ng bakuna dahil nakikita nila na ito ang magiging solusyon sa kumakalat na sakit, dito sa Pilipinas ang inaasahang solusyon ang hindi madaling ipatanggap sa mga tao.

Bakit? Siyempre hindi maiaalis sa kanila ang naging karanasan nila sa Dengvaxia na sinasabing naging dahilan nang pagkamatay ng ilan nating kababayan.

Ang ganitong kapalpakan sa pagbabakuna sa kasaysayan ng ating bansa ang higit na nagpapahirap na ipatanggap sa ating mga kababayan ang kahalagahan ng pagbabakuna.

Hindi tayo eksperto sa usaping medikal subalit alam naman natin at sinasabi din ng ibang eksperto na normal ang pagkakaroon ng side effects ang isang tao kapag nabakunahan.

Makati City Pabakuna

Kaya naman normal din lamang na magkaroon ng pag-aalinlangan pagdating sa pagbabakuna.

Pero hindi natin maiaalis sa ating isipan na mas pinalala pa ng kontrobersiya ng Dengvaxia ang pag-aalinlangan ng taumbayan sa bakuna para sa COVID-19.

Bagaman nga at maraming nakakaapekto sa usapin ng bakuna kesyo galing daw sa China kaya substandard o di kaya’y minadali ang mga bakuna, pero ipinakita na mismo ng mga doktor na unang naturukan partikular sa Philippine General Hospital, na ligtas ang magpabakuna.

Sa ganang atin pa, hindi sisirain ng China ang relasyon ng ating bansa sa kanila para lamang magpadala ng palpak na bakuna.

Ang sa atin mga kababayan eh, wala tayong ibang solusyon kung nais nating matapos ang pandemyang ito kundi ang magpabakuna.

Hindi natin maiaalis na magkaroon tayo ng mga agam-agam subalit nananatili pa ring solusyon ang bakuna upang malampasan natin ang pandemyang ito.

Kaya naman kasabay nito, nais din nating muling bigyang diin na maging ang hanay ng midya, sa National Press Club, ay isinusulong ang naging unang panukala ni Senator Bong Go na isama ang mga taga-midya sa mga kinikilala nating frontliners.

Tulad ng atin nang unang nasabi na malaki ang ginagampanan ng ating mga kasamahan sa midya ngayong panahon ng pandemya na makapaghatid ng mga napapanahon at mahahalagang balita sa ating mga kababayan lalo na ngayong panahon ng pandemya kung kailan higit na mahalaga ang tamang impormasyon.

Lubos po tayong umaasa na kilalanin (dapat lang) ang mga taga-midya na mapabilang sa ating mga frontliners.

Naniniwala pa tayo na tayo’y pakikinggan ng mga nasa katungkulan sa mahalagang papel na ating ginagampanan.

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight