Utos ni Pangulong Duterte dapat sundin ng BoC

January 19, 2020

MAHIRAP talaga maging commissioner ng Bureau of Customs.

Maraming problema sa Aduana, kabilang na ang ismagling, korapsyon, red tape at katiwalian.

Pero ang matindi, napakaraming naghahangad sa pinakamataas na puwesto sa Aduana, na tinatawag na “snake-infested.”

Kaya imbes na makapag-concentrate sa trabaho, kailangan mo ring bantayan ang iyong likod dahil maraming naghihintay na magkamali ka.

Ganoon pa man, maraming naniniwala na handa si BoC  Chief Rey Leonardo Guerrero sa mga problemang ito.

Kagaya na lang sa balitang papalitan na daw siya ni Pangulong Digong Duterte.

Nanatiling tahimik at kalmado si Commissioner Guerrero.  

Sa kanya, ginagawa naman niya ang lahat para maayos ang Aduana.

At nabunutan ng tinik ang mga supporter ni Guerrero nang sabihin ni Pangulong Duterte na mananatili si Sir Jagger sa puwesto.

“No. Jagger remains...I am satisfied with General Guerrero and he stays there,” paliwanag ni Duterte.

Pero pinayuhan ni Pangulong Duterte si Guerrero na pagsisipain na ang mga bugok na taga-BoC.

Dagdag ni Duterte: “I’ll tell Jagger to dismiss them. Because these people have been there for 25 years, 20 years, doing nothing but corruption.”

Tama naman si Pangulong Duterte may mga taga-BoC kasi na kasabwat ng mga nagpaparating ng kontrabando.

Ang lalakas ng loob ng mga bugok na ito.

Wala silang takot kahit alam nilang mga dating heneral sina Guerrero at Deputy Commissioner Raniel Ramiro.

Sir Jagger, pagtatanggalin mo na ang mga protektor ng mga ismagler/player sa Aduana at ipadampot mo na rin sina Kimberly at Michael Y. pati na mga tauhan nila na pagala-gala diyan sa pantalan.  

Baka sila pa ang humila sa iyo sa kumunoy.

Marami namang matitino na puwede mong magamit at mapagkatiwalaan.

Aksyon na dahil suportado ka ni Pangulong Duterte at ng buong waterfront community.

Lalo na ng mga maliliit na importer at broker na kinakawawa ng mga major importer at broker.

***

Kawawa naman ang mga kababayan nating Batangueño na nasa mga evacuation center.

Pati na ang mga pansamantalang nakikitira sa mga kamag-anak at kaibigan.

Oo nga’t may mga tumutulong pa sa kanila.

Pero ang problema ay saan kukuha ang gobyerno ng pera para buhayin ang libu-libong evacuees kung magtatagal ang pag-aalburoto ng Taal Volcano?  

Paano ang pag-aaral ng mga bata?  

Marami kasing paaralan ang ginagamit na evacuation center.

Dahil sarado ang mga kompanya, pabrika, tindahan at iba pang bahay-kalakal, paano ang income ng mga bayan at syudad na kasalukuyang naka-lockdown?  

Malaking problema ito para aa administrasyong Duterte.

Sana naman walang dumating na bagyo, baha o iba pang emergency habang hindi pa tapos ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

***

Mabilis talaga ang takbo ng panahon. Pagpasok nang Pebrero, simula na naman ang sakit ng ulo ng taumbayan.

Nandiyan ang Valentine’s Day, junior and senior prom, graduation, reunion, pista, outing at ibat-iba pang summer activities.

Nandiyan pa ang kinaugaliang selebrasyon ng Semana Santa o Holy Week ng mga Katoliko at iba pang sekta.

Sa madaling salita, Panahon na naman ng gastos!

Aray.....

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)