Home>News>Overseas Filipino Workers>12 OFWs sa Saudi, hindi pa rin nare-rescue
Overseas Filipino Workers

12 OFWs sa Saudi, hindi pa rin nare-rescue

Kahapon, nagpost si Atty. Honey Quiño, Deputy Administrator ng OWWA, na na-rescue na daw ang 12 OFWs na sapilitang ibinibenta ng Alyadi Alomaanidah Recruitment Agency sa Saudi Arabia. Ngunit hindi ito totoo, at hanggang ngayon ay nasa accommodation ng agency pa rin ang mga OFW.

Totoo na nagpunta ang MWO Riyadh sa accommodation ng agency, pero umalis din sila pagkatapos magdala ng pagkain. Ang totoong kailangan po natin mula sa OWWA, MWO, at DMW ay iligtas at pauwiin na ang mga OFW.

Dagdag pa, kaninang umaga ay nagkaroon ng medical emergency ang isa sa mga OFW. Ipinilit ng mga OFW na ipadala siya sa ospital, ngunit tinakot pa ang mga OFWs at kinuha ang kanilang mga cellphone. Nangingitim na ang balat ng OFW bago ito dinala sa ospital.

Hiling namin sa OWWA na maging transparent sa kanilang mga iniuulat at mabilis na mag-update sa mga pamilya. Pinakaimportante pa, totohanin nang i-pull out ang mga OFWs, dalhin sa shelter kung saan hindi na sila matatakot ng agency, at agad na pauwiin na sa Pilipinas.

Ang sabi ni BBM, “gobyernong may puso para sa mga OFWs”. Isang taon na ang administrasyong Marcos at hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ng mga kababayan natin sa ibayong dagat. Malala pa, dumadami lang ang mga nag-a-abroad dahil sa kawalan ng trabaho dito sa Pilipinas. Dumadami din ang bilang ng mga OFWs na nagpapa-repatriate dahil sa contract violation, overwork, sexual assault, non-payment of salary at iba pa. Pagkalabas ng Pilipinas, hindi na na-aalagaan, o kahit nakakamusta, ang mga OFW.

Dahil dito, kailangan maglunsad ng gobyerno ng pag-check up sa iba pang accommodations at agencies na may active na repatriation cases. Tiyakin at i-verify na ligtas ang mga OFW. Dagdag pa, kailangan ding kagyat na i-repatriate ang mga nasa shelter.

Panawagan ng mga OFWs, pamilya, at ng SANDIGAN sa OWWA, MWO, at DMW — ‘wag na natin patagalin pa ang pag-rescue sa OFWs. Iligtas sila mula sa mga kuko ng agency na nananakot at nagkukulong sa kanila, at panagutin ang parehong foreign at local recruitment agency para hindi na nila ito magawa sa kahit sinong OFW.

Journal Online
A collection of noteworthy information on various topics from the Philippines and the rest of the world.
https://journal.com.ph