Home>Editorial>Opinion>GCQ: Casino vs simbahan

GCQ: Casino vs simbahan

KUNG pinapayagan na ang 30% capacity ng mga casino under GCQ, sana lang ay payagan na rin ng IATF ang 50% capacity ng mga simbahan.

Kung may mga lugar na delikado ang pagkalat ng virus, isa na marahil ang mga casino sa mga ito.

Nakapagtataka namang hanggang 10% capacity lang ang puwede sa mga simbahan tapos puwede ang 30% sa mga casino.

Ikumpara nga natin. Sa casino, karamihan ng mga tao ay umiinom ng alak at nagyoyosi habang nagsusugal. Ang mga casino players at dealers din ay nag-uusap, panay pa sigaw kapag buwenas kaya malaki ang posibilidad ng pagtalsik ng laway.

Gala rin nang gala ang mga casino players sa loob ng gaming area. May mga buraot pang maka-side bet lang ng P100 ay bubulong pa sa mga players na nasa harapan niya.

Sa simbahan, mas behave ang mga tao, lalo na kapag nagsimula na ang misa. Walang naninigarilyo, walang gumagala, walang daldalan at sa sobrang tahimik, iyong iba nga nagpapanggap lang na nagdarasal pero naghihilik na.

Mas sigurado pa ang distansiya sa simbahan dahil obligadong sumunod ang mga tao sa social distancing kapag pumasok na.

Sana lang, ginagamitan din ng logical thinking ng mga taga-task force ang kanilang mga desisyon dahil kung papipiliin si Satanas kung saan niya gustong pumunta, sa simbahan ba o sa casino, alam nyo na siguro ang sagot.

***

Kung ako sa pamilya ng napatay na transgender na si Laude, tatahimik na lang ako. Hindi sila dapat umaktong inapi sa isyu ng pagkakaloob ng absolute pardon kay Pemberton dahil unang-una, nahatulan at nakulong naman ito ng anim na taon.

Bukod sa sentensiya, nabayaran din ang pamilya Laude ng P4.6 million bilang danyos.

Walang isyu rito ng “kawalan ng hustisya” kung istriktong hustisya nga ang usapan. May mga kolatilya ang conviction kay Pemberton, natanggal siya sa pagkasundalo, nakulong siya ng anim na taon, at hindi na siya makakabalik sa pagkasundalo.

Hindi natin minemenos ang pagkamatay ni Laude bagkus ay gusto lamang nating timbangin sa tamang perspektibo ang isyu. Totoong walang kabayarang salapi ang pagpatay sa isang tao subalit sa tingin natin, nagkaroon ng bagong kabanata ang pamilya sa halagang ibinayad bilang danyos.

Kung pardon ng Pangulo ang gusto nating kuwestiyon, lahat tayo ay walang poder kahit pa Korte Suprema or Justice League nil Batman at Superman dahil Saligang Batas ang nagbigay sa kanya ng power na yan.

At huwag din nating kalilimutan, iyong mga kababayan nating nahahatulan ng bitay sa abroad, mga Pangulo at Hari din ng ibang bansa ang nagbigay ng absolute pardon, sentence commutation at reprieve batay din sa kahilingan ng Philippine government.

Case in point, Sarah Balabagan, Angelo Dela Cruz, Mary Jane Veloso at marami pang iba.

Gusto pala natin tayo lang nakikinabang sa ganitong pribilehiyo kapag napapabalik sa ating bansa ang mga kababayan nating nagkasala sa abroad. Pero kapag dayuhan na ang makikinabang, ayaw na natin.

Double standard talaga ang iba sa atin.

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV