Nadine ill-advised?

January 29, 2020
Nadine Lustre
Nadine Lustre

MARAMI ang nagsasabi na tila ill-advised ang 26-year-old singer-actress at celebrity endorser na si Nadine Lustre sa ginawa nitong basta-bastang pagkalas sa pamamahala ng Viva Artists Agency (VAA) kung saan meron pa siyang existing contract.

Ang kampo ni Nadine ang unang naglabas ng press statement na kumalas na umano ang singer-actress sa kanyang kontrata sa VAA na nagmula sa tanggapan ng  kanyang legal counsel na pinamumunuan  ni Atty. Lorna Kapunan na agad namang sinagot at sinundan ng official statement mula sa Viva.

Nakasaad sa official statement ng Viva na nananatiling nasa ilalim ng kontrata si Nadine at ang mga kukuhang ‘third party’ kay Nadine ay mahaharap sa “breach of contract.

Mukhang handa si Nadine at ang kanyang legal counsel sa kanilang susuunging legal battle sakaling mauwi sa demandahan ang kaso ng singer-actress sa kanyang home studio of 10 years.  In the meantime, matatakot ang interesadong third  parties na kunin ang serbisyo ni Nadine habang hindi pa nagkakasundo ang dalawang partido.

Nagtataka ang marami kung bakit tila nag-rebelde si Nadine sa Viva na siyang nangalaga sa kanya sa loob ng 10 taon since 2009 considering na kung wala ang Viva ay hindi siguro siya nakilala.

Four months matapos umalis si James sa pangangalaga ng Viva ay nabigla ang lahat sa biglang paglabas ng official statement ng kampo ni Nadine na siya’y kumakawala na rin sa kuwardra ng Viva.

Ang kaibahan ni James, personal itong nakipag-usap sa Viva big boss na si Boss Vic del Rosario.  Si Nadine naman ay idinaan niya sa kanyang legal counsel  at sa media na nag-cause ng strain between her and her home studio.

In the meantime, nakatengga ang mga proyekto para kay Nadine.

Sa media launch ng Viva Films 2020 vision na ginanap sa Novotel nung nakaraang Martes ng gabi, inamin ng Viva big boss na si Boss del Rosario na may naka-lineup na movie projects ang Viva Films for Nadine at kasama na rito ang kanyang inatrasang pelikula, ang 2019 box office hit Metro Manila Film Festival movie na “Miracle in Cell No. 7” ni Aga Muhlach kung saan siya pinalitan ni Bela Padilla.

Sa pagkakaalam namin, ang local remake ng Korean hit movie na “Spellbound” was also intended for James and Nadine pero dahil sa pagkalas ni James sa Viva nung isang taon, ang nasabing proyekto ay ibinigay kina Bela Padilla at  Marco Gumabao.