Home>News>Metro>Sugarol tumalon sa lawa para iwas raid, nalunod

Sugarol tumalon sa lawa para iwas raid, nalunod

MISTULANG pinili pa ng lalaki ang magbuwis ng buhay sa halip na makulong matapos tumalon sa malalim na lawa ng Laguna sa pagnanais na tumakas sa mga pulis na nagsagawa ng pagsalakay sa isang pasugalan Huwebes ng hapon sa Taguig City.

Patay na nang maiahon sa Laguna Lake na sakop ng Barangay Lower Bicutan si Santiago Acosta, residente ng Lower Bicutan matapos tumalon sa isang katerbang water lily na inakala niyang magliligtas sa kanya sa malalim na lawa.

Dakong 1 p.m. nang salakayin ng pulisya ang isang sugalan sa Lower Bicutan, at inabutan ang 12 kalalakihan na naglalaro ng pusoy sa tatlong mesa at iba pang mga miron na nagpulasan ng takbo upang makaiwas sa huli.

Makati City Pabakuna

Isa si Acosta sa hinabol ng mga tauhan ni P/Capt. Crisanto Agualin ng Mobile Patrol Unit.

Sa pagnanais na makatakas ay tumalon si Acosta sa mga water lily at biglang naglaho.

Pitong mga sugarol ang nadakip ng kapulisan subalit ilang sandali lamang ay may nagparating sa mga pulis na lumutang ang bangkay ni Acosta na hinihinalang nalunod sa malalim na lawa.

Publication Source :    People's Tonight