Home>Editorial>Mysteries>Zombi Pilipinas: Unang Silakbo (Bk.1 Ch.8)
Mysteries

Zombi Pilipinas: Unang Silakbo (Bk.1 Ch.8)

Zombi Pilipinas

NOVEMBER 15, 2024; 2:12 a.m.

Ayaw pa ring tumigil sa pagtakbo ang maraming taong pilit na humahabol kay Cielo. Hingal na hingal na si Cielo, desk assistant ng Philippine Times, duguan ang katawan. Nasa harapan sya ng manumento nina Ninoy, Cory at Cardinal Sin nang magsimula ang kaguluhan. Pilit nyang hinabol ang papalayong sina Steph at Pamy na lumiko galing sa waiting shed ng Department of Public Works and Highways sa Bonifacio Drive. Pasigaw nyang tinatawag ang dalawa subalit hindi sya narining ng mga ito. Hanggang lumiko ang dalawa sa may interseksyon ng P. Burgos at Bonifacio Drive. Pinanood na lamang nya ang dalawa habang patakbong binabagtas ang Bonifacio Drive sa may gilid ng Luneta.

Nang maiwan ay nagpahinga muna siya sa harapan ng monumento na nakatayo mismo sa intersekyon ng Burgos at Bonifaction Drive at di kalayuan sa Manila Hotel.

Hinabol nya ang kanyang hininga, kanina pa sya naglalakad, iniwan nya ang kanyang kotse sa may Anda Circle upang sunduin sana si Bernadette sa utos ni Leena, editor ng Philippine Times.

Pinilit nyang lumanghap ng hangin hanggang mapansin nya ang ilang mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan. Madilim ang kapaligiran ang nagsisilbing ilaw lamang ay ang apoy na nanggagaling sa nasusunog na hotel. Naaninagan ni Cielo ang mga taong lumalapit. Napakunot noo sya.

Nanggagaling ang mga tao sa lahat ng direksyon. Inisip nitong umalis na sa kanyang kinaroroonan dahil sa dami ng taong gusto ring makalapit sa lugar. Nagsimula itong humakbang.

Lumakad dahandahan si Cielo, pinakiramdaman ang taong makakasalubong.

Isang mama ang nagsalita.

“Tulonggggg….” ang wika nito. Salo nito ang kanyang tiyan na punong puno ng dugo. Inisip nyang tulungan ang mama. Hindi pa sya nakakapagsalita upang tanungin ang lalaki nang dalawa lalaki ang biglang dumanba dito.

Padapang natumba ang lalaki, nasubsub ang mukha nito sa kalsada.

Nagulat si Cielo.

“A-anong?” ang wika ni Cielo.

Nagsiluhod ang lalaki sa magkabilang parte ng katawan ng mama at sinimulan itong pagkakagatin. Naghihiyaw sa sakit ang mama at panay sigaw ng tulong. Maya maya pa ay tatlo pang kalalakihan ang lumapit at nakikagat na rin sa mama. Hindi na nakakilos ang mama. Di nagtagal ay nawasak ang tiyan nito, dinukot ng isang mama ang laman ng kanyang tiyan at saka hinatak ang lamang loob. Sinunggaban ng ilan pa ang nagsilabas na bituka at saka sinimulang kainin.

Napanganga si Cielo sa kahindikhindik na nagaganap sa kanyang harapan. Kinilabutan siya ng husto at lalung nanlaki ang mga mata ng ilan pa ang lumapit dito at pagtulungan itong kainin ng buhay. Walang nagawa ang mama, nagkanya-kanyang kagat na ang mga ito sa kanya. Maya-maya pa ay nakakita na si Cielo ng putol na kamay na pinag-aagawan ng mga taong gustong makatikim ng kanyang laman.

Natigilan ang dalaga para itong isang tuod na hindi makakilos sa kanyang kinatatayuan. Hanggang mapansin nyang nilalapitan na rin sya ng hindi mabilang na mga tao. Isang babae ang nauunang lumalakad na pasuray-suray palapit sa kanya, nakahubad ito subalit wala na itong balat dahil sa tinamong sunog. Wala na rin itong buhok. Tumuluto ang mga dugo nito mula sa natuklap na balat. Tiningnan nya ang ilang mga tao pa sa likuran ng babae, marami sila, iisa ang direksyon na patutunguhan – siya!

Nanginig ang buong katawan ni Cielo at lalu syang namangha nang igala pa nya ang kanyang paningin. Halus kahit saang parte na iyon ng kalsada ay may mga taong nakahiga at pilit na kinakain ng mga taong tila mga gutum na guton na hayup.

Sunod sunod na mag-vibrate ang kanyang cellphone, alam niyang si Leena ang tumatawag, pinilit nya itong sagutin subalit hindi nya na ito nagawa nang mapansin ang ilang mga taong ilang metro na lamang ang layo sa kanya.

“Huh!” ang pagulat na nasabi nito sa kanyang sarili. Kahit san sya tumingin ay may mga taong papalapit. Iisa ang kanilang hitsura, puro duguan ang kanilang mga katawan. Ang iba ay mabilis ang lakad at ang iba naman ay susuray-suray na parang mga lasing. Marami sa mga ito ay halus hindi na makilala sa sobrang kapal ng dugo sa kanilang katawan, ang iba pa ay may mga nakausling laman sa iba’t ibang parte ng katawan.

Tumakbo si Cielo.

Subalit napatid sya sa paa ng mamang nakahiga.

Bumagsak padapa si Cielo, nahubad ang kanyang salamin sa mata, mabilis na kinapa nito ang kanyang salamin at saka nagpilit makatayo.

Isang babae ang biglang humablot ng kanyang buhok at isa naman ay sa paa. Dalawa pa ang nag-uunahang hablutin ang kanyang braso.

Nagpipiglas si Cielo, pilit na inilalayo ang braso at mga binti sa mga nakahawak sa kanya.

Hindi halus makahinga sa takot si Cielo. Alam nya ang kanyang sasapitin oras na makagat at masugatan siya ng mga ito. Sinipa nya ang lalaki na nakahawak sa kanyang kanang binti at pilit na siniko ang babaeng nakahawak sa kanyang buhok. Sumunod ay tinuhod ang isa pa. Nakawala si Cielo sa pagkakahawak ng mga ito. Mabilis na kumalas si Cielo, at saka ipinagpatuloy ang pagtakbo.

Subalit halus wala na syang daanan sa kapal ng mga taong tumatakas at mga taong walang magawa habang pinagtutulungang kainin ng ilan pa.

Nakakilabot ang ingay sa paligid. Marami ang nag-iiyakan at humihingi ng tulong habang hinahabol o di kaya ay inaatake ng mga taong parang mga hayup na gutom.

Nakakita si Cielo ng paalis na Military truck, mabilis nya itong hinabol, pilit na itinutulak ang sinumang humaharang sa kanyang daraaan. Panay ang vibrate ng kanyang cellphone. Alam nyang si Leena ang nagtetext sa kanya.

Nakasampa si Cielo sa truck at mabilis na tinungo ang dulo malapit sa may driver nito. Nabasa kaagad ng pawis at tubig ambon ang katawan ni Cielo marami rin syang dugo sa braso at mukha pati ang kanyang pantalon ay puno na rin ng dugo.

Inapuhap nito ang kanyang braso at tiningnan kung sya ay may sugat o kagat.

Nag-iisa sya sa likod ng trak na natatakpan ng makapal na lona. Dahan dahang huminto ang truck.

Inatake ng dalawang tao ang driver nito at sinimulang kainin. Pansumandaling nagpahinga si Cielo bago naisipang lisanin ang truck at saka itinuloy ang pagtakbo pantungo sa Anda Circle.

Kinuha nito ang kanyang cellphon at pilit na nagtext, tumawag din sya sa kanyang kaibigan subalit hindi nya na makontact ang cellphone nito. Nagtext sya sa kaibigang si Tita Valderama upang balaan ang mga ito na wag nang lalabas ng opisina. Parami pa ng parami ang humahabol sa kanya. Pagod na pagod na sya sa kakatakbo at pati na rin sa ginawang pagpiglas sa mga nakahawak sa kanya. Nakakita ito ng isang sasakyan na walang tao. Nagtungo ito sa sasakyan at sinabi sa sariling “bahala na!” Mabilis syang pumasok sa loob ng passenger seat at saka isinara ang pinto, pilit nitong pinagkasya ang kanyang katawan sa makipot na sahig ng sasakyan.

Isang sugatang lalake ang nakatingin sa kanya. Lumakad ito ng pasuray-suray patungong sasakyan.

PANANAKOP

NOVEMBER 15, 2024: 1:30 A.M.

“Z-z-z-zombie?” ang pautal na tanong ni Pamy.

“Hinahabol tayo ng zombie?” ang dagdag na tanong pa nito. Patakbo nilang binabagtas ang kahabaan ng P. Burgos St., patungong Bonifacio Shrine.

“Oh my God!, Steph… b-bakit ang dami? Bakit bigla silang dumami? S-saan sila galing?” ang natatarantang tanong ng takot na takot na si Pamela.

Hindi kumikibo si Steph, pinakikiramdaman ang mga taong nasasalubong at ang mga tumatakbo sa kanilang likuran. Maraming mga tao ang kasabay nilang tumatalilis upang maiwasan ang mga humahabol na mga zombie. Nagkalat din ang mga zombing parang mga tulalang lakad lang ng lakad ng walang direksyon. Hindi alam ni Steph kung saan nanggaling ang mga ito ang alam nya ang ilan sa mga ito ay mga pasahero at motoristang nastranded sa kahabaan ng kalsada. Karamihan sa mga residente ay gabi lamang pwedeng magbiyahe upang maiwasan ang trapik sa araw. Bunsod into ng isang pag-aaral na ginawa sa Metro Manila na nagsasabing mas maraming nahahawa ng Covid kapag araw.

Napuno na ng nakakakilabot na hiyawan ang paligid ang iba ay humihingi ng tulong at ang iba ay mga palahaw ng mga taong inaatake at kinakain na ng zombie. Bawat isa sa mga tumatakbo ay walang inisip kundi makatakas sa madugong nagaganap sa paligid. Manaka-naka ay makakarinig ng mga sunud-sunod na putok ng baril. Subalit ang nakalalamang ay ang nakakakilabot na panaghoy ng mga nabibiktima ng mga gutom sa laman. May mga ingay ding nagmumula sa sumasabog na nasusunog na sasakyan at mayroon ding mga pinasabog na granada.

Nagkanya-kanya na ring pulasan ang mg sasakyan, subalit sa tindi ng traffic ay nagkabangaan na ang mga ito. May isang sasakyan ang sumalpok sa truck ng bumbero at tumaob iyon. May ilan naman na nagkayupiyupi na dahil sa pagbagga sa iba pang sasakyan. Isang sasakyan ang nagliyab sa may malapit sa flagpole ng Luneta.

“W-wag kang hihinto… wag kang lilingon,” ang babala ni Steph. Pinilit iwasang tingnan ni Steph ang kapaligiran. Kahit saan nya ibaling ang kanyang mga paningin ay nakakakita sya ng mga taong hinahabol kundi man ay nagugupo na ng zombie, mabuti na lamang ay walang nakakapansin sa kanilang dalawa.

Nasa harapan na sila ng National Museum nang mapahinto sila sa pagtakbo. Isang grupo ng mga zombie ang kanilang masasalubong. Mabalasik ang mga ito. May hawak na putol na kamay ang isa sa kanila at ang ilan ay may bitbit na bituka at lamang loob ng tao. Nakatingin ang ma ito sa kanila at lumakad patungo sa kanilang kinatatayuan. Inisip ni Steph na sundan ang karamihan ng mga taong umaakyat sa bakuran ng National Museum pero natigilan sya nang may makitang ilang zombie na sa loob ng bakuran.

Mabilis na umiwas ang dalawa, tumakbo sila sa gitna ng kalsada kung saan maraming nakaparadang mga naglalakihang closed van at mga truck na papuntang pier at mga pribadong sasakyan. Piniliit nilang tumakbo paliku-liko sa nakahambalang na mga sasakyan.

“Bilis, Pamy, kailangan nating makarating sa Bonifacio Shrine…” ang pasigaw na wika ni Steph. Iisa lang ang layunin ni Steph ng mga oras na iyon, ang makasakay sa sasakyan at makalayo. Iniwasan nila ang mga taong nasasalubong habang nagpaliko-liko sila sa makikipot na pagitan sa mga hilera ng mga sasakyan. Wala nang maisip ang dalawa kundi tumakas, binilisan pa nila ang pagtakbo kahit nakakaramdam na ng uhaw at pagod.

Unt-unti ay natanaw nila City Hall. Pinagpatuloy nila ang pagtakbo, subalit nakakailang metro pa lamang ang kanilang nababagtas ng isang pares ng kamay ang biglang humablot sa kaliwang paa ni Steph. Isang zombie na nakadapa sa ilalim ng isang 12-wheeler truck ang pilit na hinahatak ang binti ni Steph at pilit na inilalapit sa kanyang bunganga upang kagatin ito. Nahagip ng zombie ang sapatos ni Steph at kinagat iyon. Nagpipiglas si Steph pilit na sinipa ang zombie subalit hindi ito natitinag.

Napasigaw si Steph. Nataranta ito at pilit pa ring tinadyakan ang zombie subalit parang mga kamay na bakal na nakahawak sa kanyang paa ang zombie. Humawak si Steph sa gilid ng van at pilit na hinila ang kanyang paa hanggang sa nawalan sya ng panimbang at natumba may gilid ng truck. Kaagad syang hinatak ng zombie pailalim ng truck. Sinipa nya ang zombie na tinamaan nya sa mukha. Nabaklas ang balat sa mukha ng zombie at nabali ang ilong nito pero hindi pa rin into humihinto sa pagpilit na makagat ang kanyang paa o binti.

“Steph… Stephhh….” ang sigaw ng nagulantang na si Pamela, pilit nitong hinila ang kanang kamay ni Steph.

Nagkakawag si Steph habang iniiwasan ang bibig ng babaeng zombie na inaabot ng kagat ang kanyang binti. Tinatadyakan ni Steph ang zombie subalit lalu lamang humihigpit ang kapit nito sa kanya. Hanggang isa pang zombie ang humawak naman sa kanyang kaliwang braso. Lalung nataranta si Steph. Habol nito ang kanyang hininiga nalalanghap na nya ang amoy ng pinagsamang ulan at putik sa sementadong daan.

“Stephhh… Stephhhh….” ang sigaw ni Pamy sa nagpupumiglas na si Steph. Hinawakan nya ang kanang kamay ni Steph at pilit hinila upang mailayo sa mga umaataking zombie. Nahirapang makatayo si Steph dahil sa kipot ng lugar at nasa ilalim na sya ng truck. Hingal na hingal na ang magkaibigan sa sobrang takot at pangambang makain sila ng buhay ng mga zombie. Nangilid ang luha ni Steph at ni Pamy dahil sa bilis ng pangyayari.

Hindi halus makagalaw si Steph at kahit anong pagpupumilit ay hindi makakawala sa mahigpit na pagkakahawak ng dalawang zombie. Pilit pa ring hinahatak ni Pamy ang kanang kamay ni Steph.

“Stephhh… Stephhh…” ang sigaw ni Pamy, hinawakan nya ng magkabilang kamay ang braso ni Steph at buong pwersa itong hinila.

Maya-maya ay sumigaw na ito ng tulong.

“Saklolooooo… tulungan nyo kameee… saklolooo…” ang sigaw nito sa mga taong tumatakbo palayo sa lugar na iyon. Nilamon lamang ng maraming hiyawan ng mga tao ang kanyang boses. Tumulo ang luha ni Pamy dahil sa sobrang takot at tension. Kahit anong hila nya ay hindi nya makuha si Steph. Halus lahat ng mga naroon ay humihingi ng tulong at karamihan sa kanila ay katulad din ni Steph na nagpupumiglas sa mga mga zombie.

Di nagtagal ay isa pang zombie ang lumuhod sa harapan ni Steph at hinawakan ang kanyang ulo. Pilit itong hinihila upang kagatin. Pilit naman iniwas ni Steph ang kanyang mukha at leeg sa pangatlong zombie. Hindi pa rin tumitigil si Pamy sa pagsigaw, nagbabakasakaling may makarinig at tumulong sa kanilang dalawa. Lalu nya pang hinigpitan ang hawak kay Steph at ibinibigay ang buong lakas upang mahatak palayo si Steph. Wala rin itong tigil sa paghingi ng tulong.

Maya-maya nga ay may nakarinig kay Pamy.

Nagtinginan lahat sa kanyag direksyon ang ilang mga zombie sa paligid.

Pumihit ang mga zombie, tinitigan si Pamy na noon ay abala sa paghatak sa kaibigan. Hanggang sa magsimula itong magsilakad. Walang kamalay-malay ang magkaibigan na parating na ang hindi mabilang na zombie patungo sa kanilang kinaroonan. Natuon ang pansin ng mga ito sa kanilang dalawa.

Isa pang Zombie ang humawak sa braso ni Steph at hinila sya nito, parang manikang pinag-aagawan sya ng mga zombie at ni Pamy.

Previous Chapter:

LO BAT

Next Chapter:

Kilabot

Comments are closed.