Home>Editorial>Mysteries>Zombi Pilipinas: Laging Handa (Bk.1 Ch.1)
Mysteries

Zombi Pilipinas: Laging Handa (Bk.1 Ch.1)

Zombi Pilipinas: Laging Handa

15 NOVEMBER 2024, 2 A.M.

Alas-2:00 na ng madaling araw nang bumukas ang pintuan ng elevator sa lobby ng opisina ng Boy Scouts of the Philippines. Pupungas-pungas na tumayo ang gwardiya sa may entrance bago tiningnan kung sino ang lumabas.

Good morning sir! ang pasigaw na bati ng naalimpungatang gwardiya sa papalapit na Finance Director na si Joseph Alvaro. Pinilit ngumiti ng director sabay tanong: “Wala pa ba ang sasakyan?” Hindi narinig ng gwardia ang iritableng direktor na napailing na lang ng makitang may nakapasak na earphone sa magkabilang tainga ng gwardiya. Lumapit si Alvaro sa lamesita, dinampot ang bote ng alcohol at winisikan ang kanyang mga kamay at ang dalang bag. Ilang sandali pa’y tiningnan nito ang oras, kasabay ang paglabas ng isang special ID na nagpapatunay na siya ay empleyado ng gobyerno.

“Ang sabi ko, kung bumaba na ba ang service car ko?,” ang pagalit na tanong nito.

“Po… wa-wala pa po…sir… ma’m… opo…” ang natatarantang sagot ng gwardiya sabay tanggal sa earphone. Umalingawngaw mula sa earphone ang boses ni Elthon John habang nagpapaalam sa kanyang “Yellow Brick Road.” Napabuntong-hininga ang direktor. Sinabihan niya maaga pa lamang si Victor, isa sa mga staff ng opisina ng Secretary General, na sabihan ang driver na maghintay sa lobby ng opisina bago mag-alas dos.

“Gusto n’yo bang puntahan ko na sa second floor?,” ang tanong ng gwardya.

“Bilisan mo at inaantok na ako…,” ang naiiritang pakli ng direktor.

Nagmamadaling tinungo ng gwardia ang hagdan sa kanang bahagi ng lobby. Naupo si Alvaro sa silya ng gwardiya, ipinikit ang mga mata, niyakap ang dalang bag at saka huminga ng malalim. Pakiramdam nya ay pagod na pagod sya nang gabing iyon.

Zombi Pilipinas: Laging HandaSi Alvaro ay natungo sa opisina bandang alas-6:00 ng gabi upang tapusin ang payroll ng mga empleyado na karamihan ay work from home. Kaunti na lamang ang pinasusweldo ng opisina; mahigit sa kalahati ng mga nagtatrabaho sa BSP ay kinapitan ng coronavirus 19. Tatlong taon mula nang maghasik ng lagim ang pandemya sa buong mundo, patuloy pa rin ang paglaganap ng virus. Mahigit 900 milyon na ang tinamaan ng pandemic sa buong mundo at mahigit 350 milyon na ang namamatay. Halos wala nang tao sa Singapore at Taiwan. Sa Pilipinas, mahigit 40 milyon na ang tinamaan at 15 milyon na ang namatay. Magulo na sa America matapos mamatay sa Covid ang kanilang bagong presidente. Nagsarado na lahat ang mga bansa, bawal nang lumabas at pumasok sa Europe at Middle East. Bagsak na ang gobyerno ng Brazil at Mexico. Nabura sa mapa ang Dubai. Nagkaroon ng madugong coup-de-etat sa Germany. Magulo na rin sa Spain at mahigpit ang Martial Law sa Britain at France. Nagkakaroon na rin daw ng cannibalism sa ibang bansa sa Africa sunabalit hindi naman ito napapatunayan pa. Nagbabadya na ng giyera sa pagitan ng North at South Korea at India at Pakistan. Sinakop na ulit ng Iran ang Iraq at hininto na ng China ang pakikipag-trade sa lahat ng bansa maliban sa Pilipinas at ilang kapanalig nito. Napailing si Alvaro, hindi makapaniwala na mangyayari ang lahat sa napakaikling panahon.

Napatingin si Alvaro sa labas ng de-salaming pintuan ng lobby. Madilim ang paligid, walang mga naglalakad patungo at palabas mula sa hilera ng mga condominium building na nasa loob ng compound ng BSP. Tahimik ang lugar, walang maririnig kundi ang tikatik ng papahinto nang ulan. Bago sya dumating sa opisina ay bumuhos ang malakas na ulan na sinabayan pa ng malalakas na pagkulog at kidlat. Sinabayan pa ito ng isang napakalakas na pagsabog sa hindi kalayuan bandang ika-11 ng gabi. Umalog ang gusali ng BSP dahil sa lakas ng pagsabog. Ayon kay Victor isang malaking barkong panggiyera ng China ang biglang sumadsad sa Manila Bay malapit sa kinatatayuan ng Manila Hotel. Ayon pa sa kanya, nadamay ang hotel at nagkaroon ng malaking sunog na ikinasawi ng napakaraming tao.

Naalala ni Alvaro ang kanyang ID at isinabit iyon sa kanyang leeg. Mula nang magdeklara ng Martial Law, hindi na pwedeng basta lumabas ang sinuman sa kanilang tahanan na hindi nakasuot ng ID. Lahat ng bansa ay nagdeklara ng Martial Law sa panukala na rin ng United Nations. May shoot-to-kill order na sa mga taong mahuhuling lumalabag sa polisiya tungkol sa ID. Ang pwede lamang magkaroon ng ID pass ay ang mga kawani ng gobyerno, mga hospital, pahayagan at mga pulis. May mga color coding ang ID. Kulay pula ang suot na ID ng director. Napabuntong-hininga si Alvaro, halos, lahat ng mga pribadong opisina ay sarado na. Wala na ring mga factory. Lahat din halos ng malls ay kinumpiska at ginawa nang hospital. Kumpiskado rin ang lahat ng public utility vehicles at ang maari na lamang magmaneho ng mga nito ay mga pulis at militar. Mula nang lumobo ang mga nagiging biktima ng COVID, lumaki na rin ang bilang ng mga namamatay na kung tawagin ay “pasaway.” Umabot na sa mahigit 150,000 ang namamatay sa shoot-to-kill order at patuloy pa ito sa pagdami lalo sa malalayong probinsya at bayan. Halos kalahati ng populasyon sa Metro Manila ay patay na rin maliban sa mga batang may edad na 10 hanggang 20. Puro mga kabataan ang makikitang naglalakad sa kalsada. Samantalang bawal nang lumabas ang mga may edad 21 pataas.

Makalipas ang limang minuto pang paghihintay, kumunot na muli ang noo ng supladong director, wala pa rin ang sasakyan pati ang gwardiya na sumundo dito. Naisipan nitong lumabas sa lobby at silipin ang kalsada palabas sa compound. Napako ang kanyang paningin sa apat na kalalakihang papalapit galing sa entrance ng gusali ng SM Mall na nasa kabilang kalsada lamang. Napailing si Alvaro habang tinititigan ang mga tila ba mga lasing na kalalakihan at saka nagpasyang tunguhin na lamang ang sasakyan sa garahe sa second floor. Pinindot nya ang “up botton” ng elevator at kaagad na pumasok sa bagon. Galit na si Alvaro. Bago nagsara ang elevator ay napansin nyang nasa harap na ng lobby ang apat na kalalakihan. Inisip nya na mga frontliners ang mga ito.

Bumukas ang pinto ng elevator nang marating ang 2nd floor. Kaagad na bumulaga ang madilim at tahimik na lugar. Inilabas nito ang bahagi ng katawan sa elevator at sinanay ang paningin sa paligid. Pinindot niya ang “hold botton” ng elevator, kinuha ang kanyang cellphone at saka pinindot ang flashlight mode. Lumiwanag ang lugar na kanyang kinatatayuan. Tinawag nya ang gwardiya pati ang driver at nang walang sumasagot ay nagpasyang pumasok na muli sa bagon. Pipindutin na sana nya ang “down botton” nang mapadako ang kanyang paningin sa sasakyan sa may bandang kanang bahagi ng paradahan. Napakunot noo si Alvaro, itinapat ang cellphone sa sasakyan.

“Michael?,” ang tawag nito sa driver. Naaninag nya si Michael. Nakabukas ang pintuan ng sasakyan sa harapan. Nakasandal sa driver’s seat si Michael, nakayuko. Pakiwari ni Alvaro ay natutulog ang kanyang driver.

“Hoy Michael, walanghiya ka, tulog ka ba?,” ang pasigaw na wika ni Alvaro. Nang hindi sumagot si Michael ay nagpasya itong lapitan ang sasakyan.

“Ano ba? Inaantok na ako,” ang madiing wika nito nang marating ang harapan ng sasakyan. Hindi pa rin sya pinapansin ni Michael.

Nanggagalaiting tinungo ni Alvaro ang pintuan ng driver’s seat, inisip kaagad na gawan ng incident report si Michael upang bigyan ng administrative sanction ng opisina.

“Michael, hoy, ano ba? Gumising ka nga dyan…” ang pasigaw na wika nito. Hinawakan niya ang braso ng driver at niyugyog. Pakiramdam niya ay tulog na tulog si Michael. Luminga-linga ito upang hanapin ang gwardiya.

“Huyyy…. Michael… Lasing ka ba?,” ang tanong ng director. Nang hindi pa rin ito sumasagot ay itinapat niya ang cellphone sa mukha ng driver.

Natigilan si Alvaro nang mapagmasdan ang driver, nanlaki ang mga mata at nanindig ang mga balahibo. Gumapang ang kilabot sa kanyang katawan. Napasinghap ito, nanginig at napalunok sabay nabitawan ang kanyang cellphone na tumilapon sa ilalim ng sasakyan. Pakiramdam nya ay nawala ang hangin nya sa dibdib.

“Diyos ko!,” ang sigaw ni Alvaro. “Ano Ito?,” ang tanong nito sa sarili.

Tinakpan ni Alvaro ang kanyang bibig upang huwag mapasigaw. Palinga-linga pa rin ito, umaasa na makikita ang gwardiya. Paurong itong lumayo. Bumilis ang tibok ng kanyang puso, pakiramdam nya ay sasabog ang kanyang dibdib sa sobrang takot. Maya-maya pa ay nakatapak siya ng malagkit at madulas na likido sa sahig dahilan para sya ay madulas at bumagsak paupo sa tabi ng gulong ng sasakyan.

“A-anong nangyari…?,” ang nagtatakang tanong nito sasarili. Muli itong lumingon upang hanapin ang gwadiya.

Mabilis na nag-isip si Alvaro, dinampot nito ang kanyang cellphone at pilit humawak sa gulong ng sasakyan na puno din ng malapot na likido. At dito ay napansin nyang hindi pala langis ang malapot na likidong nakakalat sa sahig.

“Dugo!!!” sigaw ni Alvaro.

“B-bakit may dugo?,” ang muling tanong nito sa sarili sabay tingin sa kinauupuan ni Michael.

“Michael?,” ang muling sambit nito. Gusto nya sanang lapitan ang pintuan pero bigla syang natakot.

Napakunot-noo ang director, itinapat ang cellphone sa sahig at pagkatapos ay sa gulong hanggang sa may bintana pati sa pintuan ng sasakyan. Minasdan nito ang kanyang mga kamay pati ang sapatos at pantalon na namumula sa dugo. Naamoy din nito ang masangsang na amoy ng dugo. Pinagpag nito ang kanyang mga kamay at ipinunas sa kanyang pantalon.

“Michael?,” ang pabulong na tawag nito sa driver. Muli itong tumitig sa mukha ng driver. Pakiramdam nya ay gumagalaw ang ulo at kamay ni Michael. “A-anong nangyari s-sayo? B-bakit maraming du-dugo?,” ang tanong nito.

Mabilis na kumilos si Alvaro, bagamat nanginginig pa ang mga tuhod ay pinilit na lumayo sa sasakyan at patakbong tinungo ang elevator. Pinindot ni Alvaro ang “down botton” at nang hindi makapaghintay ay nagpasyang maghagdan na lamang pababa sa lobby. Mabilis nitong tinungo ang hagdan at akma na sana syang hahakbang pababa nang mapadako ang kanyang paningin sa may gilid ng elevator.

Nakatawag pansin sa kanya ang dalawang aninong naglalakad patungo sa kanyang kinatatayuan. Mabilis na bumalik sa kanyang ala-ala ang apat na taong nakita nyang naglalakad patungo sa may lobby ng opisina bago pumanhik sa second floor. Ganito rin kung maglakad ang apat na kalalakihan sa ibaba. Itinapat ni Alvaro ang kanyang cellphone sa papalapit na mga kasamahan sa opisina.
Napahiyaw si Alvaro.

Sina Victor at ang nawawalang gwardiya!!!

(Mula sa may akda: Ang nobelang ito ay isang kathang-isip lamang. Kung may pagkakahawig man sa ilang mga pangyayari sa tunay na nagaganap sa lipunan, pati na ang mga pangalan at lugar na nabanggit ito ay pawang mga pagkakataon lamang. Ang lahat ng makakabasa ay inaanyayahang mag-komento).

Previous Chapter:

Sa Isang Lihim na Laboratoryo

Next Chapter:

Simula ng Wakas

Comments are closed.