Korapsyon ang sumisira sa bansa

June 05, 2019

MASAMANG balita para sa mga mandurugas sa Aduana, na pinamumugaran ng mga makamandag na ahas.

Hindi titigil si Bureau of Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero hanggang hindi niya nagagawa ang kanyang mga dapat gawin. 

Alam ni Guerrero na kailangang ipagpatuloy niya ang kanyang “10-point reform program” kung nais niyang gumanda ang serbisyo sa tinatawag na “waterfront community.”

Sa kanyang mga tagahanga, ayaw nilang magaya si Sir Jagger sa nangyari kina  Marine Capt. Nicanor

Faeldon at Police Gen. Isidro Lapena.

Sina Faeldon at Lapena ay nawala sa Aduana dahil sa isyu ng iligal na droga.

Nandiyan din ang isyu ng korapsyon  sa ilang opisina ng ahensiya.

Kung sabagay, talagang korapsyon ang sumisira sa imahe ng bansa sa international community.

Sa totoo lang, hindi lang sa BoC ang may problema ng katiwalian at korapsyon.

Sakit din ng ulo ng iba pang ahensiya ng gobyerno ang korapsyon.

Sa BoC, ginagawa lahat ni Guerrero ang kanyang magagawa para i-address ang problema.

Ang maganda kay Guerrero, meron siyang sapat na political will para linisin ang Aduana.
“Guerrero is not a  former four-star military general for nothing,” ayon sa mga kasama natin sa hanapbuhay.

Isa pa, wala sa karakter ni Guerrero ang umaayaw sa laban, lalo na kung ang ipinaglalaban ay kapakanan ng bayan at taumbayan.

Tuloy lang ang trabaho, Sir Rey, dahil suportado ka ng mga nagtatrabaho sa mga pantalan.

***

Hanggang ngayon ay marami pa rin tayong tinatanggap na reklamo tungkol sa kakulangan at sira-sirang silid- aralan.

Kaawa-awa naman ang mga bata na nagkaklase sa kung saan-saan dahil sa kakulangan ng mga silid- aralan.

Hindi natin maintindihan kung bakit nangyayari ito, eh ang tagal naman  ng school vacation at ang malaki naman ang budget ng DepEd para sa pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan.

Kung tutuusin may sapat na panahon ang gobyerno at publiko para bigyang solusyon ang problema sa edukasyon.

Kahit kawayan at pawid lang, okay na sanang pansamantalang classroom ng mga bata, lalo na sa mga liblib na pook na kung saan walang masilungan ang mga bata.

Nasaan na ngayon ang mga kumandidato noong nakaraang eleksyon?

Ngayon nila ipakita na talagang may malasakit sila sa taumbayan.
Sa tingin natin ay walang magbo-boluntaryong natalong kandidato para tumulong sa mga batang may problema sa paaralan.

Hindi na nga sila napagkikita sa komunidad.
Lalabas lang uli ang mga ‘yan sa darating na October 2020 Barangay elections at May 2022 presidential polls.

***

Malapit na ang panahon ng tag-ulan sa bansa.

Ang ibig sabihin niyan ay parating na rin ang mga usong sakit kapag panahon ng rainy season sa bansa.

Problema na naman ang dengue, leptospirosis, diarrhea, ubo at trangkaso.

Kaya dapat may mga nakahandang libreng gamot sa mga  barangay at municipal health center para sa mga tatamaan ng sakit.

Sa hirap ng buhay, maraming tao ang hindi makapagpagamot sa mga pribadong doktor.

Ang iba naman ay naggagamot na lang ng sarili kaya lalong lumalala ang sakit.

Kaunting malasakit naman sa mga mahihirap na may sakit.

Kilos na Health Sec. Francisco Duque.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)