Home>Editorial>Opinion>Sindikato sa basura!

Sindikato sa basura!

ALAM ng lahat na malaki ang pera sa basura!

Open secret din na malaki ang kita ng ilang local government units (LGU) sa basura dahil dito sila nakakakulimbat ng limpak-limpak na salapi kada-buwan.

Kasama na rito ang tongpats, komisyon o tinatawag na SOP.

Kalimitang sumbong sa basura, bukod sa pangit na serbisyo ay ang pandaraya sa paghahakot ng basura sa mga kabahayan.

Papalitawin nila kunwari na dalawang beses isang araw ang ginagawa umanong paghahakot sa basura, pero ang totoo, isang beses lamang ito sa isang araw o kung minsan ay makailang beses lamang isang linggo.

Kung baga, para itong ‘ghost employee’ o ‘ghost delivery,’ pero iyon pala ay ‘ghost na paghahakot’ sa basura.

Eto ngayon ang bagong kuwento, mga ate at kuya!

Isang kontratista mula sa Marikina at Quezon City ang nag-iikot sa lahat ng LGU sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ipinagmamalaki nito ang kanyang bagong ‘produkto’ na diumano’y gawang Pinoy.

Ang kanyang produkto ay may kinalaman sa bagong technology kung paano maibsan ang problema sa mga gabundok na basura.

Ipinagyayabang ng kontratista na ang produkto niya ang sagot para maging maayos ang sistema sa paghahakot ng basura.

Pati nga ang pag-segregate sa nabubulok at hindi nabubulok ay kaya raw nitong ikamada dahil sa kanyang teknolohiya.

Ang problema, palpak ito at walang kasiguruhan na tatagal ang kanyang produkto.

Ang masaklap pa, masyadong mataas ang sinisingil nitong presyo at kinukuntsaba na lamang ang ilang local government officials para makakuha ng kontrata.

Makati City Pabakuna

Kung ang puhunan ng ipinagmamalaki niyang makina ay P3 million lamang, ginagawa niya itong P12 million hanggang sa P50 million.

Ang catch dito, kapag nasira na ang produkto, papabayaan na niya sa ere ang mga nagoyong LGU at ang pangakong hanggang ‘maintenance provider’ ay sakop ng kompanya ng kumag ay hindi na nangyayari.

Buhay na halimbawa rito ay ang nagoyong LGU sa Bulacan at Albay.

May bago itong nabiktima sa Southern Tagalog kamakailan na sigurado kong sasakit ang ulo sa mga darating na araw ng nagoyong LGU dahil mabubuko nila na ang ipinagmamalaking Philippine-made na produkto ay mula pala sa bansang China.

Kahit ipa-check pa natin ang kanyang mga makina, halatang ‘dyapeyks’ ang mga ito!

Ang abangan natin dito ay sakaling dumating ang panahon na busisiing mabuti ng Commission on Audit ang kanilang produkto at multimillion-peso transactions, siguradong hindi lang Ombudsman ang aabutin nilang kaso kundi hanggang Sandiganbayan pa.

Mahina ang kasong plunder at graft and corruption case na nag-aantay dito sa ginagawa nilang panloloko sa taumbayan. Iyong tipong niloko na ang mga kababayang lokal – pinagnanakawan pa ng multimillion-peso.

Sa nagtatanong kung magkano ang ‘naholdap’ ng iskamer na kontratista? Tumataginting na aabot na sa P100 million na ang balita ko’y mismong financier niya ang binukulan ng kumag!

Kung sino ang kontratistang ito, abangan n’yo sa mga susunod nating istorya ng #Basurakot at #SindikatoSerye!

***

Dumulog sa atin ang ilang empleyado laban sa amo nilang pekeng imbentor. Salbahe raw ito at hindi parehas kung magpasweldo.

Antabayan n’yo rin po ang kuwentong ito dahil marami pang mabubunyag na kuwento tungkol sa pekeng imbentor – labas pa riyan ang pagiging sex addict, este tsikboy, ng isinusuka nilang boss.

Ang malinaw lang ngayon, plano na rin nilang mag-file ng labor case sa DOLE at bukas makalawa ay gusto na rin nilang magpa-Tulfo!

Araykupu!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large