Home>Editorial>Opinion>Kakaibang ‘Paskovid’

Kakaibang ‘Paskovid’

KAILANGAN nating bumawi sa susunod na taon.

Marami sa atin ang puno ng takot, maaring abala sa pagbangon matapos ang mahabang panahon na lockdown at posibleng hindi na rin mapagkasya ang skedyul dahil naghahabol sa maraming bagay.

Kaya nga maraming bahay ang hindi nagkaroon ng pagkakataong makapagdekorasyon para sa “Paskovid” na parating. Hindi ito pangkaraniwan dahil kahit ang mga malls at ang maraming kompanya, kasama na ang mga tahanan ay hindi ganoon karami o kagarbo ang dekorasyon.

Isa na siguro ako sa mga guilty rito. Sa nakaraang 30 years, walang puknat ang dekorasyon ko sa loob at labas ng aming tahanan. Gustung-gusto naming mag-asawa ang naglalagay ng maraming dekorasyon at talagang kapag ganitong panahon, mamumutiktik ng ilaw at mga magagandang Christmas decor ang aming bakod hanggang sa kaloob-looban ng bahay.

Inaakusahan na nga akong kasosyo sa Meralco ng ibang kaibigan ko dahil sa dami ng ilaw na karaniwang inilalagay namin sa kalagitnaan ng Nobyembre. Sinusulit talaga namin dahil napakahirap magkabit at magtanggal ng mga dekorasyon.

At talagang walang palya ito kasi gusto kong magbigay ng inspirasyon sa aking dalawang anak noong kanilang kamusmusan kaya kung dekorasyon lamang ng Pasko ang usapan, kumakasa naman.

Ngayong taon, marahil ay nagtataka ang buong community namin dahil capiz lights lang ang nakailaw sa aming garahe na binuksan lang halos unang linggo na ng Disyembre.

Makati City Pabakuna

Una, mas malaki pa sa akin ang aming mga anak na noon ay musmos na matuwain sa Christmas decors, tapos iyong panganay, bumukod na ng bahay simula nang mag-asawa, pangalawa, dahil nga sa dami ng mga trabaho at naghahabol din ako sa maraming obligasyon dahil naipit ng serye ng lockdown.

Nawalan na rin ng panahon para maghanda ng kahit paano’y regalo sa mga kaibigan na mahigit dalawang dekada mong ginagawa. Kaya paumanhin sa lahat dahil talagang nagbago ang kilos nating lahat dahil sa pandemic.

Kaya iyong sangkatutak na Christmas decor namin na kalahati ng bodega na ata na naipon sa taun-taon na pagbili, hindi man lang nagalaw ngayon. Kaya nga umaasa tayo sa paparating na 2021 na magkakaroon ng bagong mukha ang taon.

Lahat naman tayo ay naapektuhan ng pandemic na pinalubha pa ng serye ng bagyo. Kailangan nating makabangon sa paparating na Bagong Taon at ito ay dapat simulan sa mga positibong pananaw sa buhay.

Kakaiba man ang Paskovid natin ngayon, sabi nga tuloy pa rin ang pagdiriwang kahit hindi man ganoon kalaki sa mga nagdaang panahon.

Ang importante ngayon, may natatanaw na tayong pag-asa dahil sa mga paparating na bakuna. At huwag din tayong mapagod manalangin para sa ating bayan, sa ating mga manggagamot at para sa ating mga lider.

Resbak tayo sa susunod na taon na may bagong lakas at bagong pag-asang paparating. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV