Home>Editorial>Opinion>Diskriminasyon sa pribiliheyo ng UP

Diskriminasyon sa pribiliheyo ng UP

MAY kasalanan din pala ang estado kung anuman ang sitwasyon ng maraming kabataang na-recruit para magrebelde sa pamahalaan.

Ang pagpasok ng gobyerno sa kasunduan sa pagitan ng University of the Philippines para maging isang independiyenteng bakuran tatlong dekada na ang nakakaraan ay maituturing na diskriminasyon sa ibang unibersidad.

Sinasabi sa 1989 accord under Cory Aquino government na hindi puwedeng pumasok ang pulis at militar sa UP campus kahit anong mangyari kung walang pahintulot ng pamunuan ng paaralan.

Kaya maraming beses nang may krimen sa loob ng UP campus mula sa rape, murder at rebelyon subalit walang magawa ang estado dahil sa kasunduang ito na hindi naman nararapat.

Hindi natin alam kung anong espesyal na may ice cream at leche flan pa sa ibabaw ang UP para magkaroon ng ganitong klaseng pribiliheyo na wala sa Lyceum, wala sa Mapua, wala sa Letran, wala sa FEU, wala sa UST, wala sa Ateneo, wala sa La Salle at wala sa lahat ng state universities.

Isang uri ng diskriminasyon ang kasunduang ito na tama lamang pinawalang-bisa ni Defense Secretary Delfin Lorenzana. Si former Defense Secretary Fidel V. Ramos pala ang signatory ng kasunduan na may basbas ng dating Pangulong Cory.

Isipin mo naman, hindi puwedeng pumasok ang mga pulis at sundalo pero puwedeng pumasok ang pondo ng gobyerno! Bilang state university, pera ng pamahalaan ang ginagamit mula sa pako hanggang sa bubungan ng UP tapos walang pakialam ang awtoridad kahit ano na ang nangyayari sa loob? Ang gobyerno rin ang nagpapaaral sa mga estudyante dyan tapos mababalitaan mo, may ibang kabataan ang nakumbinsi para pabagsakin ang gobyerno!

Hindi ko tatanggapin kung academic freedom ang naging pundasyon ng kasunduang ito dahil puwede rin itong gamitin ng ibang unibersidad para mapagkalooban sila ng ganitong klase ng pribiliheyo!

Isipin nating mabuti, mahigit 30 years na may sariling republika ang UP na wala sa ibang paaralan. Espesyal di ba?

Kailangang maging malinaw na ang anumang nakatayo sa lupa ng Pilipinas ay dapat may hurisdiksiyon ang gobyerno. Mula sa hangin, tubig at lupa ay puwedeng panghimasukan ng estado tapos ang UP, hindi puwede? Anong klaseng patakaran yan?

Ang ibig kong sabihin ng hurisdiksiyon, kapag may nangyari nang krimen o anumang masasamang gawin, awtomatikong papasok na ang gobyerno na hindi kailangang magpaalam pa kahit sinong Ponsiyo Pilato.

Sa usapin nga ng mga natural na yaman, kahit mahukay mo sa loob ng bahay mo ng mga bara ng ginto or langis, may poder ang estado para kunin yan. Tapos, sa UP, walang kapangyarihan ang estado?

Panahon na para magkaroon ng balanseng pagtrato ang estado sa lahat ng kanyang nasasakupan. At ang paglusaw sa 1989 accord na ito ay isang welcome development para sa ibang sektor na napagkaitan ng ganitong privilege. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV