Home>News>Metro>Triker binudburan ng bala sa harap ng misis

Triker binudburan ng bala sa harap ng misis

Pinagbabaril hanggang sa mamatay ang isang tricycle driver sa harap mismo ng kaniyang misis habang ang mag-asawa ay nagpapahinga sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City, nitong Miyerkules ng hapon.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Morshid D Tanog ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District  (CIDU-QCPD), ang biktimang  si Mohammad Saumay Camar, 27,  ay pinagbabaril sa loob ng kanilang tahanan sa No. 11 Corregidor St., Bgy. Holy Spirit, QC, bandang alas-4:20 ng hapon.

Sa pahayag ng misis ng biktima na si Johaira Modaser Andang, nagpapahinga umano sila sa loob ng bahay nang sumulpot ang dalawang armadong lalaki na nagpakilalang alyas ‘Alinor’ at Oding’  at saka tinarget na pinaulanan ng bala ng baril ang kaniyang mister.

Makati City Pabakuna

Sinabi ng Misis ng biktima, sa takot na matamaan ng baril ay nagtatakbo siya sa labas ng kanilang tahanan  at hindi naman umano siya hinabol pa ng mga suspek.

Ilang minuto ay kaswal lamang na naglakad papatakas ang mga suspek dala ang armas na ginamit sa pamamaril.

Nang tuluyang naglaho ang mga suspek ay saka humingi ng saklolo ang misis sa kanilang mga kapitbahay at agad na isinugod ang biktima sa General Miguel Malvar Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival ang trike driver bandang alas-4: 50 ng hapon.

Publication Source :    People's Tonight