Home>News>Nation>Tax amnesty bill ni Salceda para sa freelancers OK na sa panel ng Kamara

Tax amnesty bill ni Salceda para sa freelancers OK na sa panel ng Kamara

PASADO na nitong Lunes sa ‘tax panel’ ng Kamara ang panukalang “Freelancers Protection Act” ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, na naglalayong patawarin sa pagbayad ng buwis ang mga ‘freelancers’ o mga nagtatrabaho mula sa kanilang tahanan ngayong panahon ng pandemya, “upang madali silang makabangon, mabigyan ng proteksiyon at makapagbayad sila ng kaukulang buwis sa hinaharap.

Ayon kay Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, ang mga ‘freelancers’ ay maituturing na “tagapagligtas ng ekonomiya” at layunin ng kanyang HB 1527 na “tiyaking mabigyan ng proteksiyon ang mga karapatang legal at mga benepisyo ang mahigit dalawang milyong Pilipinong ‘freelancers’ sa bansa,

Nakita naming kailangan tulungan silang makapagsimula uli sa kanilang trabaho at pinagkakakitaan na walang pabigat na utang na buwis, kaya mahalaga ang ‘tax amnesty’ para sa kanila. Sila mismo ang makakatulong upang mabawi ang mga buwis na hindi nakulekta kaya dapat silang walang pabigat sa pagpasok sa bagong mga kasunduan,” paliwanag niya.

Sasaklawin ng ‘tax amnesty’ ng HB 1527 ang ‘income taxes’ na nakapaloob sa Section 24 ng Tax Code, para sa mga ‘freelancers’ na kumikita ng kulang sa P1 milyon sa isang taon. Magiging 2% na lamang ito ng kabuuang kita na lampas sa unang P250,000. Ayon kay Salceda, sisikapin din niyang maamyendahan ang iba pang isinasaad nito, kasama ang ‘percentage tax’ para sa mga hindi naman dapat magbayad ng VAT.

Makati City Pabakuna

Kasama rin sa mga proteksiyong nais italaga ng HB 1527 ang 1) akmang balangkas ng kasunduan sa pagitan ng mga ‘freelancers’ at hihirang sa kanila; 2) ‘Eligibility’ sa dagdag na bayad para sa mga ‘freelancers’ na obligadong magtrabaho sa gabi o sa ibang lugar na malayo sa kanila; at 3) ‘Hazard pay’ para sa kanila kung itinatalaga sa mga mapanganib na lugar.

Layunin din ng panukala ang gawing ilegal ang pagbabayad sa mga ‘freelancers’ lampas sa 15 araw sa petsa ng dapat silang bayaran, o pagkatapos magampanan ang trabaho, o sa akmang panahon habang nagtatrabaho sila, kung hindi ito maliwanag sa kanilang kasunduan. Ituturing ding ilegal ang pagbayad sa kanila ng kulang sa napagka-sunduang bayad.

Pinuna ni Salceda na “naging buhay na ang ‘freelancing’ para sa milyun-milyong Pilipino lalo na ang mga nawalan ng trabaho dulot ng pandemya at dahil nagiging ‘digital’ na ang ekonomiya, tiyak na lalago pa ito; at kung wala silang legal na proteksiyon, baka lumala din ang pagsasamantala sa kanila.

Likas na bunga ang ‘freelancing’ ng bagong sistema sa pagtatrabaho mula sa tahanan, kaya kailangang maprotektahan din ang mga ‘freelancers’ habang maaga. Nakikita ko ring maraming industriya ang nanaisin din ito sa hinaharap, kasama na ang mga negosyong ‘business process outsourcing’ o BPO),” dagdag ni Salceda.