Home>Lifestyle>People and Places>Paborableng ruling sa MORE magdudulot ng hostile takeover?
People and Places

Paborableng ruling sa MORE magdudulot ng hostile takeover?

MALAKI umano ang magiging epekto ng desisyon ng Korte Suprema sa dalawang taong  labanan sa pagitan ng More Electric and Power Corporation (MORE) at Panay Electric Company (PECO) sa negosyo sa bansa pati na sa foreign direct investments (FDIs) na papasok sa Filipinas.

Sa virtual press conference noong Sabado, sinabi ni Atty. Star Elamparo, ng Divina Law office at lead counsel ng PECO, na ang judicial ruling na pumapabor sa MORE Power ay tila magbibigay lehitimasyon sa hostile takoevers  ng mga kompanya at prangkisa mula sa mga interesadong  korporasyon nang hindi kinakailangang magpakita ng kakayahan, expertise o industry history.

“Kung kakatigan ng Korte ang posisyon ng MORE, hindi malayong sundan ito ng iba pang hindi kuwalipikadong kompanya na hindi karapat-dapat bigyan ng prangkisa ng Kongreso,” ani Elamparo.

“Ang isang kompanyang walang experience at kakayahan at gusto lamang kumita ay maaaring maghanap na lamang ng prangkisa na malapit nang mag-expire at mag-lobby para mapunta sa kanila ang franchise rights.”

Bago mag-apply at makuha ang power distribution franchise sa Iloilo, ang MORE ay isang mining company na walang experience sa pagtatayo at pagpapatakbo ng isang electrical company.

Sa nasabing press conference, ibinunyag din ng Koalisyon Bantay Kuryente, ang nangungunang consumer rights advocate group sa Iloilo, ang natuklasan nilang paglabag ng MORE Power sa systems loss charge cap na itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Ipinaliwanag nina KBK Chairman Ruperto Supena at KBK coordinator Allen Aquino na batay sa mga electricity bills ng consumers sa Iloilo, natuklasan nila ang 12% na ipinapataw na systems loss charge ng MORE na dagdag-singil sa consumers.

Ang 12% systems loss charge ay halos doble sa itinakdang 6.25% systems loss cap ng ERC at mahigpit na ipinatutupad salahat ng private distribution utilities.

Dahil dito, matindi ang naging pagpalag ng Iloilo consumers at ngayon ay nagde-demand ng refund dahil sa sobrang siningil sa kanila ng MORE Power.

Pinasasagot din ng KBK ang MORE Power sa umano’y mga pangakong  napako ng nasabing kompanya.

Kabilang na umano rito ang pangakong mas bubuti ang serbisyo sa koryente  na hindi naman nangyari at sa halip ay lalo pang  sumama dahil sa walang patid na brownout, karamihan ay tumatagal ng hanggang 13-oras. Nangako rin umano ang MORE Power na bababa ang singil sa koryente ngayong sila na ang power distributor subalit wala rin umano itong katotohanan dahil sa  sobra-sobrang systems loss charge na ipinapataw sa mga consumer.

Bigo rin umano ang pangako ng MORE Power na bumili ng mga bagong kagamitan, kabilang na ang mobile sub-station, dahil kung naisakatuparan umano ito  ay wala sanang mangyayaring madalas at mahahabang  brownouts.

“Umabot na sa mahigit 400 oras ng brownouts ang naranasan ng mga Ilonggo mula Pebrero  hanggang Hunyo pa llamang. Kamakailan din  lang, may serye na naman ng brownouts na umabot ng 678 minuto mula Agosto 7-11. Balot na ng kadilimanang Iloilo,” himutok ng KBK.

Ayon kay Elamparo, ang pagwawalang-bahala ng MORE Power sa kautusan ng Iloilo RTC para sa maayos na transition sa period sa pagitan ng MORE at PECO ang dahilan kung bakit pasama nang pasama ang serbisyo sa koryente sa Iloilo.

“Sinabi na namin ito noon at heto nga at nangyayari na. Na dahil sa  hindi pagtalima ng MORE Power sa kautusan ng korte, at dahil wala siyang kakayahan, dadalas ang brownouts at ang mga Ilonggo ang magdurusa, na siya na ngang nangyayari ngayon. Wala dapat krisis dahil ang mismong takeover ng MORE Power ay unconstitutional,” ani Elamparo.

Idinagdag naman ng legal luminary, constitutional expert at Ateneo School of Government Dean Tony La Viña na matagal na niyang sinusubaybayan ang power dispute sa Iloilo sa pagitan ng MORE at PECO at sinabing ang ugat ng problema ay ang pagkabigo ng Kongreso na sundin ang legal criteria sa pagbibigay ng prangkisa na dapat ay  nagsaalang-alang sa interes ng publiko.