Home>Editorial>Opinion>‘Dagdag-bawas’ sa infra budget, isapubliko

‘Dagdag-bawas’ sa infra budget, isapubliko

MAGANDA” ang nabasa nating panukala ni ex-House Speaker Alan Peter Cayetano ng Taguig City, na maisiwalat sa publiko ang kontrobersyal na dagdag-bawas sa infra fund ng mga kongresista na nakapaloob (daw) sa 2021 national budget.

Nais ni Cayetano na maisapubliko ito bago aprubahan ng bicameral committee ang pambansang budget para nga naman mabulgar kung sino ang mga nabawasan ng budget at kung sino naman ang mga nadagdagan.

Oo nga naman. Ayon pa kay Cayetano, dapat “magkaalaman” kung “sino” ang mga nakinabang at nabawasan sa dagdag-bawas scheme na ito para maiwasan ang batuhan ng putik at maging malinaw sa lahat kung totoo o hindi ang akusasyon ni Sen. Ping Lacson.

Ayon kasi kay Sen. Ping, “lumobo” ang infra budget ng ilang kongresista.

Kasi kung hindi ito maaagapan, aba’y bulagaan na naman ang mangyayari sa atin at posible pa itong ma-veto ni Pangulong Duterte.

Matatandaan natin na ipinagbawal ni Cayetano, noong siya pa ang lider ng Kamara ang pagkakaroon ng ‘parking funds’ sa ating kasalukuyang badyet.

Ayon pa nga noon kay Cayetano, hindi dapat “pagtakpan” ang sinomang mambabatas na gumagawa ng ‘budget insertion’ at ‘budget parking’ sa ibang mga ahensiya dahil taliwas din ito sa kagustuhan ni Pang. Rody.

Unang ibinulgar ni Lacson na aabot sa P620 milyon hanggang P15 bilyon ang infra fund ng ilang mga kongresista sa ngayon.

Makati City Pabakuna

Sinabi pa ni Lacson na mali ang ginawang dagdag-bawas sa pondo dahil lalong naging malaki ang disparity o agwat ng naging hatian ng pondo sa pagitan ng mga kongresista; halimbawa aniya ay ang P15.351 bilyon ‘allocation’ sa isang distrito kumpara sa P620 million sa ilan.

Kaya naman ipinangako ng senador na haharangin niya sa bicam ang dagdag-bawas na ito.

‘But to make the long story short,’ wika nga, sinabi ni Cayetano sa media na ang pagsisiwalat sa publiko ng dagdag-bawas sa infra fund ng mga solon ay pagsiguro na walang unconstitutional amendments na maaaprubahan ang bicameral committee.

Magbibigay din ito ng pagkakataon lalo na sa media na maiulat sa publiko ang mga nangyari para na rin sa kapakanan ng bayan.

Mataas ang nakuhang ‘trust rating’ ng Kamara sa mga ‘survey’ ng SWS at Pulse Asia.

At gusto nating maniwala na hindi ito sasayangin ni Speaker Lord kaya, mainam na masagot niya ng maayos ang mga akusasyon ni Sen. Ping.

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight