Abby, Ex-VP una sa survey

January 13, 2019
Abby Binay

NAKATAKDANG magwagi sina Mayor Abby Binay at ang kanyang mga kaalyado sa lokal na halalan sa Makati, ayon sa resulta ng pinakabagong Pulse Asia survey.

Ayon sa naturang survey, patuloy na nangunguna si Mayor Abby sa pagka-alkalde matapos makakuha ng 71% voter preference. Ang pinakamalapit niyang katunggali, si dating mayor Junjun Binay, ay nakakuha lamang ng 22%, habang ang ikatlong kandidato, si Ricky Yabut, ay nakakuha ng two percent.

Nakamit naman ni dating Bise Presidente Jojo Binay ang 66 per cent ng voter preference bilang Congressman ng unang distrito ng Makati, habang nakakuha ng 30% si dating acting mayor Kid Peña.

Sa labanan para sa pagka-vice mayor, nakuha ni Vice Mayor Monique Lagdameo ang 81%, habang 10% naman ang nakuha ni Monsour del Rosario.

Samantala, nakamit ni reelectionist second district Congressman Luis Campos ang 78%, habang si Councilor King Yabut ay nakakuha ng 17%.

Ang survey ay isinagawa mula November 23 hanggang 29 sa 1,200 na botante.

Sa isang hiwalay na survey na isinagawa ng PUBLiCUS Asia sa parehong buwan, malaki rin ang agwat ni Mayor Abby sa kanyang kapatid.

Ayon sa naturang independent, non-commissioned survey, 67% ng respondents ang nagsabing iboboto si Mayor Abby, habang 20% lamang ang nagsabing iboboto si Junjun.

Nakakuha naman ng two percent si Yabut, habang ang nine percent ay wala pang napipili sa kanila. Ang two percent ay nagsabing wala silang mapili.

Para sa pagka-vice mayor, ang nakaupong si Monique Lagdameo ay nakatanggap ng 83% habang si Monsour del Rosario ay nakakuha ng nine percent. Limang porsiyento ng respondents ang undecided habang four percent ang nagsabing wala pa silang napipili.

Ayon sa pahayag ng PUBLiCUS sa official website nito, sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng halos tatlong dekada ay matatalo sa eleksyon sa pagka-Mayor ang isang Binay.

Sa pagtataya nito, malaki ang tsansang tatalunin ni Mayor Abby ang kanyang kapatid sa pagka-alkalde, ganundin si Vice Mayor Monique Lagdameo na ilalampaso ang kanyang katunggali sa pagka-vice mayor.

Ang naturang survey para sa Makati ay isinagawa mula November 16 hanggang 20 sa may 397,587 respondents. Ang resulta nito ay naisapubliko kasama ang iba pang survey na isinagawa sa ibang pamahalaang lokal sa Metro Manila.

Ang #PahayagNCR ay isang dedicated poll na sumusuri sa mga saloobin at pananaw ng mga botante mula sa National Capital Region tungkol sa mga napapanahong pambansang usapin.

Ayon kay political strategist Malou Tiquia na namumuno sa ahensya, pinili nito ang Metro Manila para sa pagsasaliksik dahil ito ang sentro ng kapangyarihan ng buong bansa, na kinabibilangan ng 16 lungsod at isang munisipalidad. 

Nasa Metro Manila ang 11.1 percent ng 54,363,844 total registered voters sa Pilipinas batay sa 2016 census. Ito rin ang may malaking budget kumpara sa ibang mga rehisyon sa bansa.