Home>Editorial>Opinion>Ang pagdumi ng Manila Bay at ang paggamit natin ng plastik
Opinion

Ang pagdumi ng Manila Bay at ang paggamit natin ng plastik

by Atty. Jay De Castro

HANGAD ng pamahalaan na malinis ang Manila Bay, na kilala sa buong mundo dahil sa napakaganda nitong sunset. Ito’y pinupuntahan hindi lang ng ating mga kababayan, kundi ng mga dayuhan at sa pagtanaw rito ay maraming mga pangarap ang nabubuo.

Sayang nga lang at ngayo’y naging marumi na ito at hindi na mapaglanguyan at may amoy pang nakasusuklaw at nakaduduwal, dahil ang mga dumi ng tao ay matagal nang napupunta at dumadaloy rito.

Ito ang nais malinis ng ating pamahalaan sa Manila Bay.  Sa ganang atin ay makatutulong tayo sa Manila Bay bilang karagatan sa pamamagitan ng paggawa ng simple subali’t mabuting bagay, ang pag-iwas sa paggamit ng plastik.

Ito ay sa kadahilanang plastik ang isa sa pinakamalaking salot sa kalikasan ngayon. Sa katunayan, ang krisis ng polusyon ng plastik ay ang pinakamalalang krisis sa kalikasan ngayon. Hindi lamang sa ating kapaligiran nag-uumapaw ang plastik.

Ang ating karagatan ay punung-puno na rin ng plastik. Ang mga katawang tubig ay magkakarugtong. Kung titingnan pa lang natin ang Ilog Pasig ay maiintindihan natin na ang basura dito ay umaabot sa ating mga karagatan.

Lingid sa ating kaalaman, kumakain tayo ng plastik. Bumabalik sa atin ang ginamit at itinapon natin na plastik. Paano? Subukan natin sundan ang “life cycle” ng plastik.

Halos lahat ng bilhin, kainin, at gamitin natin ay nababalutan parati ng plastik packaging. Pag bumili ka ng tubig, juice, prutas, gulay, biskwit, damit, kompyuter, o cell phone, mapapansin natin na parati itong nakabalot sa plastik. At kung hindi man ito nakabalot ng plastik ay gagamit pa din tayo ng plastik bag para sa mga ito. Pagkatapos natin bilhin, kainin, o gamitin ang mga ito, ano na ang mangyayari? Para hindi makalat, itatapon natin ang plastik sa basurahan.

Ang tawag sa ganitong klaseng plastik na isang gamitan lamang saka itatapon ay “single-use” plastics. Ang ilang halimbawa ng single-use plastics ay ang mga “sando” bags na ginagamit sa pamimili, plastic straw, plastik na kutsara’t tinidor, plastik na plato at baso, cling wraps na pinambabalot sa pagkain, at plastik na bote ng tubig, juice, o soft drink. Single-use plastics din ang mga selyo ng mga bote ng mga inumin, gamot, at shampoo. Ganon din ang mga bubble wraps na nakabalot sa cell phone o kahit na anong elektronikong gamit. Ang toothpaste, sachets, at panlinis ng tainga ay madalas gawa din sa plastik kaya ang mga ito rin ay isang halimbawa ng single-use plastics.

Ang mga ito ay tinawag na single-use dahil isang gamitan lang natin sila ginagamit saka itatapon sa basurahan. Ngunit hindi sa basurahan ang huling hantungan ng mga plastik na ito.

Ayon sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000, ang koleksyon ng basura ay magmumula sa lebel ng barangay na dapat ay may kaniya-kaniyang MRF or materials recovery facility kung saan ihihiwalay ang mga nakolektang basura sa dalawang kategorya: compostable (nabubulok) at recyclable. Ang mga basurang hindi pasok sa kategoryang ito ay dinadala sa isang sanitary landfill, tulad ng Payatas dumpsite.

Ngunit hindi lang din sa tambakan ng basura o landfill ang huling hantungan ng plastik. Sa katunayan sa landfill nagsisimula ang matinding salot na dulot ng plastik.

Ang halu-halong basura sa mga landfill ay naglalabas ng mga nakalalason na kemikal sa hangin at sa tubig. Kapag inulan, maglalabas ito ng katas o leachate na makakarating sa groundwater o tubig sa ilalim ng lupa. Kapag nakaabot sa groundwater ang katas na ito, makakaabot din ito sa ating mga katawang tubig at karagatan. Ang leachate mula sa basura ay nagiging sanhi ng maruming tubig.

Ang ibang plastik na basura naman ay hindi na umaabot sa basurahan at landfill, kundi direcho sa mga katawang tubig tulad ng Ilog Pasig at mga karagatan, tulad ng Manila Bay,  kung saan lalo silang naghahasik ng panganib sa kalikasan at sa kalusugan ng tao. Halimbawa, nakakain ng mga isda at ibang nilalang sa dagat ang mga plastik na lumulutang sa dagat. Marami nang nadokumentong mga kaso kung saan ang mga patay na balyena, ibon, at pawikan ay nakitaan ng plastik sa loob ng tiyan. Isa pang halimbawa: dahil ang plastik ay hindi nabubulok at nadudurog lamang hanggang maging “microplastic,” nakakain ng isda ang mga plastik sa dagat. Ang mga microplastics na ito ay hindi ikinamamatay ng isda kundi ay naiipon lamang sa katawan nila. Ngayon, kapag nakain natin ang mga isda, ay nakakain din natin ang mga microplastics na ito.

Samakatwid, hindi sa landfill o dagat ang huling hantungan ng mga plastik na ginamit at itinapon natin, kundi sa atin. Bumabalik sa atin ang ating mga itinatapon.

Paano ngayon sosolusyunan ang problema ng plastik? Simple lang. Iwasang gumamit ng plastik. Kapag wala tayong ginamit na plastik, wala tayong itatapon na plastik.

Kaya naman ang panawagan noong Earth Day ay wakasan ang polusyon na dulot ng plastik. Magagawa lamang ito kung babawasan — o mas mabuti, titigilan — natin ang paggamit ng mga single-use plastics. Ang mga simpleng gawain tulad ng hindi paggamit ng plastic bag, plastic straw, at plastic utensils ay makatutulong . Sa pamamagitan ng pagtanggi sa mga single-use plastics ay maipaparating natin sa mga gumagawa ng plastik na ayaw na natin ng plastik sa ating buhay.

Sa susunod na tayo ay mamimili magdala na lamang tayo ng reusable bag o “eco-bag” na maaaring gamitin nang paulit-ulit at hindi kailangang itapon pagkatapos ng isang gamitan. Huwag na rin tayong gumamit ng straw kapag iinom.

Subukan natin magbawas ng plastik sa ating buhay. Gawin natin ang ilang maliliit na hakbang na ito para sa ating kalusugan at sa kalikasan, tulad ng Manila Bay.