Home>News>Nation>Sa P4-M ‘padulas’ sa DPWH: Engr., iba pa, swak sa korapsyon?

Sa P4-M ‘padulas’ sa DPWH: Engr., iba pa, swak sa korapsyon?

IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad parusahan ang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lungsod ng Pasig at apat pa niyang kasamahan dahil sa umano’y P4 milyong ‘padulas’ sa P70 milyong proyekto ng nabanggit na kagawaran.

Inaakusahan ng korapsyon si Engineer Roberto “Bobby” Nicolas at kanyang mga kasamahan na sina Tess Orquia, Engr. Melody Domiguez, Engr. Luisito Ponancio at Vilma Gomez.

Bukod sa kasong korapsyon, sasampahan din sina Nicolas, Orquia, Dominguez, Ponancio at Gomez ng unethical conduct dahil kawani sila ng pamahalaan at bribery dahil pagtanggap ng apat na milyon mula sa sinasabing isa sa mga contractor ng proyekto ng DPWH.

Kinumpirma ito ni DPWH Secretary Mark Villar.

Ayon kay Villar, sasampahan din ang lima ng kasong administratibo upang matanggal sila sa DPWH.

Bilang kagyat na hakbang, sinuspinde na ni Villar sina Nicolas at tatlo pa, maliban kay Gomez dahil retirado na ito.

Ayon kay Presidential Anti – Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica, ang umano’y P4 milyong padulas ay “paunang bigay” sa umano’y P20 milyong “standard operating procedure” (SOP) para “makuha” ang P70 milyong halaga ng proyekto ng DPWH na steel parking.

Ipinaliwanag ni Belgica na ang umano’y P20 milyon ay ang halagang “napagkasunduan” na SOP daw sa pagitan ng DPWH – Pasig district engineer at kontraktor.

Ang batayan ni Belgica ng naganap na pagtanggap umano nina Orquia at Gomez ng P4 milyon mula sa ‘kinatawan’ ng kontraktor ay “video footages” kung saan nakunan ang umano’y transaksiyon.

Tiniyak ni Belgica na “totoo” at “beripikado” ang video footages ng PACC.

Ang kinatawan ng kontraktor sa transaksiyon ay “asset” ng PACC.

Idiniin ni Belgica na sangkot si Nicolas sa transaksiyon kahit wala siya sa pangyayari dahil sa kanyang opisina mismo naganap ang nasabing krimen.

Makati City Pabakuna

Tapos, si Gomez ay dating miyembro ng staff ni Nicolas, ngunit nagretiro na ito.

Ibinunyag ni Belgica na maraming reklamong natanggap ang PACC hinggil sa mga akusasyon laban kay Nicolas, ngunit walang makalap na sapat, matibay at malakas na mga ebidensiya laban sa inhinyero.

Aniya, ang video footages ay malinaw na ebidensiya laban kay Nicolas at ng kanyang umano’y mga kasapakat sa DPWH – Pasig.

Matatandaang siyam na kongresista ang nakasaad sa ulat ng PACC na mga sangkot umano sa korapsyon sa DPWH na isinapubliko ni Duterte kahit walang ebidensiya ang PACC laban sa kanila.

Ang mga mambabatas na tinukoy sa ulat ng PACC ay sina Occidental Mindoro Rep. Josephine Ramirez Sato, Quezon City Rep. Alfred Vargas, Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal, Isabela Rep. Alyssa Sheena Tan, Northern Samar Rep. Paul Daza, Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap, Bataan Rep. Geraldine Roman at dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Jr.

Itinanggi nila ang akusasyon, lalo na si Quezon Rep. Tan na ilang ulit sinabing galing sa kanyang kalaban sa pulitika ang pinagmulan ng impormasyong siya ay korap.

Naghain naman ang bagitong kongresistang si Yap ng resolusyon upang malaman ang katotohanan ng imbestigasyong isinagawa ng PACC.

Ngunit, ang mga nabanggit na 14 na DPWH district engineers ay tinanggal ni Villar sa kani-kanilang puwesto bilang pagtalima ni Villar sa utos ni Duterte.

Nahaharap sa kasong korapsyon ang 14 upang makulong sila at administratibo upang tuluyan silang matanggal sa DPWH.

Ang nagaganap na aksiyon laban sa DPWH ay bahagi ng paglilinis ng liderato ng kasalukuyang administrasyon hinggil sa napakalaganap na katiwalian, korapsyon at pandarambong sa mga kagawaran at ahensiya ng pamahalaan.

Ang Task Force Against Corruption (TFAC) na pinamumunuan ng Department of Justice (DOJ) ay nag-iimbestiga na rin sa DPWH makaraang kunin nito ang trabaho mula sa PACC dahil hirap na hirap makakuha ng mga ebidensiya ang huli laban sa mga pinaniniwalaang korap sa DPWH.