Bodega sa QC, sinalakay ng BoC, NBI, PCG

June 28, 2020

ISMAGLER na, mandaraya pa!

Ito ang natuklasan ng mga otoridad nang salakayin nila  noong Biyernes ang isang business establishment sa Talipapa, Quezon City.

Ang raid ay isinagawa ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BoC), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG).
Nakakumpiska ang operatiba ng mga kontrabandong car parts na nagkakahalaga ng P150 milyon.

Ang mga parte ng sasakyan ay gawa sa China pero nire-repack sa mga lalagyan na may tatak na "made in Japan."
Ito ay para palabasing mga gawa ng Japan.

Sinalakay ng mga taga-BoC, NBI at PCG ang compound sa bisa ng letter of authority at mission order na pinalabas ng BoC.

Natagpuan din sa loob ng compound  ang ilang packaging materials na may tatak na "made in japan."

Ayon sa BoC,  "repacking inferior and substandard car parts and making them as japanese brands is deceiving the buyers."

Binalaan ng BoC Intelligence Group ang publiko na maging alerto sa mga ganitong panloloko.

Patuloy naman ang BoC sa pagtugis sa mga unscrupulous trader na ganito.

***

Pwedeng bayaran online ang mga customs fees.

Ito ay sa pamamagitan ng isang mobile application.

Ang programang ito ay naglalayong mahikayat ang publiko na gumamit ng faceless transaksyon bilang parte ng tinatawag na new normal.

Nagsimula ang online payment, sa pamamagitan ng PAYMAYA , noong Hunyo 26.

Ang partnership sa PAYMAYA Philippines, Inc ay naglalayong mabawasan ang face-to-face transaksyon sa aduana.

Nakakatulong din ang programa para mapigil ang pagkalat ng nakakamtay na COVID-19.

Hangad din ng liderato ng BoC na mabawasan ang face-to-face transaction bilang parte ng kampanya laban sa katiwalian at korapsyon.

Kaya nga isinusulong ng pamahalaan ang computerization sa mga opisina ng gobyerno, kabilang ang BoC.

Magastos nga lang ang programang ito.

Ang maganda lang ay mababawasan ng malaki ang pera ni Juan Dela Cruz na napupunta sa malalalim na bulsa ng mga magnanakaw sa gobyerno.

***

Bukas ay huling araw na ng first semester o unang anim na buwan ng taon.

Ang ibig sabihin nito, kailangang kumayod ng husto ang Bureau of Customs.

Kahit tinapyasan  na ng malaki ang target collection sa taong ito ay mahirap pa ring abutin.

Alam naman natin na nandiyan pa ang COVID-19 na nagpapahirap sa buong mundo.

Hindi tayo magtataka kung uutang na naman ang gobyerno sa labas ng bansa para matustusan ang mga programa at proyekto nito.
Huwag natin kalimutan na meron na lang dalawang taon si Pangulong Duterte para tapusin o simulan ang mga flagship project ng kanyang administrasyon.

Sa ngayon, malaki ang ginagastos ng gobyerno para labanan ang pandemya.

Hindi puwedeng hindi unahin ng gobyerno ang paglaban sa nakakamatay na Corona virus.

Baka lalo tayong magkawindang-windang kapag lalo pang lumala ang pandemya.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com.Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )