Home>News>Nation>Cam kinondena pamamaril sa harap ng compound

Cam kinondena pamamaril sa harap ng compound

MARIING kinondena ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Sandra Cam ang pamamaril sa harap ng kanyang bahay sa Batuan, Masbate ng hindi pa nakikilalang suspek kung saan dalawang bata na dumalo lamang sa isinagawang gift giving ang nadamay at malubhang nasugatan.

“We strongly condemn the shooting incident that victimized two minors during this Christmas season, this period of critical crisis of pandemic. Political violence must be set aside and focus only on gift giving to less fortunate kababayans,”pahayag ni Cam.

Kumbinsido si Cam na politically motivated ang nangyaring pamamaril na ang hangarin ay maghasik ng takot sa mga residente ng Batuan at sa kanilang mga supporters dahil nangyari ang insidente matapos ang kanilang isinagawang gift giving.

Lubhang dinaramdam ni Cam na may dalawang inosenteng bata ang nasugatan sa insidente.

“We are just waiting for the investigations being conducted by our police authorities. Let the justice be served immediately” dagdag pa ni Cam.

Ayon kay Batuan Chief of Police, Police Lieutenant Nestor Nasayao na mayroon na silang lead at identified suspects subalit tumanggi pa muna nya itong pangalanan para na rin sa kaligtasan ng mga testigo. Aniya, pananakot at walang direktang target ang mga nasa likod ng pamamaril dahil ginawa ito sa harap ng compound ng pamilya Cam na may 25 metro pa ang layo mula pinaka entrance ng bahay.

“Nag-open fire sila sa harap ng compound at nagkataon na palabas naman noon ang mga biktima” pahayag ni Nasayao.

Makati City Pabakuna

Naganap ang insidente 7:47 p.m., noong December 27, sa Bgy. Canvañez, Batuan, Masbate. Ang dalawang biktima ay nakilalang sina Margie Garde, 14, residente ng Bgy. Danao at Sam Hate, 9, at residente ng Bgy. Canvanez, Batuan, Masbate.

Ang dalawa ay kapwa nilalapatan ng lunas sa Masbate Hospital at sumasailalim sa operasyon. Si Hate ay tinamaan ng bala sa tiyan habang si Garde ay tinamaan sa kanyang dalawang paa.

Ani Nasayao narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang piraso ng fired slug at 5 fired cartridge mula sa .45 kalibre ng baril.

Kasalukuyang nang nirerebyu ng Masbate Police ang CCTV footage sa pinangyarihan ng insidente na makatutulong para matukoy ang mga suspek na apat katao na lulan ng dalawang motorsiklo. Ani Nasayao, nakapagbigay na din ng statement ang isa sa batang biktima at identified nito ang isa sa mga suspek.

Mas hinigpitan na din ng mga awtoridad ang seguridad sa Batuan kasunud ng insidente.

Aminado si Cam na madalang na lamang itong umuwi sa Batuan dahil sa abala ito sa kanyang trabaho sa PCSO. Umuwi lamang ito ngayong Kapaskuhan para sa taunang gift giving na kanilang ginagawa subalit nakalulungkot na nangyari pa ang insidente.

“Mas maraming residente ang pumila sa aming gift giving kaya yung pamamaril ay maaaring kanilang paraan para takutin ang mga residente na lumalapit sa amin,” pagtatapos pa ni Cam na nakatakda na sanang bumalik ng Maynila ngunit dahil sa kalagayan ng mga biktima ay minabuti nyang ipagpaliban ang pagbiyahe para maasikaso ang kalagayan ng mga batang biktima na nadamay.

Publication Source :    People's Tonight