Home>Editorial>Opinion>Cascolan Policy

Cascolan Policy

IBA’T IBANG polisiya na ang ipinatutupad para lamang maliniw ang hanay ng Philippine National Police (PNP).

Iba’t ibang Chief PNP, iba-ibang formula rin ang kanilang naiisip at ipinatutupad.

Sa pag-upo ni PNP chief General Camilo Cascolan ay nagpahayag agad itong maglalabas ng direktiba para naman gawing ‘eight hours duty’ ang bawat alagad ng batas na ang tawag ng iba rito ay ‘Otso-Otso!’

Naniniwala si Cascolan na mas magiging epektibo sa pagtupad sa tungkulin kung magkakaroon ng sapat na pahinga ang mga pulis sa bansa.

Suportado ni PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang plano ni Cascolan.

“Okay naman iyan kung may enough personnel ang isang unit. Support tayo, kay Chief (PNP),” ani Eleazar sa sa Viber message sa ‘Uncovered.’

Para kay Eleazar, maaaring ipatupad ang polisiya depende sa unit at numero ng kanilang tauhan o tropa. Hindi man tuwirang sinabi, maaaring hindi ‘effective’ ang Otso-Otso duty hours kung kulang nga naman ng tao sa isang himpilan ng pulisya.

Sa puntong ito, kailangan sigurong balansehin ni Cascolan ang kanyang plano tungkol dito.

Lalo pa ngayon na gumaganda ang performance ng PNP dahil sa nakalipas na anim na buwan ay iniulat na bumaba ng 47% ang criminal incidents sa buong bansa.

Sa isang kalatas, si Eleazar, commander ng Joint Task Force COVID Shield, ay nagpahayag na mula sa 31,661 criminal incidents na naitala mula September 15, 2019 hanggang March 16, 2020, bumaba sa 16,879 ang rekord ng krimen mula March 17 hanggang September 16 ngayong taon.

“We have been conducting analysis of the crime situation in the past six months in order to identify the best practices and security adjustments that we could replicate in other areas and eventually in order to sustain this momentum,” saad ni Eleazar.

Kinontra rin ni Eleazar ang impormasyon na tumaas ang mga kaso ng murder at rape sa anim na buwang quarantine period.

Batay sa datos, ang kaso ng murder ay bumaba ng 22% habang ang rape cases ay bumaba ng 24%.

“We would like to point out that the criminal incidents have been consistently declining in the past four years, or since our Commander-in-Chief Mayor Rodrigo Duterte assumed the presidency in July 2016,” diin pa ni Eleazar.

Batay sa mga detalyeng ito, masasabi kong gumaganda ang takbo ng pagpapatupad ng batas ng mga pulis at kung may mga polisiya sigurong dapat baguhin, mas makabubuting unti-untiin na lamang muna o subukan muna sa isang yunit bago ipatupad sa buong PNP.

Mahirap din kasing baguhin ang nakasanayan at mas mahirap ipatupad kung pilit lang ito. Nasabi minsan ni Senador Bong Go na sa isang panayam na: “Huwag nating pilitin at baka dumugo.”

Alam ko ang pinaghuhugutan ni Cascolan tungkol sa Otso-Otso Duty Hours ng pulis. Noong director pa kasi siya ng National Capital Region Police Office (NCRPO), dito sila nagkaroon ng magkaibang pananaw ni dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde.

Magkaklase sa Philippine Military Academy (PMA) Signatala Class of 1986 sina Cascolan at Albayalde. Kontra ni Oca ang gusto ng kanyang ‘Mistah,’ kaya ito rin ang dahilan upang napa-aga ang ‘promotion’ sa Camp Crame ni Cascolan.

Ang isa pang polisiya na nais baguhin ni Cascolan ngayon ay ang pamamahiya sa mga pulis sa harap ng media na naging tatak nina Albayalde at Eleazar bilang mga ‘disciplinarian.’
Natural, bagong pinuno at bagong ‘management style of leadership.’

Pero kung ako ang tatanungin, mas gusto ng taumbayan ang istilo nina Albayalde at Eleazar. Nakakakita ng pag-asa ang taumbayan sa tuwing may mga abusadong pulis na pinagagalitan ng kanilang opisyal nang harap-harapan. Isang magandang hakbang para itakwil ang masasama sa PNP upang hindi na pamarisan pa.

Kung ayaw silang ipahiya ni Cascolan, ang tingin ng madla rito ay bukod sa kinukunsinti, pinagtatakpan ng Chief PNP ang kamalian ng kanyang mga tauhan.

Sa isang banda, mismong si Pangulong Duterte ang pasimuno ng ‘shaming campaign’ laban sa mga tiwali sa pamahalaan. At kahit si Senador Panfilo Lacson na nagtala ng pinakamataas na performance rating sa kasaysayan ng PNP noong ito ang pinuno ng pambansang pulisya ay epektibo rin sa pagpapatupad ng kanyang kampanya kontra inept, corrupt at undisciplined (ICU).

At kung nanamnamin ni Cascolan, mas mabuti sigurong aralin muna niya nang husto ang kanyang mga bagong polisiya para naman may maiwan siyang magandang ‘legacy’ sa Camp Crame.

Sa kabilang dako, lalo nating hinahangaan si Eleazar dahil bilang isang magiting na alagad ng batas, puro trabaho lamang ang ginagawa ng heneral at hindi nito kailangang magpabida sa media!

Keep up the good work, Gen. Eleazar, Sir!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large