Home>Editorial>Opinion>Maikli lang ang panahon ng tao

Maikli lang ang panahon ng tao

DAHIL itong buhay nami’y maikli lang na panahon, itanim sa isip namin upang kami ay dumunong (Awit 90: 12)

Salamat sa Diyos, nakaraos tayo sa 365 na araw o 8,760 na oras ng taon 2020. 2,920 na oras ay nagamit sa pagtulog at halos parehas na oras din ang ating naubos sa pagtatrabaho. Ilan oras kaya ang ating ginugol sa panalangin at pagpapayabong ng ating relasyon sa Panginoon Diyos? Napaganda ng Panalangin ni Moses sa Awit 90:12 upang mabatid natin na maikli lang ang ating mga buhay kaya dapat masulit ang bawat araw at oras nito sa pagkakaroon ng tama at mayabong na relasyon sa Diyos, sa ating pamilya, mga kaibigan at makapag-ambag tayo sa pagsusulong ng kaunlaran ng ating bansa.

Maraming mga plano ang naunsiyami dahil sa pandemic. Ang pinaghahandaan na bonggang kasal noon Hunyo ng aking inaanak sa binyag at ng kasal nitong Disyembre ng aking pinsan buo, ay dinaos sa simple at payak na paraan na lang. Ang 25th wedding anniversary ng aking kumare, na uuwi pa mula Estados Unidos noon Hunyo, ay hindi na natuloy at ang 80th bday ng aking kaibigan ay hindi rin naidaos ng bongga.

May mga namatayan ng mahal sa buhay dahil sa COVID-19. Kinakailangan mai-“cremate “agad ang bangkay ng yumao. Ang aking tiyahin na binawian ng buhay dahil sa katandaan ay hindi na namin napaglamayan dahil may curfew at limitado ang bilang ng mga maaaring dumalo sa libing.

Ang mga batang dati’y ayaw magsipasok sa paaralan dahil kailangan gumising ng maaga, ngayon ay inaasam-asam ang pagbabalik ng araw na ang klase ay sa silid paaralan muling gaganapin, hindi online, upang makasalamuha ang mga kaklase at makalaro ang mga ito sa recess o sa uwian.

Ang mga masayang pagsasama- sama ng pamilya tuwing linggo o di kaya ng barkada tuwing Biyernes ng gabi ay talaga naman nakakamiss.

Sa taon 2020, natapos ko ang sampung araw na Arbitration Training ng Office of Alternative Dispute Resolution ng DOJ. Binuno ko ang 40 oras na online training sa arbitration upang maunawaan kung bakit ito mahalaga na maging bahagi ng kontrata upang maiwasan ang mahaba, magastos at matagal na paglilitis sa hukuman. Ang Arbitration Tribunal, hindi na korte, ang siyang dirinig ng reklamo at depensa ng magkabilang panig sa isang proseso na eksklusibong nakatutok sa isang usapin at ang paghaharap ng mga ebidensya ay hindi kasing pormal at metikuloso tulad sa hukuman.

Makati City Pabakuna

Dahil nagpasya akong magturo ng Persons at Family Relations sa Tarlac State University School of Law, lumahok din ako sa magkasunod na online training ng Legal Education Board at ng TSU-SoL upang matutuhan ang paraan ng pagtuturo online.

Bukod pa sa aklat ni Hector de leon sa Obligations and Contracts, na aking subject na ituturo ngayon Enero 2021 sa ikalawang semestre sa TSU-SoL, natapos ko rin basahin ang Vol. 1 ng Civil Code Commentaries ni Arturo Tolentino, ang aklat ng aking propesor, si Dean Melencio Sta Maria, sa Persons and Family Relations, ang Civil Code Commission Report ng 1950, ang mga komentaryo tungkol sa Civil Code nila Dean Francisco Capistrano, Pacifico Agabin, Jorge Bocobo, Jose B.L. Reyes, at Ruben Balane, at pinanood ang samu’t saring mga Youtube videos tungkol sa mga pananaw nila Socrates, Aristotle, at Plato, San Agustin at Santo Tomas, Immanuel Kant, Frederich Hegel at Mortimer Adler tungkol sa batas, karapatan at paano maging tunay na maligaya ang isang tao. Pinapanood ko rin ang aking mga estudyante ng University of Virginia Law School orientation for freshmen, at ang mensahe ng GreenHills Christian Fellowship na nagpapaliwanag sa Kristyanong pananaw sa pagharap sa mundong walang hustisya na batay sa Micah 6:8, gayun din naman ang mga sinabi ni Dr. Martin Luther King Jr tungkol sa civil disobedience at bakit hindi ito labag sa Romans 13 at ang pagbibigay diin na ang bahaghari ng sansinukob ay nakakiling sa hustisya. Naniniwala ako na ang aking mga estudyante sa nakalipas na semestre ay malalim ang nahukay na pundasyon upang maging abogado.

Ang aking mga kasama sa 170 Talaytayan, dahil sa Zoom, kahit na malalayo ang aming kinaroroonan (mayroon nasa Hawaii at Sorsogon) ay nakapagbuo noon Agosto ng isang programa na idaraos sa loob ng 30 araw mula Pebrero 21 hanggang Marso 20, 2021 tungkol sa mga hamon ng pandemic sa edukasyon sa Pilipinas. Sa pagtatapos ng palatuntunan nito, nawa ay makabuo kami ng isang kasunduan kung ano ang pilosopiya ng edukasyon ng Pilipinas at mga konkretong hakbang na pagtutulungan ng lahat para makamit ito.

Ang isinusulong na panukalang palakasin ang Teacher Education Council ng technical working group, na bahagi ako at pinapanguluhan ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, ay umalagwa na rin sa Senado.

Bumaba ang aking timbang na dati’y 85 kgs, ngayon ay 78 kgs na lang, dahil sa aking paglalakad araw araw, na binibilang ng aking tapat na orion pedometer.

Maraming nawalan ng trabaho, negosyo, at mahal sa buhay, subalit may mga makahulugang bagay din tayong natapos gawin na imposibleng matupad kung hindi dahil sa pandemic na ito. Ang mahalaga, matanim sa ating isipan na ang bawat araw at oras na dumarating sa ating mga buhay ay dapat gamitin sa makabuluhang paraan.

Publication Source :    People's Tonight