Home>Editorial>Opinion>Para tayong walang NOAH
Opinion

Para tayong walang NOAH

SA gitna ng napakaraming unos at delubyo na humambalos sa mga Pilipino, bukang-bibig palagi na ang mga ito ay pagsubok lang at kayang tumayo muli ng mga Pilipino dahil matatag ang mga mamamayan at ang mga karanasang ito ay nagpapatibay pa lalo sa loob ng mga Pilipino.

Totoong hindi nawawalan ng pag-asa ang mga Pilipino sa pagsalubong sa bagong umaga na inaasahang magsasara ng kalungkutan at maghahatid ng bagong ginhawa sa buhay. Subalit kailangang pagbulayan ng mga Pilipino bakit tila paulit-ulit na lang ang mga krisis na bumubugbog sa ating lahat?Dapat aralin ang mga kakulangan at kapabayaan ng mga may katungkulan. At ng hindi na ito maulit, panagutin sila sa batas.

Dahil tayo ay daanan ng bagyo mula sa Dagat Pasipiko, mahalaga sa atin ang mga teknolohiya na nakapagbibigay ng babala sa paparating na bagyo.

Ayon kay Ambeth Ocampo, si Padre Federico Faura, SJ (1840-1897) ang unang nakahula sa bagyo noon July 7,1879 na humagupit sa Pilipinas paglipas ng dalawang araw, gamit ang kanyang barocyclonometer o barometer na binabasa ang “atmospheric pressure” upang matukoy ang layo at lakas ng paparating na bagyo sa Pilipinas. At magmula noon hanggang sa World War II, ang pamahalaan at karatig bansa ay palaging sinasangguni si Faura at mga sumunod sa kanya sa Manila Observatory na nakatayo sa lugar na ngayon ay Padre Faura St. sa Maynila. Si Padre Faura ay naging guro ni Dr. Jose Rizal sa Ateneo. Ang Faura barometer ay isang “collector’s item” sapagkat , sa kabila ng kalumaan nito, nananatiling tumpak pa rin ito.

Kahit ang mga historical K drama at pelikulang hapon ay may pagpapahalaga sa pagsisikap ng Korea at Japan, noon sinaunang panahon pa, na magkaroon ng mga gamit na makapagsasabi kung may paparating na bagyo sapagkat buong baryo o bayan ang napipinsala at libu libo ang namamatay na tao.

Ang DOST-Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) ay inumpisahan noon Hulyo 2012 at natapos pondohan ng Pebrero 2017. Ito ang tugon ng Pamahalaan Nasyonal sa naranasan natin sa Ondoy at Habagat.

Mayroon itong sampung aspeto: Hydromat Sensors Development, DREAM-LIDAR 3D mapping, Flood NET-Flood Information Network, Disaster management using WebGIS, Enhancing Geohazard Mapping through LIDAR and High Resolution Imagery, Doppler System Development, Landslide Sensors Development Project, Storm Surge Inundation Mapping Project, Weather Information Integration System Enhancement( WISE), at Integrated Scenario-based Assessment of Impact and Hazards ( ISAIAH).

Sinalo ng UP Resilience Institute ang NOAH noong Marso 2017. Ang kanilang bisyon ay maging “disaster free” ang Pilipinas at ang mga komunidad ay mas madali at mabilis na makakuha ng tumpak, maaasahan at nauukol at napapanahong impormasyon para makaiwas sa peligro at panganib at makapagbalangkas ng mga hakbang na panlaban sa epekto ng climate change.

Batay sa UP Resilience Institute website (binuksan ko noong Nobyembre 20,2020), nagdaos pala sila ng isang final workshop sa Tuguegarao City, Cagayan Valley noon Mayo 3, 2018. Sumali dito ang Cagayan State University, Climate Change Commission, Cagayan Valley Climate Change Consortium (CVCCC) na binubuo ng mga regional government agencies, LGUs at mga HEIs ng Region 2. Nagkaroon pa ng demo ng GANap o Geospatial Analytics National Platform at paglagda sa isang MOA ng mga miyembro ng CVCCC na nangakong magtutulungan para sa isang matatag at “climate-smart” Cagayan Valley.

Pagkaraan ng dalawang taon, dumating si Ulysses. Kitang kita ang nakakagimbal na buga ng talon ng agos ng tubig sa Magat Dam. 24 na bayan ng lalawigan ng Cagayan ang lubog sa tubig na kulay putik. May nalunod, may nakuryente at may natabunan ng gumuhong lupa sa gilid ng bundok. Maraming ari-arian at pananim ang nasalanta. Baligtad ito sa bisyon ng UP RI-NOAH at sa layunin ng CVCCC na maging “climate smart” ang Cagayan Valley.

Saan nagkulang ang UP RI-NOAH at CVCCC sa Tuguegarao? Sino ang nagpabaya? Hindi ba tumpak ang mga impormasyon na galing sa mga makabagong gamit nila? Binalewala ba ng mga miyembro ng CVCCC ang kanilang nilagdaang MOA? Hanggang salita lang ba sila at walang kaakibat na gawa?

Ang pagkakalbo ng mga bundok dahil sa iligal na pagputol ng mga puno, walang patid na iligal na pagmimina at kakulangan ng pagtatanim muli ng mga puno at paglilinis ng Cagayan River ay bahagi na ng isang pag-aaral nila Dr. Fernando Siringan, dating dekano ng UP Marine Science Institute dahil sa pagbaha ng Alcala, Cagayan noon Disyembre 2019, na tinaguriang 100-year flood o isang malawakang baha na may 1% tiyansa maganap sa isang taon. Naulit na naman ito ngayong Nobyembre 2020.

Ang “resilience” ng mga Pilipino sa pagharap sa 100-year flood na taon taon wawasak ng buhay at kabuhayan natin ay may hangganan.