Home>Editorial>Opinion>May bagong Presidente na ang Estados Unidos
Opinion

May bagong Presidente na ang Estados Unidos

MAY bagong Presidente na ang Estados Unidos sa Enero 21, 2021 at marami ang nag-aabang sa epekto nito sa Pilipinas.

Mayroon tayong 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) na umiiral pa rin hanggang ngayon. Ang Pilipinas at Amerika ay sasaklolo ng puwersa militar kung may manlulupig sa kanilang bansa. Umasim nga lamang ito noon 1991 ng hindi na pinahintulutan ng Senado ng Pilipinas ang panibagong Military Bases Agreement na siyang dahilan para mag-alsa balutan ang mga Amerikano sa Clark at Subic. Dahil dito, ang mga Amerikano ay nagbaba ng kanilang pagtingin sa Pilipinas bilang kaalyado at sinabing hindi na nila maipapangako ang saklolo sa Pilipinas sa ilalim ng MDT sapagkat nabalda sila sa pag-alis ng kanilang mga gamit at tao sa dalawang base militar sa Pilipinas.

Sa pag-alis ng dalawang base militar ng Amerikano, nag-umpisa ng mangamkam ng teritoryo ang China sa West Philippine Sea. Paunti unti, ngunit walang puknat, ang paggapang ng kanilang kontroladong mga isla sa karagatan ng Pilipinas batay sa UNCLOS. Bago mahuli ang lahat, pumasok ang Pilipinas at Amerika sa Visiting Forces Agreement noon 1999. Pagkaraan ng dalawang taon, naganap ang nakakagimbal na 9-11 ng Twin Towers sa New York. Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa ASEAN na nagpahayag ng suporta sa kampanya laban sa terorismo ni US President George W. Bush.

Bukod pa rito, nagkaroon din ng Manila Declaration noon Nob. 16, 2011 sa paggunita sa 60th anibersaryo ng 1951 MDT sa pagitan nila US Sec. of State Hilary Clinton at PH DFA Sec. Albert del Rosario habang lulan ng USS Fitzgerald sa Manila Bay. Patuloy na magtutulungan ang dalawang bansa sa pagharap sa mga hamon sa rehiyon, kasama ang maritime security at banta sa seguridad tulad ng climate change, nuclear proliferation, terorismo, at transnational crime. Pareho ng interes ang dalawang bansa na mapanatili ang freedom of navigation at daloy ng lehitimong kalakal at tao sa South China Sea at sa paglutas ng nagtatagisang pag-aangkin ng teritoryo dito. Lumakas ang loob ng Pilipinas na magreklamo laban sa China sa West Philippine Sea noon 2013 sa United Nations Arbitration ng Convention on the Law of the Sea. Nanalo tayo sa kasong ito noon 2016.

Nagtayo rin ng Open Government Partnership ( OGP) ang walong bansa noon Setyembre 20,2011 upang itaguyod ang “good governance” sa ika 21-siglo. Kabilang dito ang Pilipinas, Indonesia, Brazil, Mexico, Norway, South Africa, United Kingdom at USA.

Nagkaroon din ng Enhanced Defense Cooperation Agreement noon 2014 na may bisa ng 10 taon upang isulong ang pagpapatupad ng MDT. Dahil dito, mayroon taunang Balikatan exercises o “joint military maneuvers”. Tumanggap din ang Pilipinas ng ayuda na U$87 million para sa Typhoon Yolanda humanitarian aid.

Aabot ng U$20 billion ang halaga ng palitan ng mga produkto ng Pilipinas at Amerika. Mga Pilipino ang pinakamalaking grupo ng immigrant sa US mula pa ng dekada 80. Para sa taong 2014, 1.9 milyon mga Pilipino ang nabigyan ng immigrant visa na katumbas ng 4.5% ng mga immigrant sa USA. Ang dollar remittances din mula sa Amerika ang pinakamalaking pumapasok sa ekonomiya ng Pilipinas.

Batay sa pahayag ng Global Conflict Trade (Enero 23, 2020) palala ang conflict status sa South China Sea/ West Philippine Sea. Delikado ang epekto nito sa Amerika. Tinatayang nasa U$3.37 trillion ang kabuuang pangangalakal na dumaraan sa karagatang ito noon 2016. Kuwarenta porsiyento (40 % )ng pandaigdigang liquefied natural gas ay idinaan dito noon 2017. May 1,295 hektarya ng reklamasyon ang naitambak ng China sa Spratlys. Nilagyan din nila ng daungan , paliparan at base militar ang Paracel at Spratlys. Hindi maaring magpabaya ang Amerika sa pagpapalakas sa mga kaalyadong bansa para mapangalagaan ang balanse ng interes sa karagatang ito.

Ang Pilipinas ay nasa Tier 1 ng 2020 US State Department Trafficking in Persons( TIP) report. Ang ranggong ito ay nakamit ng Pilipinas noon 2016 at limang taon ng napapanatili natin ito. Ayon sa TIP report, masigasig at seryoso ang Pilipinas sa pagtugis sa mga human traffickers at sa tulong na pinagkakaloob sa mga biktima. Ang bansang nasa Tier 1 ay tatanggap ng ayuda mula sa Amerika. Kasama ng Pilipinas sa Tier 1 ang South Korea, Australia at New Zealand. Nasa Tier 2 naman ang Japan. Kapag nasa Tier 3,tulad ng China, hindi magkakaloob ang Amerika ng ayudang “non-humanitarian” at “non-trade related foreign assistance” .

Batay sa datos ng USAID, magmula 2001, ang Pilipinas ang nakatanggap ng pinakamalaking ayuda sa US = U$ 428 million sa buong rehiyon na may 31 bansa. Ang katamtamang ayuda ng isang bansa ay US$61 million lamang at Singapore ang may pinakakaunting nakuha na US$567,000 lang. Malaking bulto ng ayuda ng Amerika sa Pilipinas ay para sa conflict, peace at security ( US$292 million):Health and population (US$40 millIion); counter terrorism at partnership funds , US$19 million.

Sabi ng CNN, si Biden ay tradisyonal na pinuno at mas gusto nitong magbuo at magpalakas ng mga alyansa sa ibang bansa. Kabaligtaran ito ng ginawa ni Trump na nagbigay daan para ang China ay umangat sa entablado ng mundo. Ay salamat po.