5,508 guests

Panglahatan at pangmatagalang kaunlaran: GDP, GINI at FMI

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 988

KADALASAN ang GDP o Gross Domestic Product ng isang bansa ang ginagamit na panukat ng tayo ng ekonomiya nito. Ang GDP  ang pangkabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo na ginawa sa bansa. Kapag zero o negatibo ang GDP growth rate, matamlay ang ekonomiya na hatid ng  resesyon na kinababahala ng marami sapagkat hila-hila nito ang pagtaas ng unemployment rate o walang trabaho na may kakambal na pagtaas ng kriminalidad, pagsikip ng kredito o perang maaaring mautang na kapital sa negosyo at mataas na inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pagbagsak ng credit rating ng isang bansa na nagdidikta ng taas ng interes na babayaran sa mga bangkong inuutangan ng estado.  

Siyempre , kapag patuloy na tumataas naman ang GDP growth rate, tumataas ang credit rating ng bansa, bumababa ang inflation rate, lumalaki ang pera na puwedeng mapautang sa negosyo, bumababa ang unemployment rate at pagtatag ng ekonomiya na senyales ng kaunlaran.
   
Walang masamang gamitin ang GDP upang matantiya ang lagay ng ekonomiya. Subalit marami ang nakapapansin na sa kabila ng paglaki ng GDP, hindi maramdaman ng maralita ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
   
Marami pa rin ang nakasahod ang mga kamay sa mga mayor, gobernador at congressman para sa tulong sa pagpapagamot, pagpapaaral ng anak, pambili ng pagkain at gamot at pamasahe, pampalibing at pagbabayad sa ospital at rekomendasyon para magkatrabaho sa pamahalaan lokal o nasyonal.
   
Marami pa rin ang nakatira sa barung-barong at sa ilalim ng mga tulay. Hindi panglahatan o “inclusive” ang paglago ng ekonomiya. Tanging mayayaman lamang ang nakikinabang dito.
   
Tama si Franklin Delano Roosevelt sa kanyang sinabi na “The test of our progress is not whether we ADD more to the abundance of those who have much, it is whether we provide enough for those who have too Little.”
   
Ang panuri ng kaunlaran ay hindi kung nadadagdagan ang kasaganaan ng mga mayayaman, bagkus ito ay kung sapat ba ang naipagkakaloob natin sa mas nangangailangang maralita.
   
Papaano ba mapapadali ang daloy ng kaunlaran sa mahihirap? Mayroon bang panukat nito? Batay sa aking pag-aaral, maraming paraan upang masukat kung tunay nga bang nabibigyan ng oportunidad ang mga naghihikahos o mahihirap na maitawid ang kanilang pamilya mula sa kadustahan papunta sa kaginhawaan. Ngunit dahil limitado ang ating ispasyo, dalawang panukat ang ating gustong talakayin.  
   
Una na dito  ang GINI Co-efficient na sinusukat ang lawak ng agwat ng mayaman sa mahirap sa isang bansa. Ang Zero ay perfect equality at 100 ay perfect inequality.
   
Ibig sabihin nito, mas malapit sa Zero ay mas mainam sapagkat pakipot o pawala na ang agwat ng kita ng mayaman at mahirap.  Tingnan natin ang datos.
 
Ayon sa World Bank, ang GINI index ng Pilipinas nuong 2013 ay 43. Samantala ang China ay 42.1; Colombia 55.9; Vietnam 35.6; Malaysia 46.2 (www.undp. Org/ Human Development Reports).
   
Bagama’t hindi na pangit ang ating iskor na 43, napakarami  pa tayong dapat gawin upang mapababa ang GINI value index ng Pilipinas upang tunay na maramdaman ng mahihirap ang pagsigla at pagtatag ng ekonomiya.
   
Nandiyan ang pagtutuwid ng ating kasaysayan upang mapalakas ang diwa ng nasyonalismo o pagmamahal sa bayan.
   
Tinalakay ko na ito nang husto sa ating kolum na pinamagatang  GOMBURZA 1872 nuong Marso 12-14, 2017.
   
Nandiyan ang pagsugpo sa korapsyon sa ating uri ng pulitika na sumisira sa ating pagpili ng kawani ng pamahalaan na pinipili ng politikong nagbabayad-utang sa kanyang panalo sa halalan at hindi batay sa kakayahan ng hinihirang.
   
Nandiyan din ang pagsasaayos ng kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng dagdag na pagsasanay ng mga guro sa mga aralin at pagtatag ng sistema ng pag-uri ng kalidad ng kakayanan ng mga guro.
   
Pangalawa ay ang pagtutok sa agrikultura. Mayroon tayong magagamit na  farm mechanization index (FMI)  upang masukat ang paggamit ng makina sa bukid ng magsasaka. Batay sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHILMECH) na mula sa Muñoz, Nueva Ecija, ang Pilipinas ay mayroon 1.23 horse power per hectare mechanization index para sa taon 2011.
   
Ayon kay Dr. William Dar sa kanyang isinulat nuong Pebrero 27, 2017 sa Manila Times, napakaliit ang itinaas nito mula 1990 na .52 hp/ha.
   
Ayon din kay Dr.  Dar, ang Japan , na may 2 hektaryang pangkaraniwang sukat ng bukid,  ay nagtala ng 19.87 hp/ha nuong 2011. Ito ay napakalaki ang iginanda kumpara sa 3hp/ha nuong 1968 at 7 hp/ha nuong 1990.
   
Ang South Korea ay may 9.38 hp/ha nuong 2011 na malaki rin ang iginanda sa 0.435 hp/ha nuong 1968 at 4.11 hp/ha ng 1990;  ang China ay may 8.42 hp/ha sa 2012 na dati ay 3.88 hp/ha nu’ng 1990.
   
Ang Thailand ay may 4.2 hp/ha nu’ng 2009 na dati’y 0.348 nu’ng 1968 at 0.79 hp/ha nu’ng 1990. Kung ikukumpara natin ang mga datos na ito, nakakahiya ang Pilipinas sa liit ng ipinagbago ng ating farm mechanization index at ng layo nito sa ibang bansa na tinutukan ang agrikultura.
   
Ipinaliwanag  din ni Dar na may apat na bagay na nagtutulak ng pagtaas ng FMI.
   
Una, ang kaalaman ng magsasaka na ang  paggamit ng makina ay magbibigay ng mas malaking kita sa kanya. Sabi ng PHILMECH , kayang pababain ng P5-7 kada kilo ang gastos sa pagtatanim at pag ani ng palay.
   
Pangalawa, ang kagustuhan ng magsasaka na mapalaki o mapanatili ang kita nito ang nagtutulak dito na gumamit ng makina.
   
Pangatlo, ang magsasaka ang dapat pipili ng makinang bibilhin, kanino bibilhin at paano ito gagamitin.
   
At pang-apat, ang pamahalaan ay hindi dapat makialam sa paggawa, pag- angkat, pagkalat at pagkumpuni ng mga makinang pangbukid bagkus dapat lang silang magtayo ng mga insentibo na mageenganyo sa pribadong sektor na gumamit ng makinang pangbukid.
   
Bakit sinikap ng ibang bansa na itaas ang kanilang FMI? Sapagkat malaki ang pakinabang  ng lipunan kapag makina ang ginamit: mas lalaki ang ani,  mas malaki  ang kita ng magsasaka, at kayang-kaya bilhin ng mamamayan ang  gulay, bigas, palay, karne sa murang halaga.
   
Sa kabila nito, maraming  magsasaka ang ayaw gumamit ng makina sa awa sa mga walang hanapbuhay sa kanayunan. Kung gagamit nga naman sila ng makina, wala na silang mauupahang magdudukit ng pilapil gamit ang kalabaw, hindi na kailangan ng mga maglilipat tanim, at gagapas sa panahon ng ani at wala na rin mahihimalay ang walang makain sa bukid.
   
Subalit kailangan natin makahabol sa ating mga karatig-bansa.  Ang mga mawawalan ng gawain sa bukid ay maaaring mamasukan sa mga pagawaan o nagkukumpuni  ng makina.
   
Dapat madaliin ng Kagawaran ng Agrikultura, mga kooperatiba, at lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng mga insentibo para tumaas ang ating farm mechanization index sa 5.0 man lamang sa 2022. Kailangan kumilos din ang  State Universities na dibdibin ang kanilang mandato na magturo ng mga kurso sa agrikultura at TESDA para maghatid ng programa para maturuan ang maaapektuhan ng mekanisasyon sa nayon.
   
Ang GDP, GINI at FMI ay mainam na batayan upang masukat kung naging mabisa ang  mga hakbang na ginagawa ng pamahalaang nasyonal upang maging panglahatan ang kaunlaran.
   
Ngunit ako ay nangangamba na kung ano mang pagbabago ang maganap, hindi ito magtatagal dahil ang ating lipunan ay tulog, manhid, walang pakialam o walang sapat na kaalaman dahil hindi buo ang diwa ng nasyonalismo sa puso at isipan ng mga Pilipino.
   
Samakatuwid, isang kilusan ng pagbabago na  laganap sa lipunan at nilalahukan nating lahat ang kailangan upang maganap ang ating minimithing panglahatang kaunlaran na pangmatagalan.