Home>News>Metro>3 huli sa pagbenta ng fake swab test results

3 huli sa pagbenta ng fake swab test results

HULI sa entrapment operation ng pulisya ang tatlong kataong sangkot umano sa paggawa at pagbebenta ng mga pekeng resulta ng Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test Martes ng hapon sa Las Pinas City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Eliseo Cruz ang mga nadakip na sina Frederick Jude, 46, radio technician at naninirahan sa Brgy. Talon 1; Janice Dasco, 35, kahera ng Sabang, Naic, Cavite at Gabriela Dimaano, 21, clerk ng San Nicolas, Bacoor, Cavite na pawang kawani ng Janric Medical Clinic (dating VMK Medical Clinic) na nasa 350 Real St. Alabang, Zapote Road, Talon I sa naturang lungsod.

Isinagawa ng magkakasanib na puwersa ng District Mobile Force Battalion (DMFB), District Intelligence Division (DID), District Special Operations Unit (DSOU) at Las Pinas Police ang entrapment operation dakong alas-4 ng hapon sa naturang medical clinic matapos isagawa ang pagpapatunay hinggil sa natanggap na impormasyon kaugnay sa ilegal na gawain ng mga nadakip.

Isang kagawad ng pulisya ang nagpanggap na kukuha ng pekeng resulta ng swab test, kapalit ng P1,500 na bayad, na naging dahilan upang isagawa ng pulisya ang pagdakip sa mga suspek.

Makati City Pabakuna

Nakuha sa naturang klinika ang mga pekeng resulta ng RT-PCR test ng anim na katao na hinihinalang nagbayad din ng kaukulang halaga kapalit ng pagbibigay sa kanila ng negatibong resulta ng swab test.

Bukod sa mga nakuhang pekeng resulta, kinumpiska rin ng kapulisan ang Cerfificate of Registration ng klinika na nakapangalan kay Dasco at isang Janice Arlada, iba pang mga dokumento at kagamitan na kanilang ginagamit sa paglikha ng mga pekeng resulta ng swab test, pati na ang ilang drug paraphernalia na may bahid ng hinihinalang shabu na nakuha namn kay Frederick Jude.

Ayon kay BGen. Cruz, sasampahan nila ng mga kasong falsification of public documents at paglabag sa Section 12, Article II ng R.A. 9165 of Illegal Possession of Drug Paraphernalia ang mga nadakip sa piskalya ng lungsod ng Las Pinas.

Publication Source :    People's Tonight