Home>Editorial>Opinion>Sunod-sunod na patayang nagaganap sa Malabon inalmahan

Sunod-sunod na patayang nagaganap sa Malabon inalmahan

NAGPASIYANG makipag-dialogue ang mga kapitan ng barangay sa Malabon City kay Mayor Len-Len Oreta at sa kapulisan sanhi ng sunod-sunod na patayan sa kanilang lungsod na ang pinakahuling biktima ay kanilang kasamahan sa Liga ng mga Barangay,.

Sa naturang pagpupulong, ilang oras matapos mapaslang si Barangay Hulong Duhat Chairman Anthony Velasquez, hindi napigilan ng ilang mga kabesa na ibunton ang sisi kay city police chief P/Col. Angela Rejano ang sunod-sunod na patayan na wala ni isa pa mang nalulutas dahil sa umano’y kawalan ng police visibility sa maraming barangay sa lungsod.

May agam-agam kasi ang mga kabesa sa nauulinigan na hindi umano nagugustuhan ng maraming pulis ang estilo at paraan ng pag-uutos sa kanila ng kanilang hepe kaya’t hindi nila nagagampanan ng maayos ang tungkulin.

Maging si Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Eliseo Cruz ay nabahala rin sa pagtaas ng krimen sa Malabon kaya’t nagpasiya siyang mag-deploy ng karagdagang 100 pulis na tutulong sa 400 puwersa ng Malabon,

Hindi rin naitago ni Mayor Len-Len Oreta ang pagkadismaya sa pamumuno ng kauna-unahang babaing chief of police sa Metro Manila sa kanilang lungsod matapos kuwestiyunin ang aniya ay hindi pakikipag-ugnayan sa kanya ni Rejano kaya’t nagugulat na lamang siya kapag may nakarating sa kanyang balita na may panibagong patayang naganap.

Si Chairman Velasquez ang ika-walong biktima ng pamamaslang sa Malabon sa loob lamang ng halos dalawang linggo na karamihan ay kagagawan ng mga naka-motorsiklong salarin kaya’t labis na nababahala ang alkalde lalu na’t matagal na napanatili ng lungsod ang pagbaba ng kriminalidad.

Humingi naman ng paumanhin si Rejano sa alkalde kasabay ng pagsasabing hindi siya nagpapabaya sa tungkulin at labis ang kanyang kaabalahan dahil halos araw-araw ay nililibot niya maging ang mga kasuluk-sulukang eskinita upang matiyak na maipatutupad ang kaayusan at katahimikan. Mula aniya ng maupo siya bilang hepe ng lungsod, kahit minsan ay hindi pa siya umuuwi sa kanilang tirahan nang sa gayon ay magampanan niya ng maayos ang tungkulin.

Si Rejano ay itinalaga ni Chief PNP Gen. Debold Sinas bilang kauna-unahang babaing naging hepe ng pulisya ng isang lungsod sa Metro Manila noong siya pa ang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) bilang pagpapalakas sa puwersa ng kababaihang pulis na aniya ay may sapat ding kakayahan sa pagsusulong ng kampanya laban sa kriminalidad at korapsiyon.

Bilang panuntunan, ang mga alkalde ang pumipili sa limang listahan na ipapadala ng PNP national headquarters na mamumuno sa isang lungsod bagama’t hindi ito nangyari sa kaso ni Rejano nang italaga bilang hepe ng pulisya ng Malabon.

Kung sabagay, hindi lang naman minsan nangyari ang ganitong kostumbre na nagiging dahilan upang hindi magkasundo ang chief of police at ang alkalde tulad ng nangyari sa Marikina City kung saan hindi nakasundo ni Mayor Marcelino Teodoro ang itinalaga noon na hepe ng pulisya sa lungsod na si Col. Redrico Maranan habang nangyari rin ito sa pagitan nina dating Cebu City Mayor Tomas Osmena at Ret. Col. Royina Garma na hepe noon ng lungsod.

Makati City Pabakuna

Maganda ang layunin ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na palakasin ang kapangyarihan ng kababaihang pulis na may sapat namang kakayahan na gampanan ang tungkulin bagama’t may ilang pagkakataon na tila nasasaktan din ang pride o ego ng mga antigong pulis kapag sa tingin nila ay hindi maganda ang pamamaraan ng pagpapatakbo ng organisasyon ng babaing opisyal.

100 doses ng bakuna bibilhin ng Navotas

Maliit na lungsod lamang sa Metro Manila ang Navotas pero nakipagkasundo rin sila sa British pharmaceutical firm AstraZeneca para sa pagbili ng 100,000 bakuna laban sa COVID-19.

Sabi ni Mayor Toby Tiangco, sapat na ito upang mabakunahan ng libre ang may 50,000 nilang kababayan na ang uunahin ay mga health frontliners at mga senior citizens at matapos ay isusunod na nila ang iba pang kababayan dahil inihahanda na rin nila ang pagbili pa ng mas maraming bakuna.

Pinayuhan naman ng alkalde ang kanyang mga kababayan na manatiling maging maingat, mapagbantay at ugaliin ang mga ligtas na pamamaraan upang hindi tamaan ng nakamamatay na sakit.

Umaasa si Mayor Tiangco na sa kalahatian ng kasalukuyang taon ay maide-deliver na sa lungsod ang bakuna. Hindi aniya ito sapilitan dahil ang mga mga nagnanais at boluntaryong mga Navoteños na may edad na 18-pataas lamang ang kanilang babakunahan ng dalawang beses.

Batay kasi sa ginawang survey sa may 6,128 na respondents noong Disyembre 29 ng nagdaang taon, lumabas na 18 porsiyento ng Navoteños ang nagnanais mabakunahan ng kahit ano pang uri ng bakuna habang 64.10% naman ang pipili ng gusto nilang bakuna at 3.8% naman ang gusto ay ang gawa ng Astra Zeneca.

Sabi ng alkalde, dito nila ibinatay ang pagbili ng bakuna at umaasa sila na makakabili rin sila ng iba pang brand ng bakuna ngayong taon lalo na’t may inisyal na silang inilaang pondo na nagkakahalaga ng P20 milyon.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363

Publication Source :    People's Tonight